Naikuwento ni Joshua Garcia sa ginanap na story conference ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan ng Regal Entertainment, Inc. na naisip niya noong umuwi na lamang sa bayan nila sa Batangas dahil sa mga project na nawala sa kanya.
Pero hindi itinuloy ni Joshua ang kanyang balak dahil imbes na sumuko, pinagbuti niya ang pag-arte sa pamamagitan ng mga acting workshop ng Star Magic.
Lahad ng 22-year-old actor, "Dumating yung time na parang uwi na lang kaya ako ng Batangas?
"Ang daming pumasok na projects, pero parang nawi-withdraw ako.
"Nag-create sa akin yun ng motivation na kailangan kong mag-workshop, kailangan ko pang galingan.
"Siguro kaya hindi nila ako kinukuha, hindi pa ako ganoon kahasa,
"So, nag-workshop ako. Sa tulong ng Star Magic, na-workshop nila ako."
Ginamit na motivation ni Joshua sa pagsisikap ang kanyang pamilya.
"Ang motivation ko kasi, yung family ko.
"Yung ate ko, hindi pa tapos ng pag-aaral.
"May papaaralin pa ako na pamangkin ko, yung kapatid ko, kasi nanganak.
"'Tapos ang dami kasing gustong ipagawa ni Papa, ang dami rin niya kasing gusto—bar, restaurant.
"Gusto ko matapos yun, gusto ko maipagawa yun for him," saad ni Joshua.
Napangiti si Joshua sa aming opinyong mabuti siyang anak at generous sa pamilya kaya pinagpapala ng Diyos.
NO LOVE TEAM FOR NOW
Nakatuon ngayon ang atensiyon ni Joshua sa kanyang acting career, pero gusto pa rin niyang ipagpatuloy ang pag-aaral na nahinto nang pumasok siya sa showbiz.
"Actually, gustung-gusto ko nang bumalik sa pag-aaral, kasi pagdating sa mga knowledge, medyo kulang talaga ako.
"Aminado ako, kulang ako sa knowledge.
"Dati, gusto ko lang mag-sundalo.
"Sabi ko, pagkatapos ko ng high school, papasok na ako, pero hindi natuloy.
"Sa ngayon, wala pa akong alam, pero parang gusto ko na mag-film," walang pretensiyong pahayag ni Joshua.
Pabor ang Kapamilya actor na hindi muna siya maging bahagi ng love team.
Pagkatapos mabuwag ang love team nila ng ex-girlfriend na si Julia Barretto, ipinareha si Joshua kay Janella Salvador sa teleseryeng The Killer Bride.
Saad ni Joshua, "Para sa akin, sa sitwasyon ko, huwag na lang muna…
"I mean, puwede akong mag-love team, pero mas marami kang katrabaho, mas maganda.
"Para mas maging bukas ka sa lahat ng opportunity."
Welcome ba sa iyo na magkaroon ng ibang mga kapareha?
Sagot ni Joshua, “Oo naman, siyempre nakakatrabaho ko yung mga hindi ko pa nakakatrabaho.
"Malalaman ko ang way nila kung paano sila magtrabaho. like si Jea [Janella Salvador].
"Siya kasi, hindi siya nagrereklamo kapag nasa set.
"So, parang ako, mas mahihiya ako, itong babae, hindi nagrereklamo.
"Natututo ako sa bawat nakakapareha ko.
"Kay Julia, hindi naman ako nag-i-Ingles dati… natututo ka, e."