Sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya kapatid si Senator Imee Marcos.
Ito ang naging sagot ng Pangulo nang matanong sa ginanap na press briefing ngayong November 24, 2025 tungkol sa akusasyon ng senadora na gumagamit siya at ang kanyang pamilya ng droga.
Sabi ng Pangulo: “And the reason that is… is because the lady you see talking on TV is not my sister.”
Read: Liza Marcos, nagpatutsada sa kanyang hipag na si Imee Marcos?
PBBM, FRIENDS AND FAMILY WORRY FOR SEN. IMEE
Sinabi rin ng Pangulo na nag-aalala maging ang kanilang mga kaibigan at kapamilya para kay Senator Imee.
Matagal na raw silang walang komunikasyon sa isa’t isa.
“We are very worried about her. I hope she feels better soon.”
Ginawa ng senadora ang akusasyon sa Pangulo sa ginanap na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) noong November 17.
May tugon naman ang senadora sa naging pahayag ng Pangulo.
Ang post ni Senator Imee sa kanyang official Facebook, published as is: “Bongbong, ako 'to, kung anu-ano na nakikita mo ading.
“Patunayan mong mali ako - gusto kong mali ako.”

DIFFERENCES IN POLITICS
Hindi kaila ang hidwaan sa pagitan ng Pangulo at ng kapatid na si Imee.
Noong kampanya para sa 2025 elections, kasama pa si Imee sa senatorial slate na sinuportahan ng Pangulo.
Pero unti-unting naisapubliko ang hidwaan ng magkapatid ilang buwan bago ang May 2025 elections.
Sinasabing malaking dahilan nito ay may kinalaman sa pulitika.
Naging bukas si Imee sa pagsuporta kay Vice-President Sara Duterte, na inendorso si Imee para sa eleksyon.
Noong April 2025, naglabas pa si Imee ng political ad kasama si VP Duterte, at sabay nilang sinabi roon, "Itim ngayon ang kulay ng bansa."
Mula noon ay naging bukas si Imee sa pagsuporta kay VP Duterte.
Hindi naman kaila ang pagkabuwag ng "UniTeam" nina Pangulong Marcos Jr. at VP Duterte, pati na ang masalimuot na hidwaan sa pagitan nila noon pang 2024.
DRUG ALLEGATION AGAINST PBBM
Bago pa ang pinakawalang akusasyon ni Imee laban sa Pangulo sa INC rally, una nang naghayag ng alegasyong drugs laban sa Pangulo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinawag ni Duterte si Marcos Jr. na "drug addict."
Sinabi iyon ng dating Pangulo sa isang rally sa Davao City na inorganisa ng mga tagasuporta niya noon pang January 2024.
Sinabi pa ni Duterte na noong siya ay alkalde pa lang sa Davao City ay nakita niya ang pangalan ni Ferdinand Marcos Jr. sa drugs watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Mariing pinabulaanan iyon ni Marcos Jr. noon.
Nilinaw rin ng PDEA na hindi nakasama kailanman si Pangulong Marcos sa watch list ng PDEA.
Read: Sandro Marcos, nag-react sa alegasyon ng kanyang Tita Imee
(With additional text and research by Rachelle Siazon)
