Bukod kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos-Araneta, may iba pang mga pangalang binanggit si Senator Imee Marcos sa kanyang mabigat na akusasyong paggamit umano ng ipinagbabawal na gamot.
Ginawa ng senadora ang kanyang alegasyon sa huling gabi ng kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa Quirino Grandstand, Maynila, nitong Lunes, Nobyembre 17, 2025 — na nagkataon ding tinaguriang Unfriend Day.
Kabilang din sa mga pinangalanan ni Senator Imee ang ilang prominenteng personalidad sa lipunan at maging sa showbiz na malapit sa kanyang kapatid.
Ito ay sina Iñigo Zobel, Antonio “Tonyboy” Floirendo Jr., Antonio Lagdameo, Bong Daza, Edvee Cruz, at maging ang aktres na si Maricel Soriano.
Read: Senator Imee Marcos reveals alleged drug use by President Bongbong Marcos
Halos kalahating oras tumagal ang pagsisiwalat ni Senator Imee tungkol sa diumano’y masamang bisyo ng kanyang kapatid, pamilya at mga barkada nito.
Bahagi ng pahayag ng senadora: “Tulad ng ama ko, kinastigo ko ang mga barkada niya — ang nasirang si Bong Daza, si Edvee Cruz, Iñigo, Tonyboy, SAP Anton, alam po ninyo yan!
“Nagre-resign na sa takot ang mga pulis nila at staff dahil sa lumalalang bisyo.
“Inayos ko sila dahil gusto niyang ituwid ang buhay niya [Bongbong].
"Gusto niyang magbise-presidente. Hindi siya pinalad at lalong nagkaroon ng oras para sa bisyo.
"Simula noon, naging malabo sa amin ang lahat. Kesa mag-away, bigla na lamang lumayo ang loob namin sa isa’t isa."
Si Iñigo ay kabilang sa isa sa pinakamayamang angkan sa Pilipinas, ang Zobel de Ayala.
Ayon sa politiko.com, si Zobel ang chairman ng Top Frontier Investment Holdings at director sa San Miguel Corporation.
Si Tonyboy Floirendo ay anak ng tinaguriang "Banana King" na si Antonio Floirendo Sr. Ang kanilang pamilya ay nagmamay-ari ng malawak na banana plantations at ng Pearl Farm Beach resort sa Samal Island.
Si Tonyboy ay mister ni Miss Universe 1973 Margie Moran.
Si Anton Lagdameo naman ay kasalukuyang Special Assistant to the President at dating congressman ng Second District ng Davao del Norte.
Siya ay asawa ng aktres na si Dawn Zulueta.
Ang pumanaw na si Bong Daza ay isang restaurateur at businessman. Dati siyang asawa ni Miss Universe 1969 Gloria Diaz at ama ng actress-host na si Isabelle Daza.
Si Edvee Cruz ay anak ng yumaong diplomat at press secretary na si Jose Vicente “JV” Cruz.
Read: Ellen Adarna reveals husband Derek Ramsay’s alleged infidelity
DUTERTE'S WAR ON DRUGS
Ayon kay Senator Imee, sa kasagsagan ng kampanya ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga noong 2016, kasama umano sa listahan si Bongbong, ilang celebrities gaya ni Maricel, at iba pa.
Dahil sa matinding pakiusap niya noon kay Duterte ay "nailigtas" umano ng senadora ang kapatid.
Saad niya: “Noong 2016, kasabay ng kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga, lumabas ang pangalan ni Bongbong sa listahan.
“Nakasama siya sa listahan ng mga celebrities, mga artista, Maricel Soriano, at mga iba pa.
“Masinsinan kong kinausap si Pangulong Rody. Halos manik-luhod ako.
"Sinabi ko na, ayon sa kapulisan, dapat unahing usigin ang mga pusher at saka na lamang sagipin ang mga user.
“Naligtas si Bongbong."
Lahad pa ni Senator Imee: "Labis ang takot ko at pag-aalala.
"Kinausap ko siya at nagsabi siya na talagang siya ay talagang nagbabago na.
"Uli at lagi, hindi ako nawalan ng pag-asa. Ako ay naniwala ulit.
“Mula noon, ang natatanggap ko na lang na balita tungkol sa kapatid ko ay regular na nagpapadoktor kaya kumalma naman ako.
"Inisip ko totoo dahil naoperahan na ang tuhod niya sa gout. Siguro totoo na ito."
Pero natuklasan daw ni Senator Imee na patuloy pa rin umano ang paggamit ng illegal drugs ng kanyang kapatid na Presidente.
"Hanggang nito, nalaman ko na tuloy ang paggamit niya sa mga party na garapalang naghahain ng droga.
"Ipinagmamalaki pa ng mag-asawang kayang-kaya nila ang micro dosing ng cocaine. Hati-hatiin daw sa apat na beses sa isang araw, hindi mabibisto.
“Ang pagpapadoktor, pinalabas nilang pagpapa-stem cell. Nagpapalit daw ng dugo, nagpapa-blood transfusion. Kayang-kaya raw.
"Hindi ko maintindihan ang pinagsasasabi."
Read: Nic Chien, sumailalim sa breast removal surgery
ALLEGED DRUG USE IN MALACAÑANG
Ibinulgar din ni Senator Imee ang diumano’y lantarang paggamit ng mga ipinagbabawal na droga sa Malacañang Palace.
Saad niya tungkol kay President Bongbong Marcos: “Ipinaparating sa akin na hindi na siya lulong at minsan na lamang nagpa-party.
"Hindi ko maipaliwanag kung bakit gusto kong maniwala at hindi mawalan ng pag-asa."
Inamin ni Senator Imee na nang manalong Presidente si Bongbong noong 2022 elections ay lumayo na ang loob nila sa isa't isa dahil sa lantaran umanong paggamit ng illegal drugs sa loob mismo ng Palasyo.
Lahad niya: “Noong nanalo siya, naging malayo na kami sa isa’t isa.
"Maliban sa opisyal na tagpuan at kapag pumupunta yung nanay namin [Imelda Marcos], hindi ako sumama sa loob ng tatlong taon diyan sa Malacañang dahil lantaran na doon ang inuman at paggamit nila ng cocaine at mga bawal na gamot.”
Pinuna rin ni Senator Imee ang hindi na normal na pagsasalita ng Pangulo na epekto umano ng paggamit ng illegal drugs.
“Hindi ba niya nakikita, naririnig, kakaiba na siya magsalita. Hindi na maintindihan. Kung anu-ano na ang sinasabi at wala na sa sarili.
“Nagtatago sa kabaitan niya ang pang-aabuso niya sa droga at nagbunga na ito ng mga nakakapinsalang maling desisyon.
"Hinayaan niyang kumilos ang mga nakapalibot sa kanya. Yung mga umaastang presidente habang nilululong siya ng mga ito.
"Hindi na kami nagkausap. Hindi na niya alam ang nangyayari. Hindi na ipinapaalam sa kanya ang mga pangyayari.
"Sinamantala na ng mga ito ang paggamit niya ng droga.
"Kinamkam na nila ang kaban ng bayan habang ang mga dating tumatawag sa amin na magnanakaw ay nakakita ng pagkakataon na sirain ang lahat.
“Ang kabaitan ni Bongbong ay naging kalupitan. Garapalan na ang pagtatakip sa kanya ng mga nasa Congress, sa Senado, mga miyembro ng Gabinete.
"Kitang-kita ng taumbayan, wala nang puwang ang kahihiyan. Para bang nauulit ang bangungot ng kasaysayang dinanas namin noon.
“Sixty-eight years old po ang tatay ko nung pinatalsik sa puwesto. Sixty-eight years old na rin si Bongbong ngayon.”
Ang tinutukoy ni Imee ay ang pagpapatalsik sa puwesto sa kanyang ama na si dating President Ferdinand Marcos Sr. noong 1986 dahil sa EDSA People Power Revolution.
Read: Who is Gina Lima, Vivamax model who suffered a tragic death?
SENATOR IMEE'S REQUEST TO PRESIDENT BONGBONG
Sinabihan din ni Senator Imee si President Bongbong na “magpahinga” at “umuwi na sila” — na ang ibig sabihin ay bumaba na ito sa puwesto.
Aniya: "Unahin na natin ang kalusugan mo. Dahil sa addiction, nabigyan mo ng malubhang karamdaman ang buong bansang Pilipino.
“Matatanda na tayo. Sakitin na si Mommy. Alagaan na lang natin ang isa’t isa.
"Kaliwa’t kanan man ang paghuhusga sa atin, malinaw sa aking puso na dapat mauna ang Diyos, ang bayan, pamilya, at sarili.
“Hanggang sa mga oras na ito, Bonget, gusto kong malaman mo na hindi kita sinusukuan.
"Hindi ko kakayanin kung mapapahamak ka kaya hinihingi ko na tayo’y umuwi na. Mamahinga alang-alang sa iyong kalusugan.
“Kaya kong mabigo at mawala sa iyo ang posisyon pero hindi ko kayang mawala ka sa amin.
"Ayusin mo ang sarili mo. Magpagamot, alisin ang droga sa iyong sistema!
"Wala akong ibang gusto kundi gumaling ka, malampasan natin ito uli dahil wala akong ibang hinahangad bilang ate kundi maging masaya ka, maging ligtas sa panganib, malusog, matagumpay sa buhay.
“Itama ang mali. Labanan ang adiksyon. At ako, hindi kailanman aalis sa iyong tabi.”
Sinabi ng senadora na ang intensiyon niya sa pagbubulgar ng nalalaman niya tungkol sa kapatid na Pangulo ay "dahil sa tawag ng sarili kong konsyensya bilang senador, bilang kapatid, bilang Pilipino."
Sa kabila nito, may mga kumukuwestiyon sa tunay na motibo ng kanyang mga alegasyon sa Pangulo at sa Unang Ginang.
Bagamat magkadugo, hindi lingid sa kaalaman ng publiko na may hidwaan sa pagitan nina Senator Imee at Pangulong Bongbong.
Higit sa personal na alitan ay magkasalungat din sila pagdating sa pulitika.
Umanib si Senator Imee sa kampo ni Vice-President Sara Duterte.
Noong 2022 Philippine presidential election ay nagsanib-puwersa sina Bongbong at Sara, at landslide ang kanilang panalo laban sa mga katunggali.
Ngunit hindi nagtagal ay nabuwag ang kanilang UniTeam, na inendorso noon ng Iglesia Ni Cristo.
Sa 2028 elections ay hinihinalang sina Sara at Imee naman ang magsasanib-puwersa at kakandidato bilang Presidente at Bise-Presidente.
Read: Kris Aquino denies two-timing ex-boyfriend Anjo Yllana: "Wala siyang kasabay."