Itinanggi ng Kapuso actor na si Dustin Yu ang umano’y pagbabakasyon niya kamakailan sa Thailand kasama ang Kapamilya actress na si Bianca de Vera.
Sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda nitong Lunes, February 23, 2026, naging bisita si Dustin kasama ang co-stars niya sa upcoming series na The Secrets of Hotel 88 na sina Ralph de Leon at River Joseph.
Nagkasama rin ang tatlo sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.
Dito, pabirong tinanong ni Boy Abunda si Dustin kung totoo ang kumalat na balitang nagtungo sila ni Bianca sa Thailand at nag-"honeymoon."
"Tito, anong honeymoon? Hindi, Tito, baby pa po kami!" natatawang sagot ni Dustin.
"[But] you did go to Thailand, we saw the posts," positibong sabi ni Boy sa kanya.
Read: Brent, Xyriel, Dustin, Bianca: Checking In
Kitang-kita sa mukha ni Dustin ang pagkabigla sa diretsahang tanong ng beteranong TV host.
"Posts? Parang wala naman," pagtanggi ng binata.
Dagdag pa niya, "Kasi marami kasi ako kamukha... Maraming nagsasabi na ako daw yun, pero sa totoo lang kamukha ko lang yun."
Halata sa reaksiyon ni Boy na hindi siya kumbinsido kaya ibinaling niya ang tanong kay Ralph upang kumpirmahin kung nagsasabi ng totoo si Dustin.
Hindi nakasagot nang direkta si Ralph; sa halip ay ibinalik niya ang tanong kay River.
Sabi ni Boy kay River, “Nag-Thailand ba sila?”
Read: Dustin Yu speaks out on handling bashers and protecting his peace
Sa puntong ito, muling tinanong ni Boy si Dustin kung ano nga ba ang katotohanan sa haka-hakang nagbakasyon sila ni Bianca sa Thailand.
Ayon kay Dustin, totoong nagpunta siya sa Thailand, ngunit dalawang taon na ang nakalilipas.
"Kasama mo si Bianca?" muling pangunguniit ni Boy.
"Noon, hindi!" natatawang sagot ni Dustin.
DUSTIN AND BIANCA'S VACATION TRIP PHOTOS
Ang pagtanggi ni Dustin sa pagbabakasyon umano nila ni Bianca sa Thailand ay hindi tumutugma sa mga naging post nilang dalawa kamakailan sa Instagram.
Noong February 7, sa mismong ika-24 kaarawan ni Bianca, ay ipinost ni Dustin ang ilang larawan nila ng aktres na pinaniniwalaang kuha nang magbakasyon sila sa Thailand.


Noong February 19, nag-post din si Bianca ng solo pictures niya habang kumakain at namamasyal sa kanyang recent travel.

Kapansin-pansing kuha ang mga ito sa Thailand, batay sa mga tourist destination at restaurant na kanyang pinuntahan.

DUSTBIA AND WILLCA VACATION ISSUE
Matatandaang naging mainit na usapin online ang hiwalay na bakasyon ng magka-loveteam na sina Will Ashley at Bianca de Vera.
Imbes kasi na magkasama—tulad ng inaasahan ng kanilang fans na kilala bilang WilCa—ay nagkaroon umano ng kanya-kanyang lakad ang dalawa.
Read: Liza Soberano 2023 loveteam statement resurfaces amid WilCa issue
Si Bianca ay sinasabing nagbakasyon sa Thailand kasama ang isa pang ka-loveteam at nali-link sa kanyang si Dustin.
Habang si Will naman ay spotted na nagbakasyon sa Hong Kong kasama si Mika Salamanca.
Dahil dito, hindi naiwasang masaktan at maapektuhan ang ilang WilCa fans.
May ilan ding admin ng fan accounts ng WilCa ang pansamantalang nagpahinga mula sa social media.
Hindi malinaw ang eksaktong dahilan kung bakit may hinaing ang iba sa WilCa fans.
Ngunit base sa usap-usapan noon sa social media platforms, may kinalaman umano ito sa tambalang Dustin at Bianca na sinasabing nagkakamabutihan na sa tunay na buhay.
Sa kabilang banda, maging si Will ay hindi rin nakaligtas sa pambabatikos ng ilang netizens na sumusuporta naman sa tambalan nina Mika Salamanca at Brent Manalo.
Read: Will Ashley, Mika Salamanca Hong Kong trip sparks mixed reactions
