Ang sikretong relasyon ng dermatologist at cosmetic doctor na si Manny Calayan ang naging mitsa ng hiwalayan nila ng kanyang misis at business partner na si Dra. Pie Calayan.
Ito ang kuwento ni Manny sa panayam sa kanya ng Kapuso broadcast journalist na si Susan Enriquez para sa programang Kay Susan Tayo! Vlogs.
Taong 2024 noong kinumpirma ni Manny ang hiwalayan nila ni Dra. Pie, pero taong 2019 pa nang magwakas ang kanilang pagsasama.
Ayon kay Manny, bago pa man ang kanilang separation ay may tensiyon na sa pagitan nilang dalawa dahil sa maraming bagay na hindi nila napagkakasunduan.
"Nagka-clash lang. Maliliit na bagay. Iba na siya, iba na rin ako. Lagi kaming nag-aaway, and then sabi ng mga anak namin, 'Maghiwalay na kayo kaysa sa nakikita namin kayong laging magkaaway. Hindi naman healthy iyan.'"
Tanong ni Susan: "Ano ba, tingin mo parang na-fall out of love ka, ganun, or siya sa iyo?"
"Oo, parang ganun—parang ako," sagot ni Manny.
Read: HOW MUCH? Coachella experience for Filipinos
DOC MANNY CALAYAN ON FALLING OUT OF LOVE
Nagbago raw ang kanyang nararamdaman para sa asawa simula nang umalis ito ng bansa para samahan ang mga anak nilang nag-aaral abroad.
Limang taon daw na hindi sila nagsama at long-distance relationship ang kanilang naging set-up.
Kalaunan ay nahulog ang loob ni Manny sa ibang babae, bagay na nakarating kay Pie at nagtulak sa kanyang umuwi para personal na kumpirmahin ito.
Sambit ni Manny, "Pag-uwi niya to confirm, na-confirm nga niya."
Hindi naman daw nauwi sa hiwalayan agad ang kanilang pagsasama.
Sa kabila ng nangyari ay nagsama pa rin sila ng apat na taon.
"Pero parang cold na yung years na yun," pagbabalik-tanaw ni Manny.
Prankang sambit ni Manny, "Iba na yung lifestyle ko, e. Yung lumalabas gabi-gabi, wala kasing asawa, nasa malayo. E, ang daming tukso."
Read: Alden Richards, may bagong misyon matapos mapa-graduate ang kanyang college scholars
DOC MANNY CALAYAN'S AFFAIR WITH A VLOGGER
Batay sa kuwento ni Manny, nahumaling siya sa vlogger na naging pasyente ni Pie.
Hindi malinaw ang sequence sa kuwento ng cosmetic doctor, pero lumalabas na bagama't alam at kumpirmado na ni Pie na may ka-affair ang asawa—dahilan para manlamig ang kanilang pagsasama—ay later on pa nito personal na nakilala at nakaharap ang babaeng karelasyon ng mister.
"Nagpa-derma sa kanya. Hindi ko alam ba't tama [ang kutob niya], ang galing-galing ng instinct [ni Pie]. Tapos sabi niya [sa pasyente niya], 'Vlogger ka?'
"Tinawag [ni Pie] yung anak ko, 'Bernice, tingnan mo ito, tingnan mo yung [pasyente]. E, maganda, bata, iyan yung dating kinalolokohan [ng tatay mo]."
Tinawagan daw si Manny, na nasa Canada nung panahong yun, ng kanyang vlogger girlfriend.
"Tawag sa akin, sabi, 'Yung asawa mo, dinetain ako sa clinic,'" ang bungad daw ng kanyang girlfriend.
"Umamin na daw siya. Sabi ko, 'Patay! Pag-uwi ko nito, madugong engkuwentruhan.'"
Wala na rin daw nagawa si Manny at inamin niya kay Pie na girlfriend niya ang pasyente nito.
Tatlong taon tumagal ang relasyon ni Manny at ng vlogger bago sila naghiwalay.
"Illicit affair lang, hindi naman lovechild," sagot ni Manny kay Susan nang tanungin nito kung nagkaanak ba sila nung vlogger.
Sa kasalukuyan ay kasal pa rin ang estado nina Manny at Pie sa dahilang hindi pa sila nagsusumite ng annulment application sa korte.
May tatlo silang anak na babae: sina Hanna, Bernice, at Andrea.
DRS. MANNY AND PIE CALAYAN, ESTRANGED BUT STILL BUSINESS PARTNERS
Sa kabila ng lahat ay nananatiling business partners ang dating mag-asawa, kahit na nagpalit na ng apelyido si Dra. Pie, na kilala na ngayon bilang Dra. Pie Cabrera.
"Business-wise, yes, we're still business partners," tugon ni Manny.
"Hindi namin pinapalitan yung pangalan ng Manny and Pie Calayan Clinic, kasi andiyan na iyan, e. Kilala na iyan."
Noong early 2000s, sumikat ang mag-asawang Manny at Pie, na parehong cosmetic surgeon.
Ang Manny and Pie Calayan Clinic ang itinuturing noon na business rival ng Belo Medical Group, na pagmamay-ari ng isa pang sikat na aesthetic dermatologist na si Dra. Vicki Belo.
Ilan lamang sa naging celebrity clients at endorsers nina Manny at Pie ay sina Iya Villania, Mariel Rodriguez, Gabby Concepcion, Jay-R, Rocco Nacino, Sam Concepcion, Katrina Halili, Ruffa Gutierrez, Precious Lara Quigaman, Miriam Quiambao, at Boy Abunda.
Strictly business partners on paper na lang daw ngayon ang dalawa.
Simula nang magpasyang maghiwalay ay hindi na raw nag-uusap at nagkikita kahit na pareho silang tumatanggap pa rin ng pasyente sa kanilang clinic.
May dalawang branches ang Manny and Pie Calayan Clinic: isa sa Makati at isa sa Alabang.
Sa Makati branch, kung saan nag-oopisina ang dating mag-asawa, ay minarapat nilang hindi pagtagpuin ang kanilang scheduled clinic hours para maiwasan ang isa't isa.
"Never na kaming nagkikita. Ina-avoid niya ako," sambit ni Manny.
Nang usisain ni Susan kung bakit kaya, ang sagot nii Manny: "Ewan. Siguro galit na galit [sa akin]."
Dugtong pa niya, "Umiiwas siya. Ang ginagawa namin dito, scheduled ang punta: 10 [A.M.] to 1 [P.M.] siya, ako naman, from 4 [P.M.] to 7 P.M.]."
Ang anak nina Manny at Pie na si Beatrice ang nagsisilbing tulay ng mag-asawa patungkol sa mga usaping negosyo.
"Yung anak ko kasi, siya yung nagpapatakbo [ng business operations]. Nagre-report siya sa akin. Sabi ko, 'Alam ba ng mommy mo iyan?,'" paliwanag ni Manny.
Wala na kayang pag-asa na magkabalikan pa sila ulit ni Pie?
"Tingin ko hindi na. Kasi kilala ko iyan. Pag galit iyan, she forgives, but not forget."