Non-committal sina Paulo Avelino, 37, at Kim Chiu, 35, nang diretsahang tanungin kung ano ang real score sa pagitan nila.
"One hundred," nakangiting sagot muna ni Paulo.
Pero nang tanungin kung kumpirmasyon iyon na sila na, paglilinaw ni Paulo, "I did not admit anything. I just gave a score."
Sa parte ni Kim, umiwas siyang sagutin ang tanong.
Sabi niya, na may halong biro, "Para saan? Ikabubuti ba yan ng ekonomiya ng Pilipinas?"
Sinabi ito nina Paulo at Kim sa media conference ng The Alibi, na ginanap sa 9501 Restaurant sa ABS-CBN compound kahapon, February 16, 2026.
Naging usap-usapan ito ng ibang fans sa social media dahil sa komento ng isang entertainment reporter na hindi sinagot ni Paulo ang tanong tungkol sa real score nila ni Kim.
Noong una kasi ay inakala ng reporter na ang ibinigay ni Paulo na "100" na score ay pag-amin ng binata na sila na ni Kim.
Kaya nagkomento ang reporter na, tulad ni Jericho Rosales, si Paulo ang isa pang aktor sa showbiz na handang umamin sa publiko tungkol sa love life nito.
Pero bandang huli, sinabi ng reporter na hindi pala sinagot ni Paulo ang kanyang tanong.
May isang netizen ang nagkomento sa X (dating Twitter) na hindi na raw sana ikinumpara si Paulo sa ibang aktor.
Sinabi rin ng netizen na mukhang di kumportable sina Paulo at Kim sa tanong tungkol sa kanilang real score.
Sinegundahan ito ni Kim sa X, at sinabing "True!!!!"

Sa kabilang banda, hindi maiwasang tanungin sina Paulo at Kim kung ano ang kanilang ugnayan sa tunay na buhay.
Marami sa mga tagasuporta ng dalawa ang umaasang nagkakahulugan sila ng loob kahit sa labas ng trabaho.
Apat na beses na silang nagkatrabaho: sa mga teleseryeng Linlang (2023), What's Wrong With Secretary Kim? (2025), at The Alibi (2025-2026); at sa pelikulang My Love Will Make You Disappear (2024).
Read: Jopay Paguia hesitated returning to SexBomb Girls due to religion
KIM CHIU ON FLOWERS FROM PAULO AVELINO
Sa ngayon, ang tanging kinumpirma ni Kim ay kay Paulo galing ang bouquet of flowers na natanggap niya noong Valentine's Day.
Tila three dozens ng pink and red roses ang laman ng bouquet.
"Babae pala ako," pakuwelang hirit ni Kim sa caption niya sa IG.
Sa presscon ng The Alibi, ibinahagi ni Kim na nasorpresa siya nang umuwi siya ng bahay na may naghihintay sa kanyang flowers.
Galing ng It's Showtime si Kim noong Sabado, Valentines' Day.
"Ang dami kasing babaeng naglalakad sa daan noong araw na yun. Siyempre nadadaanan ko lang," bungad ni Kim.
Napaisip daw siya, "Ang dami namang babaeng nakahawak ng bulaklak. Itong mga ito, super naman sa pagka-long hair."
Kuwento pa niya, "Pag-uwi ko ng bahay, hala! May flowers din pala ako! Girl pala ako! Yun lang yun.
"Siyempre, nakaka-girl talaga pag binigyan ka ng flowers pag Valentine's. Hindi naman yan sa gaano kalaki yung balaklak, gaano kadami, it's the thought that counts."
Hirit naman ni Paulo, "Gusto mo ba i-share yung letter sa kanila?"
Tumanggi si Kim na ibahagi pa ang note sa kanya ni Paulo.
Natatawang sabi lang ng aktres, "Happy ako na napapa-happy niya ako."
Nang usisain kung masasabi bang nahanap na niya ang kanyang kasiyahan ngayon, sagot ni Kim: "Super naman yung you already found happiness.
"We have to be happy every day kasi di natin alam mangyayari sa atin bukas or sa isang taon. Kung anuman nagpapasaya sa yo ngayong taon, i-cherish mo."
Paano ba sila nagdiwang ng Valentine's Day?
"Ako, nanood ako ng Netflix. Yung Singles Inferno!" natatawang pag-amin ni Kim.
Sabi naman ni Paulo, "Ako, bahay lang din. Meeting lang, tapos may inaral lang ako para sa isang role."
Read: Kim Chiu celebrates Christmas sans sister Lakam
PAULO AVELINO AND KIM CHIU'S PREPARATION
Unang ipinalabas ang The Alibi sa Prime Video mula November to December 2025.
Simula sa Marso ay eere ito sa primetime block sa Kapamilya Channel, A2Z, at AllTV.
Sa presscon, ibinahagi nina Paulo at Kim ang kani-kanilang proseso para paghandaan ang kanilang role.
Si Paulo raw yung tipong tahimik sa set.
Paliwanag ni Paulo: "Just setting the right mood and energy for the scenes.
"And actually, kaya ako tahimik kasi pinapaikot-ikot ko yung line sa isip ko kung paano ko [ide-deliver].
"Parang nakakahiya rin kasi sa veteran actors kung nagsa-stutter, napuputol dahil nagkakamali."
Hindi naman daw sa gusto niyang Take 1 ang kanyang eksena.
"Siyempre nowadays, you know, it's, like, they take several angles."
Ibinahagi naman ni Kim na mayroon siyang notebook para madali niyang mabalikan ang continuity ng kanyang role.
Paliwanag ng aktres: "Every project meron talaga akong notebook for my emotional continuity.
"Kasi minsan hindi ko nakokontrol yung emotions ko. Parang, it's all the same.
"So, para lagyan ko ng Level 1, cry. Level 4, happy. Level 3, sadness. Ganun lang.
"Level 10, explosive na yun. So, super crying na with matching sigaw na."
Read: Alvin Aragon calls out Alex, Sunshine over SexBomb reunion
THE ALIBI PLOT
Siniguro naman nina Kim at Paulo na kahit na may idea na yung viewers kung ano ang istorya ng The Alibi dahil sa Prime Video, may mga episode daw na may unseen scenes pa na ipapalabas.
Mas maipapaliwanag daw kung ano ang pinanggagalingan ng mga eksena. Mas makikita rin daw ang romantic angle sa pagitan ng characters nina Kim at Paulo.
Si Paulo ay gumanap bilang Vincent Cabrera, na tagapagmana ng isang media company.
Magsisimula ang conflict nang i-appoint ng ama ni Vincent ang right hand nitong si Walter Cunanan (Sam Milby) bilang head ng kumpanya.
Kasabay nito ay matutuklasan ni Vincent ang lihim na nag-uugnay kay Walter at sa misis niyang si Claudia Cabrera (Sofia Andres).
Makikilala naman ni Vincent si Stella Morales, aka Alegra (Kim Chiu), na magiging alibi niya nang maganap ang isang krimeng hindi inaasahan.
