Isa nang VIVA star si Xia Vigor.
Nalaman ng child actress at ng kanyang ina na si Christy na papipirmahin siya ng exclusive contract ng Viva Artists Agency at ng Viva Films pagkatapos ng Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival na ginanap sa New Frontier Theater noong December 27, 2019.
Si Xia ang hinuhulaang mananalo na best child performer sa 2019 MMFF awards night dahil sa kanyang mahusay na performance sa Philippine adaptation ng Miracle in Cell No.7. Pero hindi siya ang pinalad na manalo.
Nevertheless, higit pa sa acting award ang natanggap ni Xia dahil sa good news na bukod sa movie at management contract sa Viva, bibigyan din siya ng recording contract ng kanyang bagong home studio.
Naganap kagabi, January 24, ang pagpirma ng kontrata sa Viva ng child star na tinutuksong “batang matanda” dahil sa kanyang mga mature na pananaw sa buhay at pagsasalita.
Ten years old pa lamang si Xia pero marami na siyang iniisip na gagawin dahil gusto niya na maging handa sa anumang role na ipagkakatiwala sa kanya.
“Gusto ko po madami po akong iba’t-ibang alam para just in case, mapunta ako sa role na mahilig akong kumanta, marunong po ako kumanta.
“Kung mapunta ako sa role na dancer po ako, marunong din po ako mag-dance kaya inaaral ko po,” ang sabi ni Xia.
May skating at gymnastics lessons din siya dahil sa kanyang kagustuhan na maging handa sa lahat ng mga oportunidad na matatanggap niya.
Hindi malayo ang posibilidad na magkaroon si Xia ng international career dahil nakatanggap na siya ng alok mula sa isang Japanese television station.
Ayon ito sa kuwento ng kanyang ina, "Actually, may offer po sa kanya sa Japan [Fuji TV] na mag-recording kaya nagpaalam po ako sa kanila na unahin yung Miracle.
"Hindi ko rin po alam kung bakit siya kinukuha doon kasi hindi naman siya singer. Sinabi ko po sa kanila na hindi siya singer,” ang pahayag ng nanay ni Xia.