Ginanap kagabi, March 31, ang premiere night ng launching movie ni Shalala, ang Echoserang Frog Kokak, Kokak sa Fisher Mall, Quezon City kagabi.
Halatang kabado si Shalala at hindi sanay na siya ang bida ng pelikula kumpara noon na siya ang coordinator ng mga premiere nights. Nang magsalita ito bago ipalabas ang pelikula, hindi pa napigilan ni Shalala na maging emosyunal lalo na nga at nakita niyang punong-puno ang sinehan at dumating ang ilan sa cast ng pelikula tulad nina Kiray Celis, Angelo Patrimonio at iba ring artista na nag-guest sa launching movie niya tulad nina Perla Bautista, John Nite at iba pa.
Nakita rin namin si Arnell Ignacio na nagbigay ng suporta kay Shalala.
Kung katatawanan ang hanap, nasisigurado ng writer na ito na hindi madi-disappoint ang manonood ng launching movie na ito ni Shalala na magbubukas na sa mga sinehan simula bukas, April 2.
Nakausap din namin ang director ng Echoserang Frog, Kokak, Kokak na si Joven Tan.
Ayon kay Joven, ang Echoserang Frog ay umiikot sa launching movie talaga ni Shalala at kung paano gumawa ng isang pelikula.
Bakit si Shalala ang naisipan nilang bigyan ng ganitong launching movie?
“Siya ang napag-usapan namin ni Noel Ferrer [Si Noel ang tumatayong creative consultant ng pelikula]. Nag-isip kami ni Noel ng isang maliit na project na masaya lang. Aliw lang, hindi mabigat.”
Marami na rin siyang nagawang pelikula, isa ba ito sa masasabing paborito niya?
“Pinaka-less headache siguro. Kasi, walang pretensiyon. Bahala na. Laitin man, okay, ‘di ba? Pintasan man, okay. Kasi, parang yun ang pelikula, yun ang realidad.”
Si Shalala ay kilala bilang isang TV reporter/host, kumusta naman siya bilang isang “aktres?”
“Okay naman siya, deserving naman siya na magkaroon ng launching movie.”
Nakikita rin ba niya rito na posibleng maging Vice Ganda?
“Siguro kung pareho rin ang mileage na ibinibigay sa iba, baka puwede. Kumbaga, given the chance na siya rin ang may regular show sa tanghali, sa major network, siya rin ang bigyan ng concert, siguro naman. May sariling style.
“Although, hindi siya kumakanta at iba ang bentahe ng kumakanta like si Vice. Nakakapag-record, nakakapag-concert, stand-up comedian, pumupuwesto, ‘eto, yung rawness lang.”
Bukod sa maraming naging guest celebrities tulad nina Direk Joey Reyes, JC de Vera, Dingdong Avanzado, Jaclyn Jose, Odette Khan, Amy Perez, Wendell Ramos, Alvin Patrimonio at Derek Ramsay, iba rin ang nakita naming istilo ng pagkakagawa ng Echoserang Frog.
Sabi naman ni Direk Joven, “Hindi naman kami nagpapatawa as comedy film. Basta ano lang, yung normal na karanasan kung paano gumawa ng pelikula. Ito ang hindi nakikita ng mga tao na nangyayari behind the shooting, behind the pre-prod ng isang pelikula.
“Parang pagtatawanan mo lang ang sarili mo kapag taga-industriya ka lalo.”
Ang mga producers ay sina Milady Ponciones, Ryan at Mylene Enriquez at maging si Direk Joven ay isa ring producer.
Ano ang mga expectations niya?
“Basta bumalik lang, kahit hindi kami maka-P400 million, okay na,” biro niya.
Si Joven Tan din ang nanalo sa nakaraang Himig Handog ng ABS-CBN para sa kantang "Ano Ang Nangyari Sa Ating Dalawa" na inawit naman ni Aiza Seguerra.
Bahagi ng napanalunan daw niyang cash prize ang siyang ginamit niyang pang-produce ng pelikula.
“Sana kumita, sana bumalik yung pinuhunan. Kasi, kung hindi, baka, 'Ano Ang Mangyayari Kay Shalala' ang susunod na iko-compose kong kanta,” biro pa niya.
