Ngayong Lunes, July 1, ang unang araw ng panunungkulan ni Vico Sotto bilang alkalde ng Pasig City.
Naging makasaysayan ito dahil makalipas ang tatlong taon, bumalik sa naturang lugar ang Dabarkads ng Eat Bulaga! para sa "Sugod Bahay" segment ng 40-year-old noontime show ng GMA-7.
Tuwang-tuwa ang mga residente ng San Nicolas, Pasig City nang makita nila nang personal ang mga host ng "Juan for All, All for Juan" segment na sina Ryan Agoncillo, Paolo Ballesteros, Wally Bayola, at Jose Manalo.
"Kilala pa kayo ng mga taga-Pasig? Tatlong taon tayong bawal diyan pero nabigyan kayo ng permit ng mayor? Mabait si Mayor, ha?” ang sunud-sunod na tanong ni Vic Sotto sa mga host ng "Sugod Bahay."
Si Vic ang ama ni Vico.
Nang sabihin ng "Sugod Bahay" winner na si Irene Raymundo na bawal ang biko sa Pasig City, mariin itong itinanggi nina Wally, Jose, Ryan, at Paolo at saba-sabay nilang sinabi na "Puwede na po."
Mula sa APT Studio ng Eat Bulaga, nagsalita si Vic na hindi na bawal ang biko sa Pasig City.
"Puwede na ngayon, puwede na. Kahapon nga sa inauguration, ang handa ni Vico, mga biko. Iba-ibang klase ng biko, nagkalat."
Tatlong taong hindi idinaos sa Pasig City ang "Sugod Bahay" ng Eat Bulaga.
Lumitaw rin ang balitang ipinagbawal umano ang pagtitinda ng biko sa naturang siyudad noong panahon ng kampanya dahil katunog ng pangalan ni Vico ang rice cake na popular sa mga Pilipino.
Si Vico ang mahigpit na kalaban ni former Pasig City Mayor Bobby Eusebio sa mid-term polls noong May 13, 2019.
Pero itinanggi ng Pasig City Public Information office na ipinagbawal ng Eusebio administration ang pagbebenta ng biko.
Sa panayam kay Vic noong May 15, 2019, pinatotohanan niyang ipinagbawal ang biko sa Pasig City.
"Ipinagbawal ang pagbenta ng biko. Ganoon ka-petty.
"Akala ko, joke lang, e. Hindi, totoo pala.
"Sabi ko nga, e, pag-upo ni Vico, makakain na ulit ng biko, puwede na ulit na magbenta ng biko sa Pasig," pahayag ni Vic.
Nagkatotoo ang sinabi ni Vic dahil, ayon nga sa kanya, sari-saring klase ng biko ang inihain sa inauguration kahapon ng anak niya bilang bagong mayor ng Pasig City.