Nagpaalam na sa ere ang sports channel na ABS-CBN Sports + Action.
Inilunsad ang ABS-CBN Sports + Action noong January 18, 2014, bilang kapalit ng Studio 23.
Dito ipinalalabas ang UAAP games at ang inaabangang cheerdance competition.
Kinumpirma ng TV presenter na si Gretchen Ho ang pag-sign off ng sports channel ng Kapamilya network sa kanyang tweet ngayong Huwebes ng hapon, July 16.
Mensahe ng dating volleyball player: "That’s it. ABS-CBN Sports officially signs off. Love you fam@abscbnsports. Thank you for everything."
May kinalaman pa rin ang ipinagkait na franchise ng Kongreso sa ABS-CBN sa pagsasara ng ABS-CBN Sports + Action channel.
Sunud-sunod ang dagok na nararanasan ng ABS-CBN at ng mga empleyado nito buhat nang manalo ang "Yes" sa botohan ng mga kongresista noong Biyernes, July 10.
Tinupad ng mga kongresista ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pagkalooban ng prangkisa ang Kapamilya network.
Reportedly, “dissolved” na rin ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra.
Ito ang pinaghihinalaang dahilan ng mga hugot ng musical director na si Gerard Salonga, ang nakababatang kapatid ni Lea.
ABS-CBN NEGOTIATING WITH IBC-13?
Noong May 2020, kumalat ang balitang posibleng magkaroon ng blocktime agreement sa pagitan ng ABS-CBN at ng TV5.
Pero itinanggi ito ni TV5 Chairman Manny Pangilinan.
"There has never been any discussion in that regard. It's something that's not on our minds," sagot ni Pangilinan sa panayam sa kanya tungkol sa haka-hakang bukas ang TV5 sa pagpaparenta ng oras sa ABS-CBN para maipalabas ang mga flagship programs nito.
Lumitaw rin ang balitang, diumano, may pag-uusap na magaganap sa pagitan ng ABS-CBN at IBC-13 para sa possible blocktime agreement.
Ang IBC-13 ang isa sa mga nangungunang TV networks bago nangyari ang EDSA Revolution noong February 1986.
Sa kasalukuyan, suspendido ang telecast ng mga regular programs ng IBC-13 mula nang magdeklara ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon noong March 15.
Pero mapapanood sa naturang station ang Laging Handa press briefing ng Presidential Communications Operations Office tungkol sa coronavirus pandemic.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika