Ibinalita ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat na tutulong ang local celebrities sa mga proyekto ng government agency na pinamumunuan niya.
Pahayag ni Puyat, "Masayang-masaya ako na marami sa ating celebrities na talagang tinatangkilik nila ang sariling atin.
"Noong dati, noong mas bata ako, parang mas gusto natin ang pangdayuhan.
"Pero ngayon, nakakataba ng puso kasi gustung-gusto ng ating celebrities and free of charge, walang talent fee.
"Gusto lang nila, i-promote ang atin.
"It’s their way of showing kung ano yung sariling atin."
"Love your own, love Filipino, love local."
Tinanong ng Cabinet Files si Secretary Puyat kung naniniwala itong nakakaapekto sa tourism industry ng Pilipinas ang kawalan ng disiplina ng ilang mga Pilipino.
Sagot niya, "Yun ang inilunsad namin na campaign, Save our Spots.
"Hinihingi natin ang tulong, hindi lang ng gobyerno, pati lahat ng pribadong citizen na kailangan alagaan natin, yung simple lang na huwag magtapon or kung may makita kang kalat, huwag tayong magkalat sa ating sariling bansa.
"Kunwari, umuuwi ka sa bahay mo, hindi ka naman nagtatapon kung saan-saan.
"So, ang hinihingi natin, ituring natin ang ating bansa na parang sarili nating bahay at alagaan natin."
Nagpakita rin ng concern si Puyat sa vandalism na ginawa ng mga protestor sa mga lugar sa Maynila na pinalinis at pinaganda ni Mayor Isko Moreno.
Nilinaw naman ni Secretary Puyat sa panayam sa kanyang hindi niya tinutulan ang planong idaos sa Pilipinas, sa ika-apat na pagkakataon, ang Miss Universe.
Magaganap ang 68th edition ng Miss Universe sa December 9 sa Atlanta, Georgia.
“Actually, hindi naman napag-usapan ng Department of Tourism ang Miss Universe at parang nauna na talaga yung Atlanta,” pagtutuwid ni Puyat tungkol sa Miss Universe issue.
Nang tanggapin ni Secretary Puyat ang appointment sa kanya ni President Rodrigo Duterte bilang Tourism secretary, maraming problema ang minana niya, tulad ng kasong kinasasangkutan ni Cesar Montano, ang former chief ng Tourism Promotions Board.
Nang mapag-usapan ang kaso ni Cesar, nagsalita si Secretary Puyat ng "Nasa Ombudsman na ‘yon so mas maganda na itanong sa Ombudsman. Lahat ng kaso, nasa kanila."
Si Puyat ang special guest sa re-launch at rebranding ng Ka Tunying’s Café na naganap nitong gabi ng Biyernes, November 15, 2019, sa SM The Block.
Mula ngayon, makikilala na ang Ka Tunying’s Café bilang Ka Tunying’s, Panlasang Makabayan, ang Pinoy restaurant na pag-aari ng broadcast journalist na si Anthony Taberna at ng asawa nitong si Rossel.
Kung "It’s More Fun in the Philippines" ang campaign slogan ng Department of Tourism, “Eats More Fun in the Philippines" ang isinusulong nina Anthony at Rossel,.
Kaya natutuwa si Secretary Puyat na nakiisa sa pagbigkas ng Panlasang Makabayan, ang official oath ng Ka Tunying’s restaurant.
