Ngayong gabi, February 20, ang cast party ng afternoon drama series ng GMA-7 na Madrasta.
Magaganap ito sa Estela, ang restaurant na pag-aari ng mag-asawang Gladys Reyes at Christopher Roxas sa Sta. Lucia East Grand Mall, Cainta, Rizal.
Si Gladys ang punong-abala sa wrap party ng Madrasta dahil cast member siya ng series.
Aligaga si Gladys dahil personal din niyang inasikaso ang launch ngayong hapon ng Sommereux (Someru ang wastong bigkas), ang catering service business na binuksan nila ni Christopher.
Ginanap iyon sa 38 Valencia Events Place sa Quezon City.
Dahil low-profile si Christopher, iilan ang nakakaalam na graduate siya ng culinary arts sa International School for Culinary Arts and Hotel Management sa Katipunan, Quezon City.
Nagtrabaho ang aktor sa mga hotel at restaurant sa France bago nagdesisyong bumalik sa Pilipinas at buksan ang Estela.
Malawak ang kaalaman ni Christopher sa pagluluto kaya may karapatan siyang magtayo ng restaurant at catering service business.
"I grew up in the South, sa San Pedro, Laguna. Marami akong mga friends doon na gustong pumunta, pero malayo at traffic.
"So, naisip ko, kung hindi nila matitikman ang mga pagkain na niluto ko, dadalhin ko na lang sa kanila," kuwento ni Christopher.
Una niyang naisip ang konsepto ng Sommereux noong October 2019, at mabilis na nagkaroon iyon ng katuparan.
"Noong 39 years old ako, parang sabi ko, 'Magpo-forty na ako. Ano ba talaga ang gusto kong gawin?'
"Nagkaroon kami ng goal. Pina-practice ko yung short-term goal saka yung long-term goal.
"Sa tagal ko sa Estela, kailangan kong umalis para makakita ng ibang opportunity, ibang pag-iisip, ibang project.
"Nung nabuo ko na yung system ng Estela, puwede ko nang iwan sa kanila, sa sister ni Gladys."
Masinsinan daw nag-usap ang mag-asawang Gladys at Christopher kung makakaya nilang magbukas ng catering service business dahil baguhan sila sa restaurant business.
"Medyo doubtful ako. Kasi yung sa Estela pa lang, newbies kami when it comes to restaurant business.
"And now, catering business... Parang nagduda ako, 'Kakayanin ba natin ito?'"
Lakas-loob na pinasok pa rin nila ang bagong negosyo.
"But of course, with the help of those people para masimulan namin ito, and yung support system ng family, mga tamang supplier…
"Napaka-supportive nila, wala akong masabi. Napakabait ng Diyos," dagdag ni Gladys.
Likas na malakas ang karisma at talagang mapagkakatiwalaan si Gladys, kaya buong-buo ang suporta sa kanya ng mga taong tumutulong sa kanila ni Christopher.