Tuluyang inutos ng Quezon City court ang pagpapasara sa iconic Mang Larry’s Isawan sa main branch nito sa loob ng University of the Philippines Diliman, kaugnay ng mga isyung may kinalaman sa land use at tenancy.
Sa ulat ng student publication na Tinig ng Plaridel ng U.P. College of Mass Communication nitong Biyernes, February 20, 2026, nagtungo sa U.P. Campus ang Quezon City Anti-Squatting Task Force upang ipatanggal ang mga gamit at ikandado ang puwesto ng isawan, alinsunod sa utos ng korte.

Ang agarang pagsuko sa puwesto ay nangyari matapos matalo ng may-ari ng Mang Larry’s Isawan na si Laurencio Convencido Jr. sa civil case laban sa U.P.
Dahil sa pagkatalo, inaasahang magbabayad si Convencido ng hindi bababa sa PHP47,500 para sa “unpaid rental arrears” mula October 2021, kalakip ang PHP9,000 na interes, at PHP5,000 na buwanang upa mula November 2021.
Mayroon ding karagdagang PHP1,000 bilang kabayaran sa paghahain ng kaso.
Mang Larry’s Isawan's official statement
Agad namang kinumpirma ng Mang Larry’s Isawan ang malungkot na balita.
Sa isang Facebook post, buong pusong nagpasalamat ang may-ari ng eatery sa pamantasan na nagpatuloy sa Mang Larry's Isawan sa loob ng halos limang dekada, kahit pa raw ilang beses itong nagpalipat-lipat ng puwesto.
Mababasa sa kanilang post (published as is), "Sa loob ng maraming taon na palipat lipat, minsan kami ay lumaban pero ganun talaga merong nananalo at merong natatalo.. ganun pa man, maraming salamat UP sa pagkakataon na makabenta at mabuhay ang aming pamilya.
"Sa aming mga customers, maraming salamat sa suporta at sa mga magagandang memories sa aming main branch."
Bagamat nagsara na sa U.P., tiniyak ng Mang Larry’s Isawan na mananatiling bukas ang Magiting at UST branches ng eatery.
Saad pa ng pamunuan ng eatery, "Wag kayo mag alala patuloy ang aming pag lingkod sainyo. Hanggang sa muli sa aming bagong main branch!
"Ngayon, pwede kayong mag pick up at dine in sa aming magiting branch (beside caution hot, maginhawa) at sa aming UST branch."
Read: Coco Martin, inanunsiyo ang pagtatapos ng Batang Quiapo
Ang Mang Larry’s Isawan ay sinimulan ni Laurencio Convencido Jr., o Mang Larry, sa mga estudyante at iba pang parokyano, noong 1984 sa loob ng U.P. Diliman campus.
Isa lamang itong rolling store noon na kadalasang mamataan sa tapat ng Kalayaan Residence Hall.
Kalaunan ay nagkaroon si Mang Larry ng permanenteng puwesto malapit sa College of Fine Arts.
Read: Mang Larry’s Isawan ng UP Diliman, pumuwesto na rin sa UST area
Kilala silang tindahan ng grilled Pinoy favorites gaya ng pork barbecue, isaw manok, isaw baboy, balunbalunan, tenga, atay, liempo, bangus, at pusit.
Patok din ang iba’t ibang fried street food o "tusok-tusok" items tulad ng fishball, kwek-kwek, chicharong bulaklak, chicken skin, butcheron, French fries, at marami pang iba.
