Ang comedian, singer, at theater actor na si Jerald Napoles ang bagong contract star ng Viva Artists Agency.
Ngayong hapon, November 25, ang nakatakdang pagpirma ni Jerald ng exclusive contract sa talent management agency ng Viva Communications Inc. na namamahala rin sa showbiz career ng kanyang girlfriend na si Kim Molina.
Former talent ng Triple Talent Management si Jerald.
Nang mag-expire ang kontrata niya, saka siya nagdesisyong lumipat sa Viva Artists Agency.
Mainstay si Jerald ng Sunday PinaSaya, ang Sunday musical-variety show ng APT Entertainment na magpapaalam na sa telebisyon sa December 22, 2019.
Timing ang paglipat ni Jerald sa VAA dahil magsasara na nga ang Sunday PinaSaya.
Ang All Out Sunday o AOS ang working title ng programa ng GMA-7 na ipapalit sa Sunday PinaSaya.
Pero hindi pa tiyak kung makakasama si Jerald sa cast ng bagong programa ng Kapuso Network.
Reportedly, ang Studio 7 director na si Miggy Tanchanco ang mamamahala sa AOS.
Ang Studio 7 ang Saturday night musical-variety show ng GMA-7 na magpapaalam sa November 30.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa plano, sa January 5, 2020 ang pilot telecast ng AOS.