Magiging kritikal para sa mga Pilipino ang mga susunod na araw—mula ngayong April 20 hanggang April 30—dahil ito ang magiging basehan kung palalawigin pa ang Enhanced Community Quarantine.
Kapag bumaba ang bilang ng kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19, may posibilidad na hindi na magkaroon ng extension ang ECQ na ipinatutupad mula pa noong March 15.
Pero iba ang magiging scenario kung magpapatuloy ang kawalan ng kooperasyon, konsiderasyon, at displina ng iba nating mga kababayan.
TOTAL LOCKDOWN IN SAMPALOC
Tiniyak ni Manila City Mayor Isko Moreno na ipatutupad nito ang total lockdown sa Sampaloc.
Pero pinag-aaralan pa niyang mabuti ang kanyang plano.
Ang Sampaloc ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng kaso (158, as of April 19) ng COVID-19 sa Kamaynilaan.
REMULLA'S ULTIMATUM
Sa Cavite, nagbigay na ng ultimatum si Cavite Governor Jonvic Remulla sa mga pasaway na kababayan.
Sa kanyang Facebook post ngayong umaga, inamin ni Remulla na napupuno na siya sa mga inaasal ng mga Caviteño na hindi nakikiisa sa mga ordinansa na pinaiiral para makontrol ang pagkalat ng coronavirus.
Pahayag niya, "Hinde po ako pwede magkunwari, na nararamdaman ko ang dinadaanan ninyo. Ako ay pinanganak sa ibang kalagayan.
"Ngunit araw-araw, ang inyong dinadanas ay ang unang nasa isip ko paggising pa lamang.
"Napakahirap ng walang kinikita. Napakahirap na para maitawid lamang ang pangangailangan ay kailangan magsanla."
Nagbabala si Remulla na hihigpitan na niya ang pagpapatupad sa mga ordinansa dahil hindi makuha sa pakiusapan ang ilan sa kanyang mga kababayan.
"Nakakakulo ng dugo na 90% ay nasunod sa patakaran ngunit may 10% na matigas ang ulo at baka sanhi ng lalong pagkalat ng COVID-19. NAKAKAPIKON!
“Kung kulang ang patakaran at pakiusap ay subukan ko naman kaya ang HIGPITAN ko ang padtupad nito."
Sinabi ni Remulla na hihingin na niya ang tulong ng Armed Forced of the Philippines para sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa Cavite.
"Nakiusap na po ako sa ating Provincial Director na tawagin na ang ating mga kaibigan sa AFP na maghanda, mag-deploy ang AFP dito sa Cavite.
"Ako po ay makikipag-ugnayan kay Sec. Año na gamitin na ang Philippine Army at Reservist para pairalin ang ECQ sa Cavite.
"Mamayang gabi ay babalitaan ko kayo sa aking mga panayam."
Dagdag pa niya, "Wala po sa loob ko ang manakit.
"Gusto ko lang patuparin ang batas para yung 10% ay tumino at ang 90% ay maisalba.
"Magkaisa po sana tayong lahat."
EXTREME ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE
Problema rin ng pamahalaan ng Quezon City ang mga lumalabag sa mga ordinansa ng Enhanced Community Quarantine.
Mula noong April 17 hanggang April 19, 511 ang bilang ng mga hinuling nakatambay at nag-iinuman sa kalsada.
Nagdeklara na ng Extreme Enhanced Community Quarantine sa Barangay North Fairview, Novaliches Proper, at New Era dahil sa mga pasaway.
Kaya mas hihigpitan ng mga pulis, barangay officials at health department ang monitoring at surveillance.
Nakikiisa na ang concerned citizens ng Quezon City sa local government dahil sila na ang nagre-report sa mga kinauukulan ng paglabag ng kanilang mga kabarangay sa ECQ ordinances.