Halos lahat ng mga Pilipino ay apektado sa matinding korapsyon na nangyayari ngayon sa gobyerno.
Ito rin ang daing ng Kapuso actress na si Sanya Lopez.
Ayon kay Sanya, hindi niya ipinagmamalaki sa social media ang mga bagay na nabili niya mula sa perang pinaghihirapan.
"Hindi, kasi parang ako yung tipo ng tao na kapag anuman yung binili ko, I always keep it to myself.
"Pero sometimes, di mo maiwasan na ipu-post mo lang isang beses, dalawang beses, ganun.
"Kung malaman nila sa iyo yan, then okay. Kung hindi nila malaman, hindi mo kailangang i-brag," paliwanag niya.
Ano ang opinyon niya sa mga tinaguriang "nepo babies" na mahilig magbalandra sa social media ng kanilang mga luho.
Sila ang mga kamag-anak ng mga kontratista at pulitikong pinararatangang sangkot sa mga anomalya sa flood control projects.
Read: Camille Co cries foul after being tagged in "nepo baby" issue
Sabi ni Sanya: "As long as pinaghirapan mo yun.
"As long as pinaghirapan mo yung pera mo, walang problema doon.
"Ang mahirap, pinaghirapan ng ibang tao, that's the problem."
Ano ang nararamdaman niya sa daan-daang bilyong pisong corruption ngayon?
Pagpapakatotoo ni Sanya: "Masakit! Ang laki ng tax namin. Masakit.
"Yun talaga yung totoo. Nakakahiya.
"Nakakahiya para sa....nakakahiya na nagba-brag ka ng kahit na ano na hindi mo pinaghirapan.
"So, yun lang naman. Kami proud kami kasi lahat ng pinaghirapan ay... lahat ng meron kami, pinaghirapan namin.
"So, kung tutuusin, kung sino man nga ang merong karapatan na mag-brag ng mga kung anu-anong meron sila, lalo na sa mga luxuries na meron sila, baka siguro yung mga deserve yung mga talagang totoong naghirap, hindi yung pinaghirapan ng ibang tao."
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sanya sa gand media conference ng KMJS' Gabi ng Lagim The Movie noong Martes ng hapon, November 18, 2025, sa Hungry Neighbors restaurant Quezon City.
Kasama ni Sanya ang host ng KMJS na si Jessica Soho at mga kapwa bida sa pelikula na sina Miguel Tanfelix, Kristoffer Martin, Rocco Nacino, Therese Malvar, at Jon Lucas.

Read: Jessica Soho compares corrupt government officials to vampires
SANYA LOPEZ ON BERBALANG
Trilogy ang napapaloob na istorya sa KMJS' Gabi ng Lagim The Movie.
Ito ay ang "Pocong" na pinagbibidahan ni Miguel, ang "Sanib" na si Jillian Ward ang bida, at "Berbalang" ni Sanya.
Ano ang kuwento at karakter niya sa "Berbalang"?
Saad ng aktres: "Ang character ko dito, ako si Delilah. Isa siyang babae na misteryosa at ang daming haka-haka tungkol sa kanya.
"Kapag natapos niyo yung buong kuwento ng 'Berbalang,' doon niyo malalaman kung sino ba talaga siya."
Kahalintulad ba ng tikbalang ang berbalang?
Sagot ni Sanya, "Yung berbalang kasi, ano siya, klase siya ng aswang na kumakain siya... Di ba, ang aswang alam nating kinakain niya mga buhay?
"This time, ang berbalang, klase siya ng aswang na ang kinakain niya ay patay. So, iyon yung kaibahan ng aswang na berbalang."
Hindi raw paniwalain sa multo si Sanya.
Noong ginawa na ba niya ang "Berbalang" nakumbinsi na siya o naniwala na siyang totoo ang multo?
Sabi ni Sanya: "Nung ginagawa ko to, kasi kapag kasi binabasa ko na yung ano ko, yung character ko, yung story itself, kailangang kong maniwala.
"Kailangan kong dalhin yung sarili ko doon sa istorya mismo. Kasi kapag hindi ko ginawa yun, hindi ko magagawa nang maayos yung pinaka-character ko.
"Parang sa ibang mga characters sa ginawa ko rin, hindi naman mangyayari yun kung hindi ko siya pinaniwalaan."
Ipalalabas sa mga sinehan ang KMJS' Gabi ng Lagim The Movie simula sa November 26, 2025.
Read: Ivan Ronquillo, boyfriend of Gina Lima, found dead at home
