Malaki ang kinalaman at hindi matatawaran ang suportang ibinigay ni Jeric Raval sa desisyon ng kanyang anak na si AJ Raval na aminin nito sa publiko ang pagkakaroon ng limang anak.
Ipinagmaneho at sinamahan ni Jeric si AJ sa guesting ng aktres sa Fast Talk With Boy Abunda noong Miyerkules, Nobyembre 12, 2025.
Dahil sa mabagal na daloy ng trapiko sa Timog Avenue, Quezon City, pinababa ni Jeric sa sasakyan si AJ.
Naglakad na lamang si AJ mula sa kanto ng Sgt. Esguerra Avenue papunta sa GMA Network building para hindi ma-late ng dating sa studio.
Read: AJ Raval, nag-post ng mga litrato ng anak nila ni Aljur Abrenica?
JERIC RAVAL JOINS DAUGHTER AJ IN HER INTERVIEW WITH BOY ABUNDA
Wala sa planong kasama si Jeric sa panayam ni Boy Abunda kay AJ, pero nagpaunlak siyang sumali at magsalita sa biglaang ikalawang bahagi ng interbyu sa kanyang anak.
Napanood ang panayam sa mag-ama sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda ngayong Huwebes ng hapon, Nobyembre 13, 2025.
Lahad ni Jeric: “Bago kami mag-guest dito, ang sinabi ko naman kay AJ, 'Kailangan i-ready mo na yung sarili mo and, once and for all, para matapos na ang mga ganyan na usapin, sabihin mo na.'
“Wala naman masama saka kawawa naman yung mga bata kung itinatago.
“Okay na yung sabihin lahat. So, yun lang."
Ibinahagi rin ni Jeric na muntik nang umatras si AJ sa interview.
"Actually, kagabi muntik pa siyang mag-back out. Magba-back out daw siya.
"Sabi ko, 'Huwag. Wala naman dapat ikatakot diyan. Maganda na yung ganyan. Matapos lang yung kuwento na yan,'" saad ni Jeric nang itanong ang kanyang reaksiyon tungkol sa pag-amin na ginawa ni AJ.
Lima na ang anak ng 25-anyos na si AJ — dalawa mula sa dati niyang karelasyon, at tatlo sa kinakasama niya ngayong si Aljur Abrenica.
Sa limang anak ni AJ ay pumanaw na ang pangalawa sa edad lamang na isa.
Read: AJ Raval, umaming lima na ang anak; tatlo kay Aljur Abrenica

JERIC AND AJ'S ENTRY TO SHOWBIZ
Halos pareho ang kuwento ng pagsisimula ng showbiz careers ng mag-ama.
May asawa at mga anak na si Jeric nang maging artista siya noong 1992, pero inilihim ng kanyang mother studio, ang OctoArts Films, ang kanyang tunay na estado.
Alam ng OctoArts Films producer na si Orly Ilacad na may pamilya na si Jeric noon.
Read: Jeric Raval, hindi kabisado ang pangalan ng 18 anak niya: “Ang dami kasi! Senior citizen na!”
Hindi rin lingid sa kaalaman ni Viva Films producer Vic del Rosario na may anak na si AJ nang pumirma ito ng exclusive contract sa movie company niya.
Sa tunay na buhay, magpinsan sina Boss Orly at Boss Vic.
“Mas matagal sila itinago,” sabi ni Jeric kay Boy tungkol sa kanyang mga anak na inilihim noong siya ang pambatong action star ng OctoArts Films.
“Iba kasi yung panahon noon, iba yung ngayon. Yung noon, madaling itago dahil wala naman cellphone, walang camera, etcetera.
“E, ngayon kapag itinatago mo yan at nakita, halimbawa, naggo-grocery kayo, nagpunta kayo ng Boracay, nakikita yung mga bata. Pinipiktyuran kayo.
“So, kung tuloy mong idine-deny yan, lilitaw lang na sinungaling, saka kawawa naman yung mga bata.”
Read: Jeric Raval, inaming dalawa na ang apo kina AJ at Aljur
JERIC RAVAL DENIES BEING KUNSINTIDOR
Kinontra naman ni Jeric ang paratang na kunsintidor siyang ama.
Pagtatanggol niya sa sarili: “Actually, mahigpit nga ako.
"Kaya lang, sabi ko nga, paulit-ulit kong sinasabi, pagdating sa buhay pag-ibig ng anak ko, kahit sino sa ating mga magulang, hindi na natin saklaw iyon. Siya ang pipili, hindi tayo.
“Siyempre, at first, hinihigpitan ko si AJ. Yung mga una niyang manliligaw, kinokontrol ko.
"Merong nanligaw diyan, artista rin, sabi ko, ‘Nililigawan mo ba yung anak ko?’
“‘Hindi po, kaibigan lang.’ 'Ah okay. Very good. Good answer.’ Yun ang sinabi ko.
"Si Aljur, ang nagustuhan ko lang kay Aljur, pinuntahan niya ako sa presscon.
"Nasa PDEA office ako. Sabi niya, ‘Puwede ko po kayong makausap?’
“Binuksan niya yung about AJ. Mabait naman si Aljur, meron siyang sense of responsibility. Yun naman ang tinitingnan ko sa tao.”
Maraming anak si Jeric sa iba’t ibang babae, at sa pagkakaalam ng publiko, labingwalo (18) ang bilang ng kanyang mga anak.
Ayaw na ayaw raw ni Jeric na tinatawag na half-sister o half-brother ng kanyang mga anak ang isa't isa.
“Walang half-sister, walang half-brother,” paglilinaw ni Jeric.
“Yun ang kinalakihan ko sa tatay ko. Actually, marami kaming magkakapatid.
“Sabi niya, ‘Yung mga kapatid ninyo, huwag ninyong tinatawag na half-brother. Walang ganoon. Magkakapatid kayong buo.’
“So, yun ang doctrine ko sa kanila. Kasi kaming magkakapatid, isang bahay lang ang kinalakihan namin.
“Close naman kami. In fact, magkakabarkada kaming magkakapatid maski iba-iba kami ng nanay.”
Nang matapos ang panayam ni Boy sa mag-ama, lubos ang pasasalamat ni Jeric dahil ang Fast Talk With Boy Abunda ang naging instrumento raw para maging malaya na ang kanyang anak.
“Nagpapasalamat din ako Kuya Boy dahil sa pamamagitan ng Fast Talk, nakita ni AJ yung freedom,” sabi ni Jeric.
Read: Jeric Raval: "Kung maibabalik ko yung panahon, hindi na ako mag-aanak ng marami."