Noong una ay nanganib na hindi matuloy ang pagsasa-pelikula ng Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio nang magkaroon ng problema sa unang prodyuser nito.
Pero nasagip ang proyekto nang mahikayat ang kasalukuyang producers (Boy Abunda and friends, Mike Sicat and Boy So) na mag-invest para sa naturang indie film na entry sa Directors' Showcase category ng Cinemalaya 2010. Ang 6th edition ng naturang film fest ay gaganapin mula July 9-18, 2010 sa Cultural Center of the Philippines.
Hindi naapektuhan ng naturang pagbabago ang direktor ng pelikula, ang acclaimed filmmaker na si Mario O'Hara. At sa mga pagbabagong naganap, hindi rin napalitan ang aktor na napiling magbida sa pelikula, si Alfred Vargas, bilang si Gat Andres Bonifacio.
"Natutuwa ako, kasi, sabi ni Mario O'Hara, first choice niya raw ako. So, 'yun pa lang, parang, wow! Thank you sa malaking trust!" masayang naibulalas ni Alfred Vargas sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
Tapos na sa kanyang mga eksena si Alfred. Mabilis siyang tumugon sa kanyang schedules, para sa Ang Paglilitis... matapos mai-proklamang isa sa winning councilors ng Quezon City (4th district) sa nakaraang May 2010 elections.
"So far, sa bawat eksenang ginawa namin," pagtukoy pa ni Alfred, "lahat ay ipinaubaya ko na kay Direk [Mario]. Kung ano ang sabihin niya, sinusunod ko naman. No questions asked."
EXECUTION SCENE. Sa aktuwal na mga eksena ng paglilitis, pagkabilanggo, hanggang sa pagkakapatay o execution ng dakilang bayaning si Andres Bonifacio ay damang-dama ni Alfred Vargas ang tindi ng mga naging karanasan ng isang taong labis na dinadakila ng ating sambayanan.
"Ang sarap ng feeling, kasi, to be [Andres] Bonifacio is a great honor for me!" sabi pa ng aktor. "Para sa akin, to be known as the hope of the masses, hero of the masses, ay talagang malaking bagay. I think of it as a very big responsibility, historically, culturally and artistically. Natutuwa ako, kasi it will be watched by generations of Filipinos."
Bilang paghahanda sa papel na ginampanan, nai-share ni Alfred ang ilan sa mga ginawa niya.
"The usual way of preparing. I read the script three times," sabi niya. "I memorized the lines, tapos may research work at collaboration with the director [Mario O'Hara, who also co-wrote the screenplay, with his niece, Janice O'Hara].
"I read history books at dito ko na-realize, na 'yung mga pinag-aralan natin sa schools... may [konting] pagkakaiba, sa iba pang nakasulat, in other history books."
Iba rin ang kaalamang natutunan ni Alfred, bilang aktor, sa pagsasa-buhay niya sa ginampanang tauhan. Lalo na raw nang kunan ang execution scene, o pagpatay kay Andres Bonifacio (sa history books, naganap ito sa Maragondon, Cavite noong Mayo 1897).
"Sa execution scene, du'n ko naramdaman 'yung sakit din ng pinagdaanan ni Andres Bonifacio. Na-realize ko na victim din siya ng pulitika. Na 'yung mga pinaghirapan niya [bilang Supremo na nagtatag ng Katipunan], e, sadly, hindi [nai-gantimpala sa kanya]. He didn't get to see the fruits of his labors."
Sa pagsu-shoot niya ng execution scene ni Andres Bonifacio ay maraming interestanteng detalye na naibahagi rin sa PEP si Alfred.
"Mga two and a half hours tumagal ang shooting, sa eksena lang na 'yon," banggit niya. "Kasi, madaming angles si Direk. At medyo maselan 'yung eksena. It's emotionally draining. Kung ikaw, mai-execute ka, talagang made-drain ka, 'di ba? So, gano'n din ang nangyari sa akin.
"For that scene, talagang naniwala ako na nandoon ako nung 1897," saad pa ng GMA-7 star.
SUPREMO. Si Lance Raymundo ang gumanap sa papel ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang lider ng Revolutionary Government. Si Aguinaldo ang naging katunggali ni Andres Bonifacio sa makasaysayang Tejeros Convention kunsaan nagkaroon ng alitan sa pagitan ng pangkat ng Magdalo (pinangunahan ni Aguinaldo) at pangkat Magdiwang (pinangunahan ni Bonifacio).
Off-camera, may magandang professional working relationship sina Alfred at Lance. Pero bilang magkatunggaling tauhan, sa panahon ng digmaan laban sa mga Kastila, walang naging "rapport" sa isa't isa sina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo.
"Siguro, dapat, wala talagang rapport," paliwanag ni Alfred, na nakasama si Lance sa ilang eksena ng Ang Paglilitis... tulad sa sanduguan (blood compact scene).
"Okay naman ang rapport namin [bilang co-actors], pero dapat 'yung rapport, kung professional, siguro hindi dapat makita between Aguinaldo and Bonifacio...may differences talaga."
ATENEO VS. LA SALLE. Bilang mag-aaral, graduate ng Ateneo de Manila University si Alfred Vargas, samantalang si Lance Raymundo ay isang alumnus ng De La Salle University. Malaon nang mahigpit ding magkatunggali, o rivals, ang dalawang unibersidad, lalo sa larangan ng palakasan, dahil kapwa kabilang sa UAAP basketball tournament taun-taon ang mga teams ng La Salle Green Archers at Ateneo Blue Eagles.
Ngayon, sa Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio, ang mga nakilalang graduates o alumni ng dalawang unibersidad ay magkatunggali din, sa ipapamalas na pagganap o pagbibigay-buhay sa dalawang kilalang bayani ng lahing Pilipino.
Hindi naman daw affected si Alfred ng Ateneo vs. La Salle rivalry sort of thing, pagdating sa ginawa nilang trabaho ni Lance sa pelikula.
"Sa basketball, oo. True-blue Atenean ako," pag-amin niya. "Pero 'yung [tungkol] kay Bonifacio at Aguinaldo, siguro ibang aspeto na 'yon."
"In-execute ako ng La Sallista. Hero ang Atenista, pero ang executioner, La Sallista," nangingiting pagbanggit ni Alfred sa bagay na ito.