Ipinaalala ni Jessica Soho na hindi tama ang diskriminasyon laban sa frontliners at sa mga biktima ng COVID-19.
Ibinahagi ni Jessica ang mensaheng ito sa live broadcast ng 24 Oras, ang primetime newscast ng GMA-7, ngayong gabi, April 6.
Sa Maynila, limang libong piso ang multa at anim na buwang pagkakakulong ang parusang ipapataw sa sinumang magpakita ng diskriminasyon laban sa mga frontliner, healthcare workers, at COVID-19 patients.
Base ito sa ipinasang ordinansa ng Manila City government—ang Anti-COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020 o Ordinance No. 8624.
Ngunit mas mahalaga kaysa sa takot sa multa at kulong, pahiwatig ng veteran TV anchor, ay ang gawin ang tama sa kapwa.
ATTEMPTED ARSON IN LAGUNA
Maituturing na diskriminasyon ang tangkang panununog sa Community Lying-in Center sa Barangay Maravilla, Nagcarlan, Laguna.
Gagamitin sana itong isolation facility para sa Persons Under Investigation (PUI) at Persons Under Monitoring (PUM) para sa COVID-19.
Ngunit tinangka nga itong sunugin.
Pinaghahanap na ng Nagcarlan Police ang suspek sa insidenteng naganap noong 7:13 a.m. ng April 1.
Si Billy Ariate, ang stay-in janitor ng isang paaralan na kalapit ng Community Lying-in Center, ang nakakita ng apoy.
Naapula naman agad ang apoy nang buhusan ito ng tubig.
Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, napag-alamang gasolina ang ginamit ng suspek para sunugin ang lying-in center.
Pinaghihinalaang may kinalaman sa tangkang panununog ang pagtutol ng mga residente na gamitin bilang isolation facility ang Community Lying-in Center.
Sa kasalukuyan, limang tao ang itinuturing na PUI sa Nagcarlan. Lahat sila ay naka-self-quarantine sa kanilang mga tahanan.
"Hindi pa po nagagamit na quarantine facility ang Community Lying-in Center.
"Proposal pa lang po, pero ayaw pumayag ng mga tao na natatakot na baka mahawa sila ng COVID-19," kuwento ng isang taga-Nagcarlan sa Cabinet Files.
Ang latest update, may lead na ang Nagcarlan Police sa katauhan ng taong nagtangkang sunugin ang Community Lying-in Center.
OTHER INCIDENTS OF DISCRIMINATION
Nakakabahala ang mga insidenteng pinangingilagan ang frontliners, COVID-19 patients, at pati OFWs na kadarating lang ng Pilipinas.
Sa halip na unawain ang sitwasyon ng mga ito, pansariling interes at kakitiran ng isip ang gumagana sa ibang tao.
Sunud-sunod ang mga malulungkot na balita tungkol sa healthcare workers na pinapaalis mula sa kanilang mga nirerentahang tirahan.
Naiulat din ang COVID-19 patients sa Lambunao, Iloilo, na pinagbabato ang bahay.
Pati na ang pamamaril sa ambulance driver sa Candelaria, Quezon, na pinagbintangang positibo sa COVID-19 ang pasyente ng kanyang minamanehong ambulansya.