Trigger Warning: Description of physical abuse
Sinagot ni Melanie Marquez, 64, ang mga pagdududa ng publiko na baka gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot matapos mapansin ang kanyang tila hirap na pagsasalita sa panayam niya sa Fast Talk With Boy Abunda noong Enero 5, 2025.
Pinuna rin ng netizens ang malikot na kilos ni Melanie habang nag-uusap sila ni Boy Abunda tungkol sa alegasyong pisikal na pang-aabuso laban sa American husband niyang si Randy Lawyer, 72.
Read: Melanie placed in mental and rehab facilities without consent
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Melanie, itinanggi niya ang mga hinalang gumagamit siya ng ilegal na droga.
Ayon sa Miss International 1979, bingi na ang kanyang kanang tenga kaya nahihirapan siyang maintindihan at marinig ang mga sinasabi ni Boy.
Lahad ni Melanie: “Nung nag-guest ako sa Fast Talk, medyo kinakabahan ako saka nabibingi rin ako dahil nga sinuntok ako ni Randy sa kanang tenga noong March 1, 2022, kaya naapektuhan ang eardrum ko.
“Bingi na ako. There are times na hindi na makarinig ang right ear ko.
“Saka may mga nagsasabi na ang likot-likot ko raw sa interbyu sa akin ni Kuya Boy. E, kasi natatakot ako na baka hindi ko marinig ang mga sinasabi niya."
Saad pa niya: “I am so emotionally affected, recalling my past. My trauma.
"Noong nagsalita ako, nagre-reminisce ako. Bumabalik sa akin ang trauma.”
MELANIE MARQUEZ SHOWS "PROOF" OF OCTOBER 2025 INCIDENT
Sinagot din ni Melanie ang bintang na wala siyang mga ebidensiyang magpapatunay ng pananakit umano sa kanya ng asawa.
Pahayag niya: “May mga sinasabi ang mga tao na wala akong ebidensiya, but I have all the documents, police report, medical certificate.
“Naawa pa nga ako sa kanya, hindi ko siya ipinakulong nang magreklamo ako dito sa Utah.
"Nung nag-report ako noong October 2025, they want to get him.
“They want to put him in jail but I still don’t have the heart to hurt him, to embarrass him.
"Alam ni Randy yan. Alam niya na hindi na siya ipinadampot."
Saad pa ni Melanie: “Bakit naman ako magsisinungaling? I never created stories that will jeopardize my credibility and integrity.
"Kapag nagsalita na ako, yun na yon. Yun ang totoo. Hindi ako mag-iimbento to be talked about.
“It’s very hard for me to come out but it’s about time to expose him. Hindi ako natatakot sa kanya. Hindi ako takot sa kanya.
“Matagal akong hindi nagsalita, pero ngayon, alam niya na galit ako.
"Hindi ko talaga matanggap na sinaktan niya uli ako noong October 2025. Hindi ko matanggap.
"Ito ang matindi, masyado niya akong inapi.”
Bilang patunay, ipinadala ni Melanie sa awtor na ito ang kopya ng incident report ng Sevier County Sheriff’s Office tungkol sa paratang niyang pananakit ni Randy noong Oktubre 22, 2025.
Nakasaad sa salaysay ng police officer na nakita nito ang resulta ng CT chest scan kay Melanie, at nakasaad sa resulta na nagtamo ng "rib fracture" si Melanie.
Sinabi rin ng responding police officer na pinuntahan nito si Randy para kunin ang panig nito.
Ayon sa police officer, inamin ni Randy na totoong nagkaroon sila ng pagtatalo at pag-aaway ni Melanie.
Itinanggi raw ni Randy na sinaktan niya si Melanie, at sinabi pa raw ni Randy na nakuha ni Melanie ang injury nito nang may mabanggang elk ang sasakyan nila noong araw na nagtalo sila.
Base sa imbestigasyon ng police officer, pinatawan daw niya ng "assault" si Randy.
Read: Rabin Angeles and Angela Muji: Made to Last


MELANIE MARQUEZ'S "PROOF" OF THE MARCH 2022 INCIDENT
Ipinakita rin ni Melanie ang aniya'y kopya ng ng medical certificate niya noong March 1, 2022.
Nakalagay rito na siya ay may "superficial injury" sa kanang tenga.
Pinayuhan din siya ng doktor na magpakonsulta sa medico-legal.
Kaugnay ito ng reklamo niyang pananakit umano ni Randy sa kanya noong March 1, 2022, na nagresulta, ayon kay Melanie, sa pagkabingi ng kanyang tenga hanggang sa kasalukuyan.

MELANIE MARQUEZ ON PERMANENT PROTECTION ORDER PETITION
Hindi raw naging madali para kay Melanie ang ginawa niyang pagsasalita sa Fast Talk.
"Masakit sa akin ang pagsasalita dahil apektado pa rin ako sa mga ginawa niya sa akin.
"The reason I confessed was I want him to be accountable sa mga abuse na ginawa niya sa akin,” sabi ni Melanie tungkol sa kanyang estranged husband.
Hinihintay raw ni Melanie ang paglabas ng resulta ng Permanent Protection Order (PPO) na kanyang inihain sa korte sa Utah.
Ito ay para tuluyan na raw siyang hindi malapitan ng estranged husband niya.
“Hinihintay ko ang Permanent Protection Order na baka lumabas next week para hindi na ako malapitan ni Randy. Ayoko na siyang makita," saad niya sa awtor na ito.
Read: Luke Jickain and Nico Antonio pass the 2025 Bar Examinations
MELANIE MARQUEZ AND HER TWO SONS WITH SPECIAL NEEDS
Kasalukuyang nasa Utah, USA, si Melanie kasama ang kanyang mga anak na sina Mazen at Adam, na kapwa na-diagnose na mayroong autism spectrum disorder.
Sinabi ni Melanie na lumipad sila ng kanyang mga anak sa Utah dahil naghahanap siya ng eskuwelahang puwedeng pasukan nina Mazen at Adam.
Read: Michelle Dee on siblings with special needs
Pagbabahagi ng beauty queen-actress: “Naghahanap din ako ng school para sa autistic boys ko dahil hindi na kami sinusuportahan ni Randy.
“Ang hinahanap ko yung pang-adult, kasi yung high school, hanggang 21 years old lang.
"Yung mga anak ko, si Mazen is 36 years old, Adam is 24. Gusto ko silang ipasok sa skills o learning school.”
Inusisa rin ng PEP kay Melanie kung saan siya kumukuha ng pang-araw-araw na gastos nila ng kanyang mga anak.
Aniya: “Nakatira ako dito sa kaibigan ko and I still have money.
"Meron din support from the church [The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints]. Gina-guide naman ako ng mga tao dito."
Si Mazen ay anak ni Melanie sa isang sheik.
Si Adam ang panganay na anak ng beauty-queen actress kay Randy.
RANDY LAWYER'S CAMP STRONGLY DENIES MELANIE'S ACCUSATIONS
Samantala, mariing pinabulaanan ng kampo ni Randy Lawyer ang mga alegasyon ni Melanie Marquez.
Nagpadala ang legal counsel ni Randy ng e-mail sa Fast Talk With Boy Abunda, at inulat ito sa January 6, 2026 telecast ng show.
Sinabi ng lawyer ni Randy na gawa-gawa lamang ni Melanie ang kuwento nitong pang-aabuso umano ni Randya sa kanya.
Wala raw itong basehan.
Hindi rin umano umabot sa korte ang reklamong inihain ni Melanie laban kay Randy dahil ibinasura ito ng Makati City Prosecutor's Office.
Ito ang bahagi ng email mula sa legal counsel ni Randy: “Our client categorically denies these allegations in the strongest possible terms.
"Ms. Marquez has a notorious history of hurling ostentatious, fabricated claims of abuse at Mr. Lawyer — every single one previously investigated and dismissed as baseless and unfounded by the appropriate authority/ies and forum/a.
“The case Ms. Marquez mentioned in the interview that she previously filed against me was dismissed by the Office of the City Prosecutor of Makati (NPS No.XV-05-INV-22K-3036), and did not even reach the court of law.
“This latest stunt is nothing short of malicious harassment, designed to inflict severe reputational damage, emotional distress, and professional harm on our client.
"Mr. Lawyer will address the particularities of the Ms. Marquez’s accusations against him before the Bureau of Immigration, the proper forum.”
Sa panayam ng PEP, idiniin ni Melanie na iyong na-dismiss na reklamo niya laban kay Randy ay nangyari noong panahong sapilitan umano siyang ipinasok sa mental facility ng sampung araw at sa isang rehab facility sa loob ng walong buwan.
Hindi nakadalo si Melanie sa mga pagdinig ng piskal, kaya ito raw ang dahilan kaya na-dimiss ang kanyang reklamo laban kay Randy noon.
Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
Read: Randy Lawyer strongly denies Melanie Marquez's abuse allegations