Itinuturing ng singer-actress na si Vina Morales na “answered prayer” ang hatol na "guilty beyond reasonable doubt" sa dating partner niyang si Cedric Lee.
Ito ay kaugnay ng kasong kidnapping na isinampa ni Vina laban kay Cedric noong 2016 dahil sa sapilitang pagtangay nito sa anak nilang si Ceana, na noon ay pitong taong gulang lamang.
Siyam na araw nasa poder ng negosyante si Ceana nang walang pahintulot ni Vina.
Labag ito sa visitation rights na pinahintulutan ng korte na tuwing Sabado lamang.
Nitong Lunes, May 28, lumabas ang desisyon ng Mandaluyong City Regional Trial Court sa kaso ni Cedric.
Pinagbabayad si Cedric ng PHP300 na multa at PHP50,000 para sa moral and nominal damages.
Kagabi, May 29, nag-post sa Instagram si Vina ng pasasalamat sa Diyos at sa mga taong tumulong sa kanya upang ipursige ang kaso laban kay Cedric.
Sinamahan niya ito ng larawan sa loob ng St. Padre Pio Chapel sa Libis, Quezon City
Mensahe ni Vina sa caption, "Salamat po Panginoon... Padre pio, Mahal kong pamilya, Matatalik kong kaibigan at sa iyo Atty@lucillesering... to God be the Glory #AnsweredPrayer #GodisGreat #thankful.”
Si Attorney Lucille Sering ang abugado ni Vina sa kidnapping case na isinampa niya laban kay Cedric.
