Kabilang ang award-winning broadcaster na si Jessica Soho sa hayagang bumabatikos sa nangyayaring malawakang korapsyon sa gobyerno.
Katunayan, kumurot sa damdamin ng maraming Pilipino ang spiel niyang ito sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong August 24, 2025: "Hindi pala baha ang magpapalubog sa ating bayan... kundi kasakiman."
Read: Anne, Nadine, Bianca slam blatant corruption in government
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jessica sa presson ng KMJS' Gabi ng Lagim The Movie nitong Martes ng hapon, November 17, tinanong namin kung ano ang mas nakakatakot para sa kanya: ang horror films o ang mga kurakot sa gobyerno?
Sagot niya: "Pareho, 'no. Yung mga kurakot, nakakatakot, kasi para silang mga bampira.
"Sinisipsip nila yung lahat ng resources ng bayan at ng gobyerno. Imbes na mapunta sa dapat puntahan, e, sa kanilang mga bulsa, di ba?
"Nakakainis. Yun ang nakakatakot. Pero nakakatakot din... takot rin ako sa multo."
Sa tingin niya, paano masosolusyunan ang lumalalang korapsyon sa bansa?
Ayon sa multi-awarded broadcast journalist: "Yung mga kurakot? Kailangan nating manindigan kasi tinatanong ako, di ba?
"Kami, meron kaming binabalanse lagi. Pero pagdating sa mga issues katulad ng graft and corruption, mga kurakot na yan, lahat tayo dapat magalit.
"Huwag natin hayaan na maging manhid tayo kasi sunud-sunod na at nakaka-overwhelm yung mga kinukurakot.
"Dapat iwasan natin maging manhid. Huwag tayo maging numb.
"We should stay angry. We should rage para... vigilant din, di ba?
"Manindigan tayo, magprotesta kung kinakailangan para iparamdam natin na hindi tama ito.
"Ang daming naghihirap, e, tapos kinukurakot lang nila."
Kasamang humarap ni Jessica sa mediacon ang mga bida ng KMJS' Gabi ng Lagim The Movie na sina Sanya Lopez, Miguel Tanfelix, Kristoffer Martin, Rocco Nacino, Therese Malvar, at Jon Lucas; at ang isa sa mga direktor ng pelikula na si Dodo Dayao.
Jessica Soho (fourth from right) with (from left) director Dodo Dayao, Therese Malvar, Rocco Nacino, Sanya Lopez, Miguel Tanfelix, Kristoffer Martin, and Jon Lucas.
Read: "Debut movie" ni Jessica Soho, horror trilogy hango sa KMJS
ON THE JOURNEY OF GABI NG LAGIM FROM TV TO MOVIE
Paano nabuo ang konseptong mula sa telebisyon ay tumawid sa pelikula ang Halloween special ng KMJS na "Gabi ng Lagim"?
Ayon kay Jessica: "Ano lang siya, wild idea.
"Thirteen years na naming ginagawa tong KMJS Gabi ng Lagim Halloween Special sa TV.
"E, sabi namin lang, parang, 'What if one day magkaroon tayo ng movie na Gabi Ng Lagim?' E, ito na nga yun."
Kasama ba siya sa namili ng mga istorya na itatampok sa movie version?
"Hindi. May committee. I wish, di ba?" pag-amin ni Jessica.
"Pero kasi yung mga staff ko, gusto nila ng horror genre.
"So, pinaubaya ko na sa kanila kasi mas magaling sila diyan mamili ng kung ano bang nakakatakot. Yung horror sila talaga.
"Ako, in-charge lang sa mga kurakot series, yan. Yung mga medyo serious topics, yan.
"Pero yung mga horror, aminado ako diyan. Mas magaling yung staff."
Ipalalabas sa mga sinehan ang KMJS' Gabi ng Lagim The Movie simula sa November 26.
Kaya naman mensahe ni Jessica: "Oh, hello Pepsters. Kamusta po kayo?
"Maraming salamat po sa suporta ninyo sa KMJS.
"Ngayon po naman, hinihingi ko at ang aking mga kasama ang inyong suporta dito sa aming pelikula, ang KMJS' Gabi ng Lagim The Movie.
"Maraming salamat po."
Read: Ellen Adarna set to leave Derek Ramsay's house after breakup
