Hindi pa rin nagpapaawat ang StarStruck alumnus na si Alvin Aragon sa pagpapahayag ng kanyang mga paniniwala tungkol sa mga bakla o miyembro ng LGBTQIA+ community, na base raw sa mga nakasulat sa Bibliya.
Ito ay sa kabila ng kaliwa't kanang batikos sa kanya ng maraming netizens at maging celebrities.
Sa panibagong interbyu ni Alvin sa vlog sa YouTube ng content creator na si Cris Rafael na in-upload nitong Huwebes, February 19, 2026, direkta niyang binanggit ang mga pangalan ng rapper-singer na si Gloc-9, comedienne-singer na si K Brosas, at aktor na si Ian Veneracion nang mapag-usapan ang sexual orientation ng stepchild ni Alvin, si Sofia Trazona.
Read: StarStruck alum Alvin Aragon draws backlash over anti-gay remark
Ang trans woman na si Sofia, kilala rin bilang Andrei Trazona, ang panganay na anak ng misis ni Alvin, ang dating SexBomb Girls member na si Izzy Trazona.
Ang tunay na ama ni Sofia ay si Michael Navarro, na gaya ni Izzy ay isa ring dancer. Siya ang founder ng dance group Philippine Island Assassins.
ALVIN ARAGON ON SOFIA'S UPBRINGING
Sa pinakabagong panayam niya ay hindi itinanggi ni Alvin ang naging rebelasyon kamakailan ni Sofia na minsan na siyang napagbuhatan ng kamay ng kanyang stepfather.
Lahad ni Alvin: "Minsan napitserahan ko yon... E, kasi ang tigas ng ulo. Kapag matigas ang ulo mo, medyo nagle-level up ang disiplina.
"Mayroon talaga akong anger. Kung ang complain niya sa akin, e, yung grabeng galit, yung napitserahan ko siya, kasi hindi naman niya na-experience yon noong seven, six, five, four, three, two [years old] siya, na ang nag-alaga, e, si Lola."
Read: Sofia Trazona claims stepfather Alvin Aragon hit her once
Ayon kay Alvin, malaking epekto raw sa sexual orientation at gender identity ngayon ni Sofia ang kapaligiran na kinalakihan niya.
Lumaki raw kasi si Sofia sa lola at tiyahin niya kaya nakuha nito ang malambot nilang mga galaw.

Pahayag ng aktor: "Yung ganong edad niya, lalaki yan. May mga sumisilip na mga sign na, 'Baka ano to, bading kasi malambot.' Kapag nagsasalita, may pitik ng pagkabakla.
"Pero gusto ko i-explain na noong seven si Andrei, six, five, four, three, two, one [years old] ang nag-alaga si Lola, babae, kasama pa si Tita.
"Nasan si Izzy? Busy sa SexBomb, hindi pa siya Christian. Nasan si Tatay Michael? Busy [rin].
"Sino nag-alaga? Si Lola at si Tita. Ano ang trabaho ng bata? Ang trabaho ng bata sa ganung edad is mag-absorb ng nakikita, naririnig, at mga sinasabi mo.
"Ang mga bata, parang sponge yan ng panlinis ng pinggan. Sipsip lang nang sipsip ng tubig at saka ng sabon.
"Ngayon, si Andrei, anong nasipsip, yung pagiging malambot ni Lola."
Ang ibig sabihin dito ni Alvin ay dahil walang lalaki sa bahay na kinalakihan ni Sofia kaya ito naging "malambot."
Read: Sunshine Garcia prays for Izzy and Alvin amid controversy
Sinisisi rin ni Alvin ang biological father ni Sofia sa sekswalidad na pinili ngayon ng kanyang stepchild.
Kung naging mabuti lang daw kasing ama si Michael kay Sofia ay hindi nito hinayaang piliin ng anak na magpakababae.
Saad niya, "Ngayon si Andrei lumaki na kasama si Lola. Nasan yung Tatay? Dapat yung tatay ang nag-aalaga doon e, nang one, two, three, four, five, six, seven [years old, pero] nasaan siya?
"Wala naman siya, e. Siguro dinadalaw-dalaw lang pero yung araw-araw na kasama mo yung anak mo, nasan ka? Wala ka. Sino ang inaatupag mo?"
Read: Sofia Trazona grateful to her dad for supporting her transition
Bagamat hindi tunay na anak, minahal at itinuring naman daw ni Alvin si Sofia bilang sarili niyang kadugo.
Aniya: "Noong eight, nine, ten [years old] pinunan ko yon. Part of love ni Izzy at ako ay i-correct ka sa mali mo.
"Ano yung mali mo? Noong umalis na siya, lumayas yan, e, pumunta sa Quezon Province, sa tatay niya.
"After two years, pagbalik niya [sa amin], nag-split, nagladlad na, bading na bading na.
"Bakit naging ganon? Pero noong nasa amin, lalaki. Noong umalis, bading na.
"Pagbalik, bading na bading na. Ano nangyari, bakit niyo pinabayaan sa province? Bakit naging bakla?"
Ang hindi raw mawari ni Alvin ay kung bakit tuwang-tuwa pa ngayon si Michael sa kinahinatnan ng anak niyang si Sofia, bagay na sa mata ng Diyos ay masama at matindi diumanong kasalanan.
Read: Sofia Trazona reacts to stepdad Alvin Aragon's anti-gay remarks
Sabi niya: "Huwag na tayong magduda, ngayong trans [woman] na, tuwang-tuwa pa yung totoong tatay na bakla siya [Sofia].
"Sasabihin mo ang mabuting tatay yung in-accept yung lalaki mong anak na nagpakabakla. Ayun ba ang mabuting tatay?
"O ang mabuting tatay, yung nagagalit na, 'Bakit ka bakla, e, lalaki ka na ginawa ng Diyos?'
"Sino ang mabuting tatay?"
Alvin questions K Brosas, Ian Veneracion, Gloc-9’s support for their LGBT children
Diretsahan ding kinuwestiyon ni Alvin ang pagpapalaki at pagtanggap nina K Brosas, Ian Veneracion, at Gloc-9 sa mga anak nilang miyembro ng LGBTQ community.
Hindi lingid sa kaalaman ng iba na ang anak ni K na si Crystal at anak ni Ian na si Dids ay parehong lesbian.
Habang ang anak ni Gloc-9 na si Daniel ay isang proud gay
Tanggap na tanggap ito ni Gloc-9. Sa katunayan, ang sikat na kanta niyang "Sirena" ay ginawa at isinulat niya para sa kanyang anak.
Read: Gloc-9 discloses "Sirena" song is a gift to his gay son
Maging sina K at Ian ay lubos ding suportado ng sekswalidad ng kanilang mga anak.
Read: Ian Veneracion, tanggap ang pagiging tomboy ng nag-iisang anak na babae
Bagay na hindi matanggap ni Alvin.
Giit niya, taliwas daw sa utos ng Diyos ang pagiging miyembro ng LGBTQ community at naniniwala siyang sa impiyerno ang bagsak ng mga ito.
Pahayag nito: "Si Gloc 9, tuwang-tuwa ginawan pa ng kanta yung anak niya.
"Ayun ba ikinalulugod ng Diyos? [Na parang] palakpakan mo yung lalaki mong anak na ginawa Niya na nagpakabakla, whooo.
"Si K Brosas, tuwang-tuwa. Si Ian Veneracion, tuwang-tuwa.
"Tapos sino yung tumatayo sa kung anong tama sa mata ng Diyos na huwag kang magpakabakla? Kami ni Izzy, [tapos] kami pa masama?
"Kumusta, world? Pinapalakpakan natin yung mali.
"Ine-encourage niyo pa. Sasabihin niyo love yon, i-accept?"
Ang iba pang celebrity parents na nagpahayag noon ng kanilang suporta sa mga anak nilang miyembro ng LGBTQ+ community ay sina Sharon Cuneta at Senator Kiko Pangilinan, Jackie Lou Blanco at Ricky Davao, Dennis Padilla, Leanro Muñoz, Dolly Anne Carvajal, at Lea Salonga.
Read: 9 celebrity parents who embrace and support their LGBTQ+ children
SOFIA TRAZONA REACTS TO STEPFATHER ALVIN ARAGON'S ANTI-GAY REMARKS
Bago ang pahayag na ito ni Alvin ay nagbigay na ng kanyang reaksiyon si Sofia sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz na na-upload sa YouTube channel nito noong February 17, 2026.
Saad ni Sofia: "Ako, I believe talaga na I am only answerable to God alone. Siya lang ang puwede mang-judge sa akin.
"And if yung mga ibang tao idya-judge ako, I wouldn't take it personally kasi Siya lang ang puwede mang-judge sa akin.
"And the word of God doesn't condemn people kasi mahal nga tayo ng Diyos, e.
"Bakit Niya tayo iku-condemn? Talagang tatanggapin Niya tayo.
"Tinanggap Niya nga tayo nang makasalanan. Na, what more pa na... nanininiwala tayo sa Kanya?"
Dagdag pa niya: "And I have a personal relationship with God.
"So, bakit parang medyo condescending na yung ano, yung naging interview?
"Ayun, medyo nakaka-degrade po ng pagkatao na, 'Grabe naman yung tingin sa amin. Parang, hindi naman kami nagnakaw, hindi naman kami pumatay ng tao.'
"Ayun. Nagtatrabaho naman kami nang maayos. Wala naman kami tinatapakang ibang tao.
"Masaya naman kami sa ginagawa namin. And meron kaming personal na relasyon sa Diyos.
"At walang ibang puwedeng kumuwestiyon dun."
Hindi rin daw kayang depensahan ni Sofia si Alvin sa mga batikos na natatanggap nito mula sa publiko.
Aniya: "Ano po talaga, e, in any way, parang kung gusto ko man po siyang i-defend, parang mahihirapan din po ako. Kasi grabe niya din po kasi i-condemn yung mga bakla, e.
"So, parang ang ironic naman po na manggagaling sa akin yun. Na ide-defend ko siya, e, pinanliliitan niya nga po kami."
Dagdag pa niya, "Kaya masakit, e, masakit, e.
"Na parang wala ba kaming sariling relasyon sa Diyos? Ganun.
"Kaya naniniwala akong ano, na ang salita ng Diyos talaga, punung-puno po siya ng pag-ibig.
"Hindi po siya nagko-condemn, hindi siya nagdya-judge."
