Matagal na palang gustong bigyan ng launching movie ang
comic tandem na Jose Manalo at Wally Bayola. Kilala si Jose dahil sa kanyang
spoof character na Wangbu na base kay Bamboo Manalac ng bandang Bamboo. Si
Wally naman ay madalas na ginagaya ang Brazilian beauty na si Arianney Nogueira
bilang ang crossdresser na si Arwani.
Araw-araw napapanood ang dalawang komedyante na ito bilang
sidekicks nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa GMA-7 noontime show na Eat
Bulaga. Simula November 26, mapapanood na sina Jose at Wally bilang mga
bida sa horror comedy film na Scaregivers.
Mula sa APT at M-Zet Productions, ang pelikulang ito ay hindi spoof ng Sharon
Cuneta movie na Caregiver dahil ang kuwento ng Scaregivers ay
tungkol sa dalawang kriminal na lolokohin ang mga doctor at mga nurse upang
umiwas na makulong. Kung kaya, Scaregiver ang title ng launching film
nina Jose at Wally na siyang ipapalabas sa mga sinehan simula November 26.
Noong press conference ng Scaregivers, nabigyan ng pagkakataon ang media
na tanungin ang dalawa kung ano ang pakiramdam nila ngayong na bida na sila sa
pelikula.
Ang sagot ni Wally, "NakakaSCARE. Marami na rin kaming na-experience na mga pelikula pero ito talaga...para kaming mga anak na iniwan ng magulang na sinabihan, ‘O, kayo munang bahala dito sa bahay.' Wala kaming kasama, bida na, pwede naming sandalan... kami talagang dalawa dito, parang love team."
Sumagot naman si Jose, "Nakakanerbiyos talaga. Hanggang ngayon, kahit natapos
na yung pelikula, hindi pa siya nagsho-showing, yung parang hindi ka pa rin
maniwala o makapaniwala na kami na ba talaga yung nandun. Hanggang ngayon hindi
pa po kami makapaniwala na eto na nga yun."
Napanood na dati sa mga ibang pelikula ang tambalan nina
Jose at Wally tulad ng pelikulang Ispiritista: Itay May Moomoo (2004) at
sa mga nakaraang installment ng Enteng Kabisote.
Ang gaganap na supporting characters sa pelikula ay sina Iza Calzado, Paolo
Contis, at Ehra Madrigal. Si Iza at Paolo ang magkasintahan sa pelikulang ito
samantalang si Ehra naman ay gaganap na doctor sa mental institution kung saan
dadalhin sina Jose at Wally.
Natanong rin sa tatlong artista na ito kung bakit sila pumayag na maging supporting characters sa Scaregivers. Ani Iza, "Siyempre nung naguumpisa din naman ako, yung mga first few films ko, may naging willing maging parang support sa akin. So sa akin, it's about time din na ipapakita mo rin or isha-share mo kung ano man yung naibahagi sa ‘yo ng ibang tao. Sana years from now, si Wally at Jose maging sobrang laking artista tapos maaalala nila na yung first film magkasama kami. Nakakataba ng puso kung ganun nga yung mangyayari. So wini-wish ko na sana nga mapunta sila sa direksyon na yun."
Papayag kaya sina Jose at Wally na paghiwalayin sila
pagdating ng panahon?
"Kung ako po tatanungin, syempre mas gusto ko yung magkasama kami," sagot ni
Jose. "Naumpisahan na namin ng ganito gusto rin namin hanggang magtapos ganito
na rin kami na magkasama kaming dalawa."
Ayon naman kay Wally, "Siyempre hindi ako papayag. Hindi ako papayag na mawalay
siya. (laughs) Iba na yung chemistry naming dalawa kasi siyempre, walong taon
na kaming magkaibigan."
BUOD. Ang Scaregivers ay kwento ng dalawang palpak na holdapers
na nagpanggap na sira-ulo para hindi mapasok sa Bilibid, pero kinulong naman sa
isang mental hospital.
Sa ospital na yun, may multong pumapatay ng mga nurse at mga piling-piling pasyente...kasama sila sa mga pasyente na gustong patayin. Buti na lang may nakilala silang "caregiver" na naging susi sa pag-eskapo nila.
At nung gabing tatakas na sana sila, malalaman nung dalawa na ang multong pumapatay ng pasyente at nurse ay ang dating siyota ng "caregiver" na tumutulong sa kanila.
Ano kaya ang nangyari sa multo? Ano ang mangyayari sa "caregiver"? Ano ang kahihinatnan ng dalawa nating bida?
Kasama rin sa pelikula sina Ryan Yllana at Edgar Allan Guzman at maraming special guests na magkakaroon ng cameo roles. Kasama na dito ang talk show host ng The Buzz na si Boy Abunda at ang Eat Bulaga mainstays tulad nina Vic Sotto at Julia Clarete. Ang pelikulang ito ay sinulat ni Jourdan Sebastian at ang nagdirehe ay si Uro dela Cruz, ang director ng coemdy show na Bubble Gang.
Handog ng APT at M-Zet Productions, humanda na para sa horror-comedy na Scaregivers. Mapapanood na ito simula November 26 sa mga sinehan sa buong bansa.