Magsisimula ngayong Valentine's Day, February 14, ang Netflix streaming sa #Jowable, ang blockbuster launching movie ni Kim Molina at directorial debut ni Darryl Yap.
Ang streaming ng #Jowable sa Netflix ang Valentine gift nina Kim at Darryl sa lahat ng mga tumangkilik sa kanilang pelikula, na ipinalabas sa mga sinehan noong September 25, 2019.
Masayang-masaya si Kim nang malaman nitong ipalalabas sa Netflix ang #Jowable dahil mas marami ang makakapanood sa kanyang biggest movie break.
"Noong nalaman ko na magiging available na ang #Jowable sa Netflix, I was very happy.
"Finally some friends of mine who wasn't able to watch last year, makakapanood na sila.
"Another thing is, digital era na ngayon, and most people tend to get stuck on their phones when it comes to entertainment, kaya madaragdagan at mas marami na ang makakapanood sa movie namin," sabi ni Kim.
Hindi naman makapaniwala si Darryl na anumang oras, puwede nang panoorin sa Netflix ang debut movie niya bilang direktor.
"I am more than thankful and super happy dahil mismong Valentine’s Day ang streaming ng #Jowable,” pahayag ni Darryl.
Sa kabila ng pagiging successful ng #Jowable sa takilya, hindi open si Darry sa idea na magkaroon ng sequel ang kanyang monster hit movie.
"I don’t believe in Part 2’s talaga. I mean, ayokong pahabain ang tapos na dahil lang tinangkilik ng publiko.
"Doon ako sa buo ang kuwento at sinuportahan ng tao, but hindi lang naman ako ang nagdedesisyon.
"Kung ako po ang masusunod, wala na nang #Jowable 2."
Ipinaliwanag ni Darryl kung kung bakit hindi niya gustong magkaroon ng sequel ang #Jowable.
"Pressure po. Ayokong sirain yung maganda na.
"Phenomenal success po kasi kaya, baka kapag ipinilit, maging trying hard.
"I’m super happy na po sa #Jowable.
"For me, having a Part 2 will destroy it," sabi ng direktor.