Ipinag-utos ng korte sa actor-TV host na si Anjo Yllana na magbayad ng PHP3.5 million sa TVJ Productions, Inc. kaugnay ng petition for permanent injunction na isinampa laban sa kanya dahil sa mga naging pahayag niya tungkol sa Eat Bulaga! at sa mga host nito.
Nitong Lunes, Hunyo 29, 2026, inilabas ni Presiding Judge Gloria Monica S. Lopez ng Branch 279 ng Regional Trial Court ng Mandaluyong City ang desisyon sa kaso.
Ngayong Martes, Hunyo 30, isinapubliko naman ng TVJ Productions ang court ruling, kabilang ang permanent injunction at mga danyos na ipinataw laban kay Anjo.
Read: Former Dabarkads Anjo Yllana appeals to TAPE Inc. for settlement of unpaid wages
PERMANENT INJUNCTION VS. ANJO
Sa desisyon ng korte, pinagbigyan ang kahilingan ng TVJ Productions para sa permanent injunction.
Ibig sabihin, permanente nang pinagbabawalan si Anjo—kasama ang kanyang mga kinatawan at sinumang kumikilos para sa kanya—na mag-post, magbahagi, mag-reupload, o magpalaganap sa TikTok, TikTok LIVE, at iba pang social media at digital platforms ng mga pahayag na maaaring makasira sa reputasyon, goodwill, at brand ng TVJ Productions at ng Eat Bulaga!.
Nilinaw rin ng korte na saklaw ng proteksiyong ito ang mga host ng Eat Bulaga!, kung saan ang anumang paninira sa kanila ay may direktang epekto sa pangalan at goodwill ng programa.
PHP3.5-MILLION DAMAGES
Bukod sa injunction, inutusan din ng korte si Anjo na bayaran ang TVJ Productions ng kabuuang PHP3.5 million: PHP1 million bilang temperate damages; PHP1 million bilang moral damages; PHP1 million bilang exemplary damages; at PHP500,000 bilang attorney's fees at litigation costs.
Ayon pa sa ruling, papatawan ng 6 percent legal interest kada taon ang lahat ng monetary awards mula sa oras na maging pinal ang desisyon hanggang sa tuluyan itong mabayaran.
Read: Anjo Yllana to Maine Mendoza: “No talk, no mistake.”
TVJ PRODUCTIONS REACTS
Sa opisyal nitong pahayag, sinabi ng TVJ Productions—na pinamumunuan nina Senator Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon—na isang malaking patunay raw ng integridad ng Eat Bulaga! at lahat ng bumubuo nito ang naging desisyon ng korte.
Nakasaad sa kanilang statement: "We welcomed the Court's Decision as a definitive vindication of the integrity of Eat Bulaga, its hosts, and its management, and of the decades of trust that generations of viewers have placed in the program."
Dagdag pa nila: "The Court's Decision stands as a stern warning that social media cannot be used recklessly to destroy the rights of others."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang opisyal na reaksiyon si Anjo sa naging desisyon ng korte.
Inaasahang maglalabas ng pahayag ang dating Eat Bulaga host sa Miyerkules, Hulyo 1.
Read: Jaime Yllana, nag-apologize sa mga birada ng amang si Anjo
ANJO YLLANA'S TIRADES AGAINST EAT BULAGA! HOSTS
Noong Nobyembre 2025 ay nagpakawala ng mabibigat na alegasyon si Anjo laban sa ilang dati niyang co-hosts sa Eat Bulaga!.
Sa kanyang livestream sa TikTok noong Nobyembre 3, 2025, direkta niyang binanatan ang veteran TV host at politician na si Senator Tito Sotto.
Bahagi ng pahayag ni Anjo: “Tito Sen, ang dami mo na naman pinalabas. Yung mga bayaran mo sa mga vloggers.
"Tito Sen, gusto mo talagang laglagan? Gusto mo i-reveal ko na mula 2013 kung sino po yung kabit ninyo, Tito Sen?
"Okay ba sa 'yo yun, Tito Sen? Gusto mo sabihin ko na kung sino yung kabit mo mula 2013 na pinalakad mo sa akin?
“Sabihin mo lang, Tito Sen, at iaano ko na, iba-box reveal ko na. Sasabihin ko na sa taumbayan kung sino ang kabit mo mula 2013.
"Sige lang, banatan niyo lang ako at marami pa akong ilalabas."
Maliban dito ay may iba pang mga alegasyon si Anjo tungkol umano sa "sindikato" sa loob ng Eat Bulaga! at iba pang maseselang isyu.
May mga eksplosibong rebelasyon din si Anjo tungkol umano kina Jose Manalo at Allan K.
Pinagpipistahan at pinag-uusapan ang mga pagbubulgar ni Anjo sa ugali umano ni Jose at sa dating EB Babes dancer na kapwa raw nila nakarelasyon.
Hindi rin nakaligtas sa pagbubulgar ni Anjo ang kuwento umano tungkol kay Allan at sa dating PBA player at incumbent San Juan City councilor James Yap.
Inamin ni Anjo na may kinalaman sa pulitika ang mga banat niya kay Tito Sotto, na "kaalyado" ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr.
Read: Anjo Yllana concedes bluff, calls ceasefire with Sen. Tito Sotto
Sa isa niyang livestream ay idineklara ni Anjo ang sarili bilang "DDS" at tagasuporta ni Vice-President Sara Duterte.
Inatake raw siya ng "bashers" — na paniniwala niya'y mula sa kampo ng Eat Bulaga! at ni Tito Sotto — dahil sa mga patama niya laban sa gobyerno.
Lahad ni Anjo: “Kahapon [Nobyembre 3], paggising ko, yung mga basher ng Eat Bulaga!, bina-bash ako.
"Yung vlog ko kasi, nagpapatama ako sa gobyerno mula noong nagkaroon ng nakawan sa flood control projects.
“Active ako kasi nga hindi naman ako naninira. Nagbibigay lang ako ng opinyon saka advice.
"Para sa akin, ayusin naman ng gobyerno yung pamamalakad ninyo.
“E, siyempre si Tito Sen kaalyado ng present government, so yung trolls ng Eat Bulaga!, inaaway ako.
“Two weeks ago kasi, yung followers ko, tinanong ako kung puwede kong tanungin si Tito Sen tungkol sa ipinangako niya na yung sahod niya, ibibigay niya sa mga estudyante.
“So, nanawagan ako. Kumbaga, yung trolls at followers ni Tito Sen, medyo nagagalit sa akin."
Pagdidiin ni Anjo: “Hindi ako naninira. Hindi ako nagmumura.
"Ang sa akin lang naman, kung ano ang puwede kong ipakiusap.
“Nagbunga naman dahil after two weeks, inilabas ni Tito Sen yung resibo na ibinigay na niya yung sahod niya."
Base sa mga sumunod na pahayag ni Anjo, "nabuwisit" siya sa trolls ni Tito Sotto kaya nagpakawala siya ng mga pasabog ukol sa TV host-politician.
Sabi niya: "Anyway, kahapon, binabanatan ako, e, alam kong trolls iyon ni Tito Sen, yung bashers ng Eat Bulaga!.
“E, ang aga-aga, wala pa akong tulog. Medyo nabuwisit ako.
"Binluff ko si Tito Sen, sabi ko, 'Tito Sen, ayusin mo naman yung trolls mo. Kapag hindi tumigil yan, iaano ko yung mga chicks mo.’
“Nangba-bluff lang naman ako. Hindi ko naman akalain na buong Pilipinas, buong mundo, e, magkakagulo!” natatawang sabi ni Anjo.
Read: Anjo Yllana concedes bluff, calls ceasefire with Sen. Tito Sotto