Nagpakawala ng mabigat na alegasyon si Senator Imee Marcos laban sa sariling kapatid na si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at asawa nitong si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ayon sa senadora, gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot ang Pangulo at ang Unang Ginang.
Sinabi ito ni Senator Imee sa kanyang talumpati sa ikalawang araw ng Transparency For A Better Democracy sa Quirino Grandstand, sa Maynila, ngayong Lunes, Nobyembre 17, 2025.
Ang kilos-protesta ay dinaluhan ng mahigit isandaang libong miyembro ng Iglesia Ni Cristo.
Hindi raw madali para kay Senator Imee ang magsalita dahil sa kanyang kaugnayan kay Pangulong Marcos.
Read: Claire Castro at Malou Tiquia, nagsagutan sa national TV
Saad niya: “Napakahirap po ang pumunta, tumayo, at magsalita sa inyong harapan. Pero noon pa man, alam kong walang madali kapag ikaw ay Marcos.
“Nanginginig ako at ang aking boses, hindi dahil ako’y natatakot sa inyo kundi dahil nalulungkot po ako.
"Ipagpaumanhin po ninyo kung sa gitna ng pagsasalita ko, ako’y hihinto, hihinga dahil sa bigat ng aking kalooban.
“Pero hindi iyan ang dapat kong ihingi ng paumanhin. Hindi yan ang kasalanan ko sa bayan na dapat na ihingi ko ng tawad.
“Narito po ako dahil sa tawag ng Iglesia Ni Cristo para sa transparency, accountability, at hustisya.
“At dahil sa tawag ng sarili kong konsyensya bilang senador, bilang kapatid, bilang Pilipino."
Read: The long shadow of Juan Ponce Enrile in Philippine politics
IMEE MARCOS ON BROTHER PBBM'S ALLEGED DRUG USE
Kasunod nito ay tahasang sinabi ni Imee na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang kapatid.
“Bata pa lang kami ni Bongbong, alam na ng buong pamilya ang problema sa kanya,” pasakalye ni Senator Imee, na sinalubong ng malakas na hiyawan ng mga tao sa Quirino Grandstand na nakikinig sa kanyang talumpati.
Saad pa niya tungkol sa nakababatang kapatid: “Sa totoo lang, mababasa naman ng lahat ang mga testimonya ng aking ama patungkol sa kanyang ugali at gawain.
“Noon, dahil may tatay pa kami, hindi ko pa siya responsibilidad. Noong tumatanda ay mas naging nakakabahala."
Sina Senator Imee at Pangulong Bongbong ay dalawa sa tatlong anak ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dito na pinakawalan ng senadora ang pasabog na rebelasyon tungkol umano sa kapatid.
“Batid ko na nagda-drugs siya!” pagbubunyag ni Senator Imee.
Dahil sa kanyang sinabi ay lalong umalingawngaw ang malakas na sigawan ng mga miyembro ng INC.
Pagpapatuloy niya: “Nalaman ko at ng pamilya, nalaman ng pamilya, seryoso ito.
"Minsan kami ng presidential guard at ng Metrocom pa ang naglilinis tuwing nagpa-party po sila."
Ang "Metrocom" ay ang dating Philippine Constabulary Metropolitan Command, ang kinatatakutang military unit noong rehimen ni Marcos Sr.
Read: Senator Risa Hontiveros sentimental over eldest son's engagement
IMEE ALSO MENTIONS FIRST LADY LIZA MARCOS
Direkta ring pinangalanan ni Senator Imee si First Lady Liza Marcos na kasama rin umano ni Pangulong Bongbong Marcos na gumagamit ng droga.
Lahad niya: “Namuhay kaming magkakapatid sa ibang bansa, kami-kami lang.
"Kinumbinsi ko pa si Bongbong, 'Pakasalan mo na si Liza.'
"Naisip ko noon, kapag nag-asawa siya, malalagay na sa tahimik at magkakaroon ng direksyon.
"Ang laki ng pagkakamali ko, mas lumala ang kanyang paglulong, pagkalulong sa droga. Parehas pala silang mag-asawa!”
Ayon pa kay Senator Imee, kinumpronta at kinastigo raw niya ang kapatid, pati na ang mga barkada nito, tungkol sa kanilang paggamit ng droga.
“Naging gobernador siya ng Ilocos, alam ng mga tao doon na halos hindi siya pumapasok.
"Tuwing kokomprontahin ko siya ay nagsasabi siyang magbabago na siya, aalisin na niya ang bisyo.
"Hanggang may nagsumbong na naman sa akin na sa paggising pa lang sa umaga, kasabay ng almusal, marijuana pala!
“Maghapon sila, lahat sila nag-iinuman at gumagamit ng cocaine, kasama ng asawa at barkada.
"Tulad ng ama ko, kinastigo ko ang mga barkada niya," kuwento niya.
Inisa-isa rin ni Senator Imee ang pangalan ng mga kasama umano ng kanyang kapatid sa paggamit ng ilegal na droga.
Ayon pa kay Senator Imee, sa gitna ng kampanya ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga noong 2016, lumabas umano sa listahan ang pangalan ni Pangulong Bongbong sa listahan, kasama ang aktres na si "Maricel Soriano" at iba pang celebrities
Sinabi ng senadora na ang intensiyon niya sa pagbubulgar ng nalalaman niya tungkol sa kapatid na Pangulo ay "dahil sa tawag ng sarili kong konsyensya bilang senador, bilang kapatid, bilang Pilipino."
Sa kabila nito, may mga kumukuwestiyon sa tunay na motibo ng kanyang mga alegasyon sa Pangulo at sa Unang Ginang.
Bagamat magkadugo, hindi lingid sa kaalaman ng publiko na may hidwaan sa pagitan nina Senator Imee at Pangulong Bongbong.
Higit sa personal na alitan ay magkasalungat din sila pagdating sa politika.
Umanib si Senator Imee sa kampo ni Vice-President Sara Duterte.
Noong 2022 Philippine presidential election ay nagsanib-puwersa sina Bongbong at Sara, at landslide ang kanilang panalo laban sa mga katunggali.
Ngunit hindi nagtagal ay nabuwag ang kanilang UniTeam, na inendorso noon ng Iglesia Ni Cristo.
At press time ay hindi pa naglalabas ng pahayag ang Malacañang kaugnay ng mga alegasyon ni Senator Imee Marcos.
Read: Zaldy Co tags Marcos, Romualdez as mastermind of bicam insertions