Nanindigan si Senator Rodante Marcoleta na handa siyang harapin ang anumang paglilitis kaugnay ng kasong plunder na walang piyansa na isinampa laban sa kanya ng Office of the Ombudsman.
Pahayag ng senador sa media: "Kagaya ng sinabi ko sa inyo, ako ay hindi magtatago.
"Haharapin ko ang batas, ang asunto, sang-ayon sa pagkakaintindi ko sa mga batas natin.
"Kailangan kong dumaan sa proseso. Kasama na po yung pagpunta ko rito, yung hangarin ko na kung i-serve po nila yung warrant of arrest, tatanggapin ko."

Inaresto si Marcoleta nitong Lunes ng umaga, July 6, 2026, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan Third Division.
Ang kaso ay may kaugnayan sa hindi niya pagdeklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng PHP75 million na campaign donations na natanggap niya mula sa tatlong indibidwal noong January 2025, noong siya ay kinatawan pa ng SAGIP Party-list sa Kongreso.
Nangyari ito bago magsimula ang official campaign period para sa 2025 senatorial election kung saan siya tumakbo at nanalo.
Read: Ombudsman files plunder case vs Senator Rodante Marcoleta
DID RODANTE MARCOLETA VOLUNTARILY SURRENDER OR WAS HE ARRESTED?
Ayon sa legal counsel ni Marcoleta na si Atty. Patrick Velez, boluntaryo umanong sumuko ang kanyang kliyente sa mga awtoridad matapos matanggap ang arrest order.
Aniya, nagkataon kasing nasa Sandiganbayan sila upang maghain ng motion to quash nang ilabas ang warrant of arrest laban sa senador.
Read: Vice Ganda delivers hard-hitting message to UP CMC graduates
Ang motion to quash ay isang kahilingan sa korte na ibasura o ipawalang-bisa ang criminal information bago magsimula ang arraignment at paglilitis.
Bagay na mariing tinutulan ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa panayam niya sa media, iginiit nitong inaresto nila ni Marcoleta at hindi ito boluntaryong sumuko, taliwas sa sinabi ng kanyang abogado.
"Warrant of arrest has been effected. He is arrested," saad ni Nartatez.
DILG SECRETARY JONVIC REMULLA HOLDS PRESS BRIEFING ON MARCOLETA'S ARREST
Matapos dalhin si Marcoleta sa Camp Crame para sa standard booking at documentation procedures, nagsagawa ng press briefing si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Sa naturang briefing, sinabi ni Remulla na isasailalim din sa serye ng medical examinations ang senador, na maaaring tumagal ng isa hanggang dalawang araw bago siya tuluyang ilipat sa Quezon City Jail sa Payatas.
Nakapiit sa naturang pasilidad ang ilang akusado sa flood control scandal, kabilang sina Senator Jinggoy Estrada at dating Senator Ramon "Bong" Revilla Jr.
Read: Jinggoy Estrada detained in QC jail after arrest for plunder case
Samantala, kinumpirma rin ni Remulla na kasunod ng pagkakaaresto kay Marcoleta ay naaresto na rin sina dating Congressman Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu matapos silang matagpuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang coffee shop sa Quezon City.
Sina Defensor, Espiritu, at isa pang nagngangalang Aristotle Viray ang tatlong donors na nagbigay ng campaign donations kay Marcoleta na naging batayan ng isinampang kaso.
