Ang huwag mag-alburoto ang Taal Volcano sa panahong may krisis ang Pilipinas sa coronavirus pandemic ang ipinagdarasal ng maraming Pilipino.
Nababahala kasi sila sa magkakasunod na lindol na naramdaman ngayong Miyerkules, April 22, sa mga bayan ng Mabini, Lemery, Calaca, Agoncillo, San Luis, Bauan, San Pascual, San Nicolas, at Santa Teresita sa lalawigan ng Batangas.
Nangangamba ang ating mga kababayan na baka may kinalaman ang Taal Volcano sa mahihinang lindol na naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mula kaninang umaga hanggang ngayong hapon.
Unang naramdaman sa Lemery ngayong umaga, 10:31 a.m., ang lindol na may 1. 6 magnitude.
Ngayong hapon, 5:58 p.m., naramdaman ang 2.2 magnitude earthquake sa nabanggit pa ring bayan.
Ang mga bayan ng Agoncillo, Alitagtag, Balete, Cuenca, Laurel, Lemery, Malvar, Mataas Na Kahoy, San Jose, San Nicolas, Santa Teresita, Taal, Talisay, at Tanauan City ang lubhang naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano noong January 12.
Nagsisimula pa lamang bumangon mula sa pananalanta ng natural na kalamidad ang mga residente ng mga naturang bayan.
Kaya malaking dagok para sa kanila kung sakaling muling pumutok ang Taal Volcano habang nakaamba sa lahat ang panganib na dala ng COVID-19.