Mahigit isang taon na ang lumipas mula nang pumanaw ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor, ngunit hindi pa rin natatapos ang usapin tungkol sa kanyang mga naiwang ari-arian na pinagsimulan ng malalim na hidwaan ng kanyang mga anak.
Lima ang naulilang anak ni Nora—sina Lotlot, Ian, Kiko, Matet, at Kenneth de Leon.
Sa lima, si Ian ang nag-iisang biological child ni Nora sa dati niyang asawa na si Christopher de Leon; habang sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth ay pawang adopted.

Read: Nora Aunor’s legacy: a Superstar onstage and onscreen
Matagal nang usap-usapan ang sigalot sa pagitan ng magkakapatid matapos pumanaw ang kanilang ina noong April 16, 2025, sa edad na 71.
Nagningas ito nang husto bago sumapit ang unang anibersaryo ng pagpanaw ni Nora.
Hindi ito maitatatwa dahil hindi nagsama-sama ang magkakapatid noong araw na iyon.
Para tingnan ang pinagmulan ng hidwaan, partikular na kina Lotlot at Ian, binalikan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang timeline ng mga pangyayaring sumambulat sa publiko.
Ian's First Interview on Nora's Inheritance
Read: Nora Aunor: Superstar (Part 1)
Naging paksa ng diskusyon online ang naiwang assets ni Nora sa panayam kay Ian ni Rico Hizon sa programang Beyond The Exchange noong April 13, 2026.

Dito, isiniwalat ni Ian na siya umano ang solong legal na tagapagmana at naatasang mamuno at magtaguyod sa lahat ng naiwang property at legasiya ng yumaong showbiz icon.
Read: Nora Aunor: Superstar (Part 2)
Ibinahagi rin niya ang pagtatatag niya ng one-person corporation (OPC), sakop ang Nora Aunor Enterprise at Nora Aunor Foundation, bilang aniya'y pagbibigay-pugay sa alaala ng National Artist.
Ang OPC, ayon sa philippines.incorp.asia, ay isang business structure na may isang stockholder na tumatayong incorporator/director/president.
Ibig sabihin, siya ang may total control sa negosyo at hindi siya nangangailangan ng board of directors at stakeholders.
Ayon kay Ian, bagamat siya ang nag-iisang tagapagmana, nirerespeto niya ang kanyang mga kapatid at ipinaalam niya umano sa mga ito ang pagtatatag ng OPC.
Read: Ian de Leon no personal motive in managing Nora Aunor's legacy
Ngunit mariing itong itinanggi ng kampo ni Lotlot.
April 15 nang maglabas ng opisyal na pahayag ang Estur & Associates, ang law firm na nagre-represent kay Lotlot.
Kontra sa pahayag ni Ian, sinasabing hindi umano kinonsulta ni Ian si Lotlot at iba pa nilang kapatid nang itatag niya ang OPC para sa Nora Aunor Enterprise at Nora Aunor Foundation.
Dagdag pa ng abogado ni Lotlot, nasaktan at nalungkot daw ang aktres nang itatwa ni Ian ang foundation para kay Nora na naunang itinatag ni Lotlot, gayong may permiso raw iyon ni Ian at ng iba pa nilang mga kapatid.
Kinuwestiyon din ng kampo ni Lotlot ang pahayag ni Ian na ito ang "sole heir" ni Nora, dahil wala naman daw naiwang last will and testament ang Superstar.
Read: Lotlot de Leon's camp breaks silence on issue with brother Ian
Maging si Matet ay itinanggi rin na sila ay naabisuhan tungkol sa pagbuo ng OPC.
Sa panayam niya sa Fast Talk with Boy Abunda, noong May 7, idiniin niyang wala silang kaalam-alam sa mga hakbang na ginawa ni Ian kaugnay ng mga ari-arian ng kanilang ina dahil hindi raw sila nito sinabihan.

Pero sinabi rin ni Matet na noon pa man ay tanggap ng mga adopted children ni Nora na si Ian lamang ang may karapatan sa mga naiwang yaman ng Superstar, may last will and testament man o wala.
Read: Matet admits "misunderstanding" with Ian amid inheritance issue
Nora's first death anniversary
Ang hindi pagkakaunawaan ng magkakapatid ay nagtuluy-tuloy hanggang sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Nora.
Bilang pag-alala sa namayapang aktres, nag-organisa noon si Ian ng misa sa harap mismo ng puntod ni Nora sa Libingan ng mga Bayani, sa Taguig City, noong umaga ng April 16.
Bukod sa ilang kaibigan at tagasuporta ng nag-iisang Superstar ng Philippine entertainment industry, kapansin-pansing wala ang mga kapatid ni Ian na sina Lotlot, Matet, at Kenneth.
Read: Ian De Leon organizes reunion for Nora Aunor's death anniversary
Noong mga oras na iyon ay nagpaunlak ng panayam sa media si Ian at dito ay natanong siya kung bakit wala ang kanyang mga kapatid.
Ayon kay Ian: “I told them. They were informed about this. I gave them info sa GC.
"Two of the boys, I told them about it, but I think they have own plans."
Humabol si Kiko kalaunan, ngunit tapos nang interbyuhin ng press si Ian at wala na ito sa Libingan ng mga Bayani nang dumating siya.
Read: Lotlot at Matet de Leon, wala sa misa para kay Nora Aunor
Habang sina Lotlot, Matet, at Kenneth noong mga oras na iyon ay may sariling pamisa para sa kanilang ina sa St. John Paul II Parish sa Eastwood, Quezon City.
MATET DE LEON'S CRYPTIC POST
Noong April 23, ilang araw matapos ideklara ni Ian na siya ang nag-iisang legal na tagapagmana ni Nora, nag-post si Matet ng pasaring tungkol sa "mana."
Kalakip ito ng larawan na magkakapatid liban kay Ian.
Makahulugang caption ni Matet: "Post ko lang uli. Eto nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?"

Sa comments section ng post ni Matet ay nag-reply si Lotlot.
Ani Lotlot, "Hahahhahahahhahahahhaha dami ko tawa hahahhahahahaha."
Komento ni Matet, "O di ba te? Tawa tayo nang tawa."
Read: Is this Matet’s reaction to inheritance issue with brother Ian?
April 24, nakapanayam ng PEP.ph si Ian at dito tila iwas siya na pag-usapan ang sigalot ng kanilang pamilya.
Ang tanging sinabi lang niya ay kung anuman ang isyu nilang magkakapatid, umaasa siyang magkakaayos din sila sa tamang panahon.
Read: Ian de Leon: "Each family has its own issues."
NORA'S adopted CHILDREN visit HER grave on her 73rd birthday
Hanggang sa pag-alala sa kaarawan ni Nora ay nanatiling hindi magkasundo ang magkakapatid.
Magkakasamang nagtungo sa Libingan ng mga Bayani ang adopted children ni Nora na sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth upang gunitain ang 73rd birth anniversary ng yumaong Superstar noong May 21.
Sa mga larawang ibinahagi nina Lotlot at Matet sa kanilang social media accounts, makikitang magkakasama silang nakaupo sa tabi ng puntod ng kanilang ina na may nakapatong na chocolate cake.

Read: Nora Aunor’s children commemorate late Superstar’s 73rd birthday
Habang si Ian ay inalala ang kaarawan ng ina sa Iriga City, Camarines Sur, nang dumalo siya sa inorganisang programa ng mga masugid na tagasuporta ni Nora.
Tubong-Iriga City si Nora. Bilang pagkilala sa kanyang legasiya, nagdaos ang lungsod ng Nora Aunor Day kasabay ng ika-73 kaarawan ng National Artist.
IAN'S FAST TALK WITH BOY ABUNDA INTERVIEW
June 19, umere sa telebisyon ang panayam ni Ian sa Fast Talk with Boy Abunda, at muling tinalakay rito ang itinatag niyang OPC kaugnay ng naiwang assets at legacy ni Nora.
Diretsahang tinanong si Ian kung siya nga ba ang "sole heir," o nag-iisang tagapagmana ni Nora, bilang nag-iisang biological child nito.
"I've already answered that, Tito Boy. Legally speaking—again, this does not exclude any family members.
"If there are any legalities that has to be resolved in this case after Mom has passed, you know, under the law, yes. Kumbaga, I am," sagot ni Ian sa host na si Boy Abunda.
Read: Lotlot de Leon says Nora Aunor's legacy "hindi tungkol sa pera"
Tinanong din si Ian kung ano ang usapan nilang magkakapatid tungkol sa pagtatatag niya ng OPC.

Base kasi sa naunang panayam ni Boy kay Matet sa parehong programa ay sinabi nitong hindi siya nasabihan ukol dito.
Ayon kay Ian, wala siyang intensyon na solohin ang pagtatag ng foundation para sa ina.
Noong May 25, 2025, ika-40 na araw ng pagkamatay ni Nora, nagtipun-tipon pa raw silang limang magkakapatid sa Bulwagan ng Libingan ng mga Bayani.
Nabanggit na raw noon ni Ian ang plano niya.
Kuwento niya: "I also, you know, wanted them to be involved in the... This was still a concept during that time.
"And I wanted them to be involved in the... wala pang OPC nun with the plans that I had to continue Mom's legacy.
"And I think nung time na yun, they weren't ready, because it was still a concept, di ba?
"But I told them that I would pursue this. I'm willing for everyone to be on board."
Pinabulaanan ni Ian ang sinabi ni Matet na hindi sila nasabihan tungkol sa pagtatatag ng aktor ng OPC.
Aniya, naroon mismo sa Zoom meeting si Matet nang ipaalam niya sa kanyang mga kapatid ang mga hakbang na kanyang gagawin.
Read: Matet de Leon fires back at bashers amid inheritance issue
Bahagi rin ng panayam ni Ian kay Boy ang pag-usisa sa kasalukuyang estado ng relasyon nilang magkakapatid.
Hindi direktang sinagot ni Ian ang tanong, ngunit mahihinuhang hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin nareresolba ang gusot.
Pahayag niya: "As far as I am concerned kasi, in a family unit... Unfortunately for us kasi, we're public, everyone knows what's happening.
"But, you know, people have to understand that family units have their own misunderstandings.
"So, para sa akin, it's only a matter of time. I would let time take its own course. I don't want to force anything until it's the right time for things to be resolved."
Diin pa ni Ian: "So, I would do whatever it is to uphold Mom's legacy and fulfill what her dream was when she was still around.
"This is not for me. It's for Mom."
Sinagot din ni Ian ang usap-usapan na ang puno't dulo ng alitan nilang magkakapatid ay dahil sa mana.
Lahad ng aktor: "The mana issue, I wanna set the record straight right here.
"Things take time. Your mother passes today, the next week may mana na. Everything has to be dealt legally.
"I'm no legal expert, but I'm sure as heaven that I will have a crash course on legalities in order for this to have order and structure.
"Kasi, one reason why I decided to pursue this is because I don't want Mom's name to be used freely, loosely by anyone who does things for their own personal gain."
Sa huli, umaasa si Ian na darating ang tamang panahon na magkakaayos silang magkakapatid alang-alang sa ina nilang si Nora.
LOTLOT reacts to Ian's interview
Pero napuno na si Lotlot.
Ilang oras matapos umere ang panayam ni Ian sa Fast Talk With Boy Abunda, humarap sa entertainment press si Lotlot para sa story conference ng upcoming film niyang 40 Days.
Dito ay hindi niya napigilang ibuhos ang lahat ng kinikimkim na galit makalipas ang mahabang pananahimik sa isyu nila ng nakababatang kapatid.

Isa-isa niyang sinagot ang mga pahayag ni Ian, at inaming isang taon na silang hindi nag-uusap.
Lahad ni Lotlot: “Ian was interviewed before I came here. He was in Fast Talk with Boy Abunda.
"Hindi ko siya nakausap ng isang taon na. Ian and I have not spoken in one year.
"So many things have been said about me, about Matet, about my two brothers.
“I never said anything. Why? Because nirerespeto ko pa rin ang mommy ko at nirerespeto ko ang daddy namin na si Christopher de Leon."
Diretsahan ding nilinaw ni Lotlot ang mga isyung ipinupukol sa kanya ng mga kritiko mula noong nabubuhay pa si Nora hanggang sa pumanaw ito.
Matagal daw niyang ipinagkibit-balikat ang mga iyon para sa kapakanan ng kanyang mga kapatid.
Read: Lotlot de Leon at Ian de Leon, may hidwaan?
Kinaya raw ni Lotlot ang mga paratang na iyon, pero hindi raw niya kayang palampasin ang "isang sinungaling na tao."
Pahayag ng panganay na anak nina Nora at Christopher: "I came out with a statement a few months ago because what’s being thrown at me is mana.
“Yung mana na yan, just to clarify, let me be clear: Wala akong hinahabol na mana. Wala akong hinihinging mana. Ni piso, wala.
“Kaya kong magtrabaho at magpakahirap, magpuyat. Simula nung namulat ako, buntot ko, hila ko.
"Hindi ako humingi ng tulong at hindi ako naging pabigat sa mga magulang ko kaya huwag ninyong ibato sa akin yung mana dahil kaya kong magsumikap at magpakahirap."
Kaugnay sa usapin ng mana, ibinunyag ni Lotlot na ilang linggo matapos ilibing si Nora ay kinausap daw niya si Ian upang tanungin kung payag itong maghati-hati sila sa mga naiwang property ng kanilang ina.
Saad niya: “Nung pagkalibing ni Mommy, after a few weeks, tinanong ko siya, ‘Ian, are you willing to share the properties of Mommy with us?’
“And tinanong ko yan without Matet, Kiko, and Ken knowing.
"Why? Kasi naaawa ako dun sa tatlo. Hindi para sa akin kundi para dun sa tatlo kong kapatid dahil wala naman iniwan si Mommy sa kanila."
Sa puntong ito ay mataas na ang emosyon ni Lotlot.
Pagpapatuloy niya: “And tanggap naman namin na kung anong meron si Mommy, kay Ian yan. Walang nanghihingi niyan! Walang nang-aagaw!
“At sinabi ko kay Ian, 'If you’re willing to share the properties of Mommy with us, maraming salamat. Kung hindi, okay lang. Walang problema.’
"Kasi ako, kaya ko, e....Buong buhay ko naman, kinaya ko!
“Wala naman tumulong sa akin...Pero kinaya ko! Tumayo ako, nagsipag ako...Kaya huwag ninyong ibabato sa akin yung mana!
“Kay Ian na yan!"
LOTLOT ON TALKING TO IAN ABOUT THE NORA AUNOR FOUNDATION
Ayon pa kay Lotlot, may naunang plano sa pagtayo ng foundation bago pa ang OPC na itinatag ni Ian.
Kinausap pa raw niya si Ian ukol dito.
Lahad ni Lotlot: "Pagdating naman dun sa foundation, tinanong ko siya, ‘Are you willing to do the foundation with us?’
“Sabi ko, 'Magtayo tayo para kay Mommy, to continue her legacy.' Anong sinabi niya, ‘I am not ready. Wala akong ilalabas na pera.’
“Ang lahat ng usapan namin ni Ian, nasa text yan. May kopya ako.
“Sabi niya, ‘Hindi ko pa kaya ngayon.’
“Sabi ko, 'Okay. Irerespeto ko yan.'"
Kalaunan, kinausap pa uli ni Lotlot si Ian.
“Hanggang sa nagkaroon uli kami ng conversation because Matet, Kiko, and Ken said, ‘Ate, naiintindihan namin yung gusto mong gawin. Magtayo na tayo.'
“Sabi ko, 'Hindi ko puwedeng itayo ito na hindi tayo kumpleto.'
"Kinausap ko ulit si Ian. Sabi niya, 'Hindi. Go ahead, do it. Gawin ninyo, susuportahan ko yan.’
“Ang sabi niya sa akin, 'Kapag ready na ba ako, puwede na akong sumali?'
“Sabi ko, ‘Oo, Ian, kasi atin ito. For the legacy of Mommy.’"
Simple lang daw sana ang gustong gawin ni Lotlot noon.
Diretsong lahad pa rin niya: “Ano ba ang legacy? Ang legacy ni Mommy, isang pagtulong sa kapwa, hindi ba?
"Yun lang naman ang gusto kong ituloy. Hindi para pagkakitaan ng kahit ano.
"In fact, ako pa nga ang maglalabas. Ako ang maghihirap para maghanap ng pera para magtayo ng foundation.
“When finally I was able to put up the foundation, anong ginawa niya?
"Nagpunta sa Facebook, ang sinabi niya: ‘Hindi ko alam yung foundation na itinayo. Hindi ko pinapayagan ang kahit sino na magtayo ng foundation. Hindi ako papayag na kahit na sino, magbigay ng pera sa foundation na yan.’
“Dun ako nasaktan. Bakit? Kasi alam niya, alam niya lahat! Alam niya lahat!"
Pagkastigo pa niya sa kapatid: “So, hindi ko maintindihan kung bakit puro kasinungalingan ang lumalabas sa bibig mo, Ian! Bakit?"
Binabaliktad umano nito ang naratibo sa publiko.
“Sinabi niya kanina sa Fast Talk, sinabi daw niya sa akin, kay Matet, kay Kiko, kay Ken na magtatayo siya ng one-person corporation, ng enterprise.
"He never told us. He never told us. Never shared with us anything at all. Wala siyang shinare, wala siyang sinabi, wala siyang kinuwento.
“Hinahayaan na lang namin. Ako, tahimik na ako.
"But I will not allow anyone to put Matet down, to put Kiko down, to put Ken down, and to say all these lies ‘coz it’s not true!"
Read: Lotlot de Leon breaks down on feud with brother Ian: "He can have it all!"
Panawagan pa ni Lotlot sa umano'y pagsisinungaling ni Ian, "Enough! Enough with the lies! Enough with all of that!"
Emosyonal na pag-amin pa ni Lotlot, sa lahat ng nangyayari sa kanilang pamilya ngayon, siya mismo ang numero unong pinakanasasaktan.
Lalo na't wala naman daw siyang naalalang maling nagawa kay Ian.
Read: Ian de Leon, nagpasalamat sa mga nagpapatuloy ng legacy ni Nora Aunor
Tanging pagmamahal at pag-aaruga raw ang ibinigay niya sa kapatid magmula noong sila ay bata.
Humahagulgol na pahayag ni Lotlot: "So, this is just to clarify. Whatever you’re hearing, whatever you know, it’s not true!
"Now, this is coming from me, and it pains me so much kasi tinuring ko siyang… inalagaan ko siya bilang kapatid!
“Ibinilin sa akin ng nanay ko. Ilang taon bang wala si Mommy na nasa Amerika siya? Sa akin naiwan si Matet, si Kiko, si Ken, kahit si Ian, ilang taon sa akin tumira yan.
“Noong asawa ko pa si Monching, ginawan pa namin siya ng sariling kuwarto sa bahay namin.
"Why? I don’t understand why?
Hindi raw makapaniwala si Lotlot na balewala ang kapatid na turingan nila sa isa't isa noon.
“Again, sa kanya na lahat [ng mana]. Wala kaming hinihingi. Wala kaming hihingin.
"Wala akong inaagaw, walang inaagaw si Matet! He can have it all!"
Diin pa nang umiiyak at galit na si Lotlot, “Galit ako! Galit na galit ako!
"Buong buhay ko, isinakripisyo ko sa mga kapatid ko! Tapos sisirain mo lang!"
IAN RESPONDS TO LOTLOT'S TIRADES
Mabilis na nag-viral online ang video ng mga pahayag ni Lotlot laban sa kapatid na si Ian.
Ilang oras matapos magsalita si Lotlot sa presscon, naglabas naman ng saloobin si Ian sa pamamagitan ng Facebook Stories.
Kontra sa mga sinabi ni Lotlot ang mga pahayag ni Ian.
Isa sa mga isyung nilinaw ni Ian ay ang sinabi ni Lotlot tungkol sa planong pagtatayo ng foundation sa pangalan ng kanilang ina at kung bakit hindi ito noon natuloy.
Ayon kay Ian, hindi siya tumangging suportahan ang plano ni Lotlot at ng ibang mga kapatid na magtayo ng foundation.
Nais lang daw niyang masiguro na maayos ang lahat ng legal na dokumento bago ito ilunsad, kaya't hindi siya agad pumayag noon.
Saad ni Ian: “After Mom died, nagmadali kayo magtayo ng foundation kase baka maunahan ng iba? You think SEC [Securities and Exchange Commission] will approve random people to put up a foundation using mom's name?
"That time, I said I’m not ready to commit dahil gusto kong ayusin muna nila yung legal papers niyan.
“I know the plans, and my suggestion to them is to fix the legalities first before launching it.
"Days and days after launching, I was monitoring their SEC registration, but it’s still not yet up.
“The staff of a significant figure even informed us that they donated and may nilapitan pa silang isang malaking tao.
"Also, the office informed us, but they hesitated to donate, which made me post a statement to protect my family in case of any legal problems."
Ayon pa kay Ian, may isang pagkakataon umanong inimbitahan siya ni Lotlot sa isang dinner meeting nang hindi agad ipinapaalam sa kanya kung para saan ito.
Doon umano siya hinikayat na pumirma sa ilang dokumento.
Balik-tanaw ni Ian: “Gusto niyo akong i-entrap during 1 event to sign something without telling right away what our dinner is all about. That’s why pala, you have your lawyers with you.
“Thankfully, this person [asked] us for dinner that I can’t decline.
“The projects/plans for the legacy are the first to come before fixing any legalities and was still a concept at that time. Now, there are issues, but the planning are still ongoing.
“I cannot just stop what I’m doing just because of the issues, and why am I going to include a person who refuses to cooperate?"
Read: Ian de Leon responds to sister Lotlot's tirades against him
Pinabulaanan din ni Ian ang naging pahayag ni Lotlot na hindi umano siya nakipag-ugnayan sa kanilang magkakapatid sa itatayo niyang OPC.
“He never told us anything? So wala na yung Zoom meeting ng dalawang beses silang umattend? Wala na din yung during 40 days na nag-decline ka?
"At sinungaling din ba si Tita T. na tinawagan ka to join us pero sabi mo, no kasi kase work ka pa naman at inuna kase akong kinausap?
“Why? Is it because it was me? Why?"
Nag-react din si Ian sa pahayag ni Lotlot na hindi niya hahayaang mayurakan ang mga kapatid na sina Matet, Kiko, at Ken dahil sa aniya'y mga kasinungalingan ni Ian.
Buwelta ni Ian: “Who put down the siblings? Did you even watch the whole show before reacting?
“Kayo lang ba puwedeng magpa-interview? I don’t go out just like that. It’s for Father’s Day episode.
“Enough with the lies? You stop. You stop telling lies, especially to my dad."
Sinagot din ni Ian ang sinabi ni Lotlot na itinuring siya nitong kapatid, ngunit sa huli ay hindi niya ito umano sinuklian ng pagmamahal at malasakit.
Aniya: "Tinuring mo akong kapatid?
"Tinuring din kitang parang totoong kapatid! And I still call you ate.
“Sa akin na lahat?
"After the state funeral, when five of us are talking, I was clear that I told you guys na tulong-tulong tayong lima dito at maging transparent sa isa’t isa, and everything will take time, and everything will be equally divided, pero ang pinalabas is madamot ako. Why?"
Diin pa ni Ian, “Sino ang may inaagaw? I didn’t say na may inaagaw kayo. Why say that? To put me down?”
Matet challenges Ian to tell the whole story
Dahil sa hindi magkatugmang pahayag nina Lotlot at Ian, maraming netizens ang patuloy na naguguluhan sa kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.
May mga pumanig sa apat na adopted child ni Nora at mayroon din kay Ian.
Ngunit hindi rin nawala ang bugso ng batikos ng ibang netizens kina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth, bagay na hindi pinalampas na sagutin ni Matet.
Noong June 24, sinagot ni Matet ang bashers na wala pa ring tigil sa pambabatikos sa kanilang mga adopted children ni Nora at sa pakikialam ng mga ito sa isyu nilang magkakapatid.
Saad ni Matet (published as is): "Maraming nangyari sa amin na hindi ko na ni reveal sainyo dahil hindi naman kayo kasali. Pag nalaman ninyo, baka maloka kayo. Nahing maingat ako sa pag sagot (panoorin ninyo uli)
"Yung mga pinagsasasabi ni ian, TRUTH niya yun.
"Nung nagpa interview siya at nagsabing siya ang sole heir ng paulit ulit, umikot mga pwet ninyo. Nag assume na nang aagaw kami. Mga ‘to naman o.
"Yung amin, ayoko na sana ilabas. Never kayong nakarinig o nakapanood na nag over share ako ha.
"Ang tunay na kaaway ay kayo. Nag co comment ng kung ano ano. Na para bang may nagawa kami sainyo mismo.
"I just realized, that your words are empty (the bashers). You don’t know us, we don’t know you.
"Walaaaa kayong kaalam alam sa nangyari. So wala. Walang saysay ang pang aaway"
Kinastigo rin ni Matet si Ian dahil sa hindi raw pagsasabi ng mga mali nito at hindi pagtatama sa maling paniniwala ng publiko tungkol sa kanilang magkakapatid.
Hindi raw kasi ito sumasagot sa kanilang mga chat kaya't umaasa siya na sa pamamagitan ng kanyang pagpo-post ay mapagtanto nito ang kanyang pagkakamali.
Mensahe ni Matet (published as is): "Para sa’yo, 'kuya' ian, sana sinabi mo rin sa tao yung mga nagawa mong mali.
"Na hindi totoong nang kakamkam kami.
"Na yung zoom meeting (tutal nabanggit mo na) eh para sa play na feeling ko mali at hindi enterprise o foundation?"
Sabi pa niya: "Sana hindi mo na e-enjoy ito. Sa tingin mo ba, deserve namin to?
"Na winawalanghiya kami ng tao kahit alam mo kung sino at anong klaseng tao kami? Mukha kaming kupal kahit alam mong hindi.
"Di kayo sumasagot sa chat eh. Dito na lang.
"See guys? You know nothing."
Read: Matet blasts bashers, challenges Ian to tell the whole story
IAN AND MATET'S "WONDERFUL CONVERSTION
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang kumpirmasyon kung nakapag-usap na muli ang magkakapatid matapos ang mainit nilang pahayag at pagsasagutan online.
Ngunit ilan sa mga sumusubaybay sa hidwaan ng magkakapatid ang natuwa sa Facebook post ni Matet noong June 29, kung saan ipinost niya ang lumang larawan nila nina Lotlot at Ian, kasama ang kanilang pumanaw na ina.

“We miss you ma” na may smiling at heart emoji ang caption ni Matet sa larawan nila.
Kinabukasan, noong June 30, si Ian naman ang nag-post na naka-tag ang nakababata niyang kapatid na si Matet.
Aniya sa post: “Thank you so much for the wonderful conversation! God bless us and our family!”
Hindi pa malinaw kung indikasyon na ito ng kanilang pagbabati, dahil wala pang pahayag ang magkapatid kaugnay dito.
Read: Ian, Matet spark reconciliation buzz after latest Facebook posts
