Trigger Warning: Mention of suicide, death
Naglabas ng pahayag ang mga awtoridad kaugnay ng pagpanaw ng freelance model-content creator na si Gina Lima.
Dito ay nilinaw nilang walang nakitang foul play sa kanyang pagkamatay.
Ngayong Miyerkules, November 19, 2025, isinapubliko ng Quezon City Police District (QCPD) ang resulta ng isinagawang initial autopsy sa bangkay ni Gina.
Ayon kay QCPD Spokesperson PMaj. Jennifer Ganaban, “non-fatal external injuries” ang nakita sa bangkay nito, ibig sabihin ay hindi namatay si Gina dahil sa bugbog.
Malaki raw ang posibilidad na natural cause ang pagkamatay ni Gina matapos makita sa autopsy report na nagkaroon ito ng heart congestion at congested and edematous lungs o paninikip ng dibdib.
Read: Who is Gina Lima, Vivamax model who suffered a tragic death?
Hinihintay pa ang resulta ng toxicology at histopathology test para malaman ang tunay na sanhi ng kanyang pagpanaw.
Narito ang kabuuang detalyeng mababasa sa medico legal ni Gina:
"The following initial findings are noted:
"Post-mortem findings: Presence of early marbling (post-mortem change), and post-mortem lividity mostly at the back.
"Autopsy findings: Presence of non-fatal external injuries; Presence of heart congestion, congested and edematous lungs.
"Collected the following specimens: Stomach content, blood, urine, vaginal swabs, and organ cut sections.
"The exact cause of death cannot be determined, pending for toxicology and
histopathology results."

GINA LIMA'S DEATH
Noong November 17, 2025, naiulat ang pagpanaw ni Gina.
Ayon sa report ng TV Patrol, mismong ang dati niyang nobyo na si Ivan Cezar Ronquillo ang nagdala kay Gina sa ospital noong Linggo ng gabi, November 16.
Ayon sa salaysay ni Ivan sa pulisya, nagkita sila ni Gina noong Sabado, November 15, at nag-inuman sa bahay ng biktima. Kinabukasan, umuwi sila sa bahay ni Ivan.
Alas-dose ng tanghali raw sila natulog, at paggising ni Ivan ng alas-otso ng gabi, natagpuan niyang unresponsive na si Gina.
Agad daw niyang dinala si Gina sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Cardiorespiratory distress ang unang inilabas na dahilan ng pagkamatay niya, ayon sa ospital.
Gayunman, isinailalim pa rin sa autopsy ang bangkay ni Gina matapos makitaan ng mga pasa at sugat sa hita, dahilan para kumalat ang haka-hakang binugbog umano siya ni Ivan—na mariin namang itinanggi ng binata nang makapanayam ng pulisya.
Read: Boyfriend ni Gina Lima may kinalaman sa pagkamatay ng sexy model?
Ivan found dead at home days after Gina’s passing
Ilang araw lamang ang lumipas, nagulantang ang marami sa panibagong trahedya — natagpuang patay si Ivan sa mismong bahay kung saan namatay si Gina.
Read: Who is Ivan Cezar Ronquillo?
Ngayong Miyerkules ng umaga, November 19, kinumpirma ni La Loma Police Station Commander Lt. Col. Jose Luis Aguirre ang pagkamatay ni Ivan.
Sa panayam ng DZRH News kay Aguirre, sinabi nitong nagbigti si Ivan sa tahanan nito.
Nagawa pa siyang isugod sa Quezon City General Hospital, at dito idineklarang wala na siyang buhay.
Ayon sa netizens na sumusubaybay sa kuwento nina Ivan at Gina, posibleng ang mga malulupit at matitinding bashing online ang isa sa mga nagtulak kay Ivan para tapusin ang sariling buhay.
Ito ay bunsod ng espekulasyong namatay si Gina dahil sa pambubugbog umano ng binata.
May ilan ding naniniwalang dahil ito sa matinding pagdadalamhati, bagay na pinatutunayan umano ng kanyang mga huling Facebook post.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na anumang pahayag ang naulilang pamilya nina Gina at Ivan.
