Trigger Warning: Mention of suicide
Patay na ang modelong si Ivan Cezar Ronquillo.
Si Ivan ang 24-anyos na nobyo ng freelance model na si Gina Lima, na pumanaw noon lamang Linggo, Nobyembre 16, 2025.
Kinumpirma ni La Loma Quezon City Police District Station Commander Lt. Col. Jose Luis Aguirre ang pagkamatay ni Ivan ngayong Miyerkules, Nobyembre 19.
Sa panayam ng DZRH News kay Aguirre, sinabi nitong nagbigti si Ivan sa tahanan nito.
Isinugod si Ivan sa Quezon City General Hospital, at dito idineklarang wala na siyang buhay.
Namatay si Ivan sa bahay na pinangyarihan din ng pagpanaw ni Gina.
Read: Who is Ivan Cezar Ronquillo?
GINA LIMA'S DEATH
Ayon sa netizens na sinusubaybayan ang kuwento nina Ivan at Gina, posibleng ang mga malulupit at matitinding online bashing ang isa sa mga nagtulak kay Ivan para tapusin ang sariling buhay.
Ito ay bunsod ng espekulasyong namatay si Gina dahil sa pambubugbog umano ni Ivan.
Ngunit sa pakikipag-usap ni Oscar Oida ng GMA Integrated News kay PLTCOL Edison Ouano, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, sinabi nitong posibleng may kinalaman sa droga ang pagpanaw ni Gina.
Wala rin daw silang nakitang mga senyales na binugbog ang nasawi.
Pahayag ni Ouano: “May tableta at saka suspected kush so pending po sa result ng laboratory exam.
“Ang initial findings, walang commotion na nangyari. Organized yung kuwarto.
“May mga konting pasa sa legs pero mga tuldok-tuldok lang.
"Tapos sa initial cursory examination ng mga investigator, pinatingnan yung leeg at saka yung sa mukha kung may signs na strangulation saka pinigilan yung paghinga.
“Ni isa, wala naman nakitang pasa.”
Isiniwalat din ni Ouano na "cardiorespiratory distress" ang lumitaw na dahilan ng pagkamatay ni Gina.
Read: Boyfriend ni Gina Lima may kinalaman sa pagkamatay ng sexy model?
IVAN RONQUILLO ALLEGEDLY ATTACKED BY GINA LIMA'S FRIENDS
Binanggit din ni Ouano na may mga kalmot sa mukha si Ivan dahil umano sa mga kaibigan ni Gina na sumugod sa ospital.
Lahad ni Ouano: “Nung nalaman ng mga kaibigan ng biktima, sumugod agad sila sa ospital.
"So, dun sila nagpang-abot ng ex-boyfriend, kinalmot ng mga kaibigan.”
Hawak daw nila ang video ng kaguluhang nangyari.
Dumating din sa ospital ang dalawang kapatid ni Gina. Pero tumanggi silang magsalita sa mga reporter kaya si Ouano na ang nagbigay ng impormasyon sa mga mamamahayag.
Saad niya: “Tinanong natin kung meron bang pagbabanta o nagsusumbong ba yung biktima na sinasaktan.
"So far, wala pa naman binabanggit yung dalawang kapatid."
Hindi rin nagpaunlak magsalita sa mga miyembro ng media ang ama ni Ivan, pero nanindigan itong walang kasalanan ang anak niya.
Ang kanyang ama ang unang tinawagan ni Ivan para hingan ng tulong nang makita niyang unresponsive na umano si Gina.
Read: Who is Gina Lima, Vivamax model who suffered a tragic death?
RONQUILLO REACTIVATES FACEBOOK ACCOUNT BEFORE HIS DEATH
Nag-deactivate si Ivan ng Facebook account nito mula nang kumalat ang balitang may kinalaman siya sa pagkamatay ni Gina.
Pero ilang oras bago tapusin ni Ivan ang sariling buhay, ni-reactivate nito ang kanyang Facebook kagabi, Nobyembre 18.
Ibinahagi ni Ivan ang mga larawan at video ng maliligayang sandali nila ni Gina.
Makikita rin sa Facebook post ni Ivan ang video ni Gina habang gumagamit ito ng nebulizer na kadalasang solusyon para guminhawa ang pakiramdam ng mga taong may hika at karamdaman sa paghinga.
RONQUILLO'S MESSAGE FOR LIMA
Kapansin-pansin din ang mensahe ni Ivan para kay Gina kung saan ipinahiwatig niyang "susunod" siya sa pinakamamahal na kasintahan.
Nakasaad dito (published as is): “Mahal na mahal kita gina
"hinding hindi ko kaya na wala ka sa tabi ko at hinding hindi ko kaya mabuhay ng wala ka
“sobrang sakit na sa tabi pa kita nawala
"hayaan mo susunod ako sayo at makakasama nakita.
"alam na natin satin dalawa na walang makapipigil sa pagmamahal natin.”
Kabilang din sa mga ibinahagi ni Ivan ang mabigat sa kaloobang panoorin na video ng kanyang pagdadalamhati habang katabi niya ang walang buhay na katawan ni Gina.
“Baby, huwag mo akong iwan. Baby ko, huwag mo akong iwan. Huwag mo akong iwan,” nananaghoy na pakiusap ni Ivan.
Ipinakita rin ni Ivan ang mga larawan at video ng mga kalmot sa kanyang mukha na epekto umano ng panunugod ng mga kaibigan ni Gina na naniniwalang sinaktan niya ang namayapang freelance model.
Partikular na binanggit ni Ivan ang isang "Kevin Tan."
Caption ni Ivan sa kanyang post: “Kay kevin tan yg maraming salamat sa ginawa mo sa mukha
"justice narin bahala sayo at maraming salamat sa pag kalat maling impormasyon"
Iyon na ang huling post ni Ivan nitong Miyerkules ng madaling-araw, Nobyembre 19.
Read: Thai model-actor Dom Petch renounces fame to become a monk
Ang depresyon ay seryosong usapin. May mga organisasyong handang tumulong sa mga taong dumaraan sa ganitong kondisyon. Katulad na lamang ng National Center for Mental Health na inilunsad ng Department of Health.
Para sa nangangailangan ng tulong, maaring tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at mobile number 0966-351-4518.