Minana ni Renz Fernandez ang humor ng kanyang pumanaw na ama na si Rudy Fernandez.
Patunay nito ang mga sagot niya nang makausap siya ng Cabinet Files sa grand presscon ng Philippine adaptation ng Descendants of the Sun, na mapapanood simula ngayong gabi, February 10, sa GMA-7.
Ang balak na pagpapagiba at pagpapatayo ng bahay nila sa White Plains, Quezon City ang isa sa mga itinanong kay Renz ng Cabinet Files, dahil ang kanilang tahanan ay puno ng alaala ng kanyang namayapang ama.
"Pinaplano ko na ang bahay ko ngayon, magiging kapitbahay ko si Lorna Tolentino," tukoy ni Renz sa kanyang ina na respetadong aktres sa Philippine showbiz.
Si Renz ang bunso at nakakatanda niyang kapatid si Rap Fernandez, na may sarili nang pamilya.
"Lilipat muna kami... Lipat-gamit muna sa bahay ni Kuya sa likod ng lumang bahay namin. Gigibain na yung old house," saad ni Renz.
Nagkomento ang Cabinet Files na maraming alaala ni Rudy ang mawawala kapag giniba ang lumang bahay nila.
Sagot ni Renz, "Oo, pero yung memories na iyan, wala naman sa bahay namin. Nandito iyan sa puso at isip forever.
"Sa tingin ko, it will be a fresh start para sa aming lahat.
"Kaming tatlo ang nagdesisyon na baguhin ang bahay."
Makakabuti raw kina Renz, Rap, at Lorna ang magkaroon ng privacy sa desisyon nilang hatiin sa tatlo ang loteng kinatitirikan ng luma nilang bahay.
Una nang naipatayo ang sariling bahay ni Rap sa lote sa likod ng kanilang lumang bahay.
Ang lumang bahay nila ay hahatiin sa dalawa para sa ipatatayong bahay nina Renz at Lorna.
Patuloy ni Renz: "Ako rin, personally, gusto kong magsarili dahil matanda na rin ako.
"Thirty-four na ako, di ba, dapat oras na para matuto akong mag-isa?
"Matuto akong mag-survive na kaya kong magluto on my own, kaya kong magbayad ng bills on my own."
HOUSEHOLD EXPENSES
Ibinahagi rin ni Renz kung paano ang kasunduan nila ni Lorna pagdating sa household expenses kung iisa lang sila ng bahay.
"Ngayon, siyempre, ang dami naming kasambahay. Living like a prince ako sa bahay.
"Sa yaman ni Mama, hindi pa ako masyadong nagsi-share, pero siyempre, gusto kong mag-share.
"Nagdadala ako ng pagkain minsan, ganun-ganoon lang."
Tinatanggap ba ni Lorna kung anumang ambag niya?
"Siyempre naman, kung ano ang maibibigay mo.
"Pero sa yaman ni Mama, wala, e. Hindi niya ako inoobliga na magbigay.
"Pero kung ano yung maibibigay ko, ibinibigay ko."
Kumusta si Lorna bilang nanay?
"Siyempre, the best! Open-minded, magaling mag-guide…
"Alam niya kung paano sabihin ang isang bagay na hindi ka mababastos. Napakasuwerte ko.
"At kay Papa din, alam mo naman, napakasuwerte ko rin. Napaka-blessed ko."
NEW LOVE FOR MOM
Nang mapag-usapan ang personal na buhay ng kanyang ina, sinabi ni Renz na payag itong muling magmahal si Lorna.
"Wala na siyang plano na mag-asawa. Pero kung meron man, okey lang sa akin dahil kung saan siya masaya, doon ako magiging masaya.
"Kung okey naman, approved na approved na ako.
"Pero kung hindi, sasabihin ko naman, 'Huy, hindi okey iyan.' Awayin ko na, di ba?”
Dr. Earl Jimeno ang pangalan ng karakter ni Renz sa Descendants of the Sun.
Tiniyak ni Renz na mapapanood ang karakter nito mula umpisa hanggang katapusan ng Philippine adaptation ng sikat na Koreanovela, na kanyang nagustuhan nang panoorin niya sa Netflix.
Ang ina niyang si Lorna ay napapanood naman sa ABS-CBN prime-time series na FPJ's Ang Probinsyano.