Mula sa Alert Level 4, ibinaba ni Prime Minister Jacinda Ardern sa Alert Level 3 ang lockdown sa New Zealand.
Mag-uumpisa ito bukas, April 28, 2020 dahil kontrolado na raw nila ang sitwasyon ng mga apektado ng COVID-19 doon.
Sa kasalukuyan, may 1,122 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa New Zeland.
May 1,180 cases ang naitalang gumaling na pasyente, at 19 cases ang binawian ng buhay.
Ang Auckland-based Filipino nurse na si Red Cerezo ang nagkuwento sa Cabinet Files tungkol sa mga protocol na ipinatupad ng New Zealand government.
March 26 nang sumailalim ang bansa sa Alert Level 4 lockdown.
Nagarantiya raw ng gobyerno na mapupunan ang isang buwang suweldo ng lahat mga empleyadong hindi makakapasok ng trabaho.
"Magaling si Prime Minister Jacinda Ardern, at saka sumusunod talaga sa batas ang lahat ng mga tao. Sobrang cooperative nila.
"Nang magsimula ang lockdown, naglabas si Prime Minister Jacinta ng tagline na 'Be Strong and Be Kind' at makikita ito sa lahat ng mga establishment.
"Naging ghost town talaga dito.
"May suweldo ang mga tao kahit hindi sila nagtatrabaho at libre ang pamasahe namin."
SYSTEMATIC GROCERY SHOPPING FOR ESSENTIAL NEEDS
Malaking bagay raw na disiplinado at cooperative ang mga mamamayan pagdating sa social distancing protocols.
Siniguro raw talagang walang magtatabing mga tao sa mga pampublikong lugar.
Kuwento pa rin ni Cerezo: "Wala kaming curfew at kapag nasa labas, two meters ang dapat na layo ng mga tao sa isa’t isa.
"Kapag nagkakasalubong, humihinto pa yung iba para lang ma-maintain ang two-meter distance.
"Sa supermarket, tulad sa Pilipinas, isa lang ang dapat mamili.
"Kapag nakita kayo na nag-uusap sa supermarket, maaari kayong palabasin kasi ibig sabihin magkakilala kayo."
May sistema rin daw para hindi magkumpulan ang mga mamimili sa grocery.
"Yung ibang mga supermarket, may phone app. Magre-register ka para may makuha kang cue kaya hindi ka na pipila, nasa sasakyan ka lang.
"Kapag cue mo na, may magte-text sa iyo para ikaw na ang susunod na papasok."
Nakasuot pa raw ng full protective gear ang mga nagtitinda sa Chinese-owned supermarkets.
"Ang mga Chinese dito na may-ari ng Asian store, sila pa ang masyadong mahigpit.
"Nakasuot ng PPE ang kanilang mga cashier at dapat, naka-face mask ang lahat ng mga kostumer."
Dumanas din ba sila ng panic-buying ng grocery items?
Sagot ni Cerezo, "Nung 1st week ng lockdown, nauubos ang tissue sa mga supermarket.
"Ngayon naman, ang baking needs ang nauubos dahil baking ang ginagawa ng mga tao."
ON THE MEDICAL FRONT
Nagtatrabaho si Red at ang ibang mga Filipino nurses sa Auckland City Hospital.
Para raw iyong counterpart ng Philippine General Hospital sa Pilipinas, kaya sunod-sunod ang mga pasyenteng ginagamot at inaalagaan nila.
Contact tracing daw ang priority nilang i-check sa mga pasyente.
Ayon kay Cerezo, "Kapag may travel history ang maysakit, kino-consider agad sila na COVID-19 positive.
"Mas covered ang mga nurse sa Pilipinas sa isinusuot nila na PPE kesa sa mga ginagamit namin."
Tingin ni Cerezo, "honest" ang mga pasyente ng Auckland City Hospital pagdating sa kanilang karamdaman at travel history.
Aniya, "Kaya wala pa namamatay na nurse at doktor."
RULES FOR MODIFIED LOCKDOWN
Ibinahagi rin ni Cerezo sa PEP.ph ang Golden Rules For Life, o ang Level-3 Lockdown protocols, na ipatutupad ng New Zealand simula bukas.
Papayagan na raw na bumalik sa trabaho ang mga empleyadong walang work-from-home option.
Pero istrikto pa rin daw ipatutupad ang social distancing sa loob ng workplace.
Hindi raw papayagang mag-operate ang mga negosyong ang serbisyo ay may close physical contact sa customers.
Bahagi ng guidelines, "Your business must be contactless. Your customers can pay online, over the phone or in a contactless way. Delivery or pick-up must also be contactless."
Puwede na rin daw mag-exercise sa parks at beaches, pero kailangang may distansya ng 3 meters apart ang bawat tao.
Maliban doon ay hinihiling pa rin sa mga mamamayan na manatili sa bahay kung wala rin lang essential activities.
Hangga't maari ay makihalubilo lang daw sa mga kapamilya.
"You can expand your bubble a small amount to bring in close family, isolated people or caregivers," dagdag pa sa kanilang guidelines.
Pinayuhan din ang lahat na ipagpatuloy ang regular hand hygiene para makaiwas sa virus.
Sa huli, sinabi ni Cerezo na puwedeng pamarisan ng Philippine government ang sistema sa New Zealand sakaling matuloy sa May 15 ang pag-lift ng Enhanced Community Quarantine sa bansa.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)