Naghatid ng ngiti sa mga nakakapanood ang viral video ng pagkanta at pagsasayaw ng "Tala" dance craze ng magkakamag-anak na sina Rince Jonh Regis Singco, John Felix Regis, at Angel Bert Regis ng Silang, Cavite, habang nililinis nila mula sa bubong ng kanilang mga tahanan ang ashfall na dulot ng phreatic eruption ng Taal Volcano.
Ang "Tala" dance video ng Regis family ang isa sa mga patunay ng resiliency ng mga Pilipino, na may kakayahang maging masaya at magkaroon ng positive attitude sa gitna ng mga kalamidad at pagsubok na pinagdaraanan.
Ang "Tala" ang hit song ni Sarah Geronimo noong 2016 na muling sumikat, naging dance craze at dance challenge sa last quarter ng 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Binibigyan ng kahulugan at koneksiyon ng mga mahihilig sa word play ang pag-aalburoto ng Taal Volcano at ang pagiging dance craze ng "Tala," na pinagbaligtad lamang umano ang huling dalawang letra pero parehong-pareho ang apat na letra.
MGA ISDA SA TAAL LAKE
Meanwhile, binabalikan ng mga mangingisda sa Taal Lake ang kanilang mga fishpen dahil sa pag-asang maililigtas nila mula sa delubyo ang mga inaalagaang isda tulad ng bangus, tilapia, at tawilis.
Sa kasamaang-palad, marami sa mga isda sa mga fish cage sa Taal Lake ang namatay at makikita na lumulutang sa lawa dahil sa ashfall.
Nagbigay ng babala ang Department of Health sa ating mga kababayan na mapanganib kainin ang mga isda mula sa Taal Lake dahil sa sulfur na ibinubuga ng Taal Volcano na tiyak na magdudulot ng matinding pananakit ng tiyan.
Ang pagkamatay naman ng mga tawilis sa Taal Lake ang isa sa pinakamalungkot na balita dahil noong January 2019, idineklara ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) na kasama ang tawilis o sardinella tawilis sa listahan ng endangered species.
Sa report ng IUCN, ang tawilis ang nag-iisang freshwater sardinella sa buong mundo.
Mula noong 1998, bumaba nang malaki ang bilang ng naturang isda dahil sa overfishing, illegal na paggamit ng active fishing gears, pagdami ng mga fish cage, at ang pagkasira ng kalidad ng tubig sa Taal Lake.
Ang mapaminsalang phreatic eruption ng Taal Volcano noong January 12, 2020 ang lalong naglagay sa tawilis sa matinding panganib dahil baka tuluyan nang malipol ang isdang matatagpuan lamang sa lawa ng Taal.