Nanindigan si Mayor Vico Sotto na tututukan niya ang pagsugpo sa aniya'y korapsyon sa ilang barangay sa Pasig City.
Diretsong binanggit ni Vico ang diumano'y maling sistemang ipinatutupad ng ilang barangay officials sa kanyang nasasakupang lugar.
Sa kanyang Facebook kagabi, October 13, 2025, inihayag ni Vico na may mga inihahandang legal na aksyon laban sa mga tinawag niyang "dishonest" barangay officials.
Saad ni Mayor Vico: "No offense meant to our honest barangays — marami rin sila. But offense meant to our dishonest ones.
"Mula 2019, pinaglaban natin ang mas maayos na pamamahala; nag-focus tayo sa Pamahalaang Lungsod (CITY GOVT).
"Ngayong 2025, lalabanan na rin natin ang mga luma't corrupt na kalakaran sa Pamahalaang BARANGAY.
"Kahit may pinagmamalaki pa ang ilan sa kanila na may protektor daw sila na COA Commissioner, hindi tayo magpapasindak.
"Admin cases have been initiated against a number of barangays and criminal cases are being prepared as we speak.
"Hanggang sa dulo ang laban na 'to."
Mababasa ito sa comments section ng video clip na kuha mula sa State of the City Address (SOCA) ni Vico.
Read: Philippine Flood Control Corruption: A Timeline
VICO SOTTO MENTIONS PROBLEM WITH SOME BARANGAY OFFICIALS
Sa dulo ng kanyang SOCA ay inihayag ni Mayor Vico ang plano ng kanyang administrasyong ayusin ang paggugubyerno sa barangay level.
Sa puntong ito, binanggit ni Vico na nakarating sa kanya ang diumano'y maling kalakaran na ipinatutupad ng ilang barangay officials.
"Wag tayong tumingin sa masyadong malayo. Ayusin muna natin ang nasa bakuran natin. Ayusin muna natin kung ano yung nasasakupan natin.
"Hinihikayat ko po ang ating mga barangay officials, mag-ayus-ayos naman po tayo.
"Hindi ko po nilalahat. Marami na akong nakitang mga barangay na maayos, maganda ang serbisyo.
"Pero wag na rin po tayo maglokohan. Marami sa mga opisyales natin sa barangay, alam na po natin kung ano ang ginagawa.
"Wag kayong magmamalaki sa 'kin na malakas kayo kay COA [Commission on Audit] Commissioner [Mario] Lipana. Gagawin natin kung ano ang tama sa lungsod ng Pasig."
Base sa tinuran ni Vico, ipinahiwatig nitong hindi niya palalampasin ang sistema ng padrino o palakasan para ilusot ang maling gawain.
Sabi pa niya: "Akala niyo hindi ko alam? Maaaring sinasabi ng iba, 'Sagot ako ni Commissioner' dahil yung tao niya, siya yung nagpi-finance.
"Wag na tayo magpatumpik-tumpik pa. Yung anak niya, nagpi-finance sa mga barangay at sa SKs [Sangguniang Kabataan].
"Enough is enough. We will stand up for what is right in the city of Pasig."
Kumpiyansa si Vico na mapagtatagumpayan niya ang pagsasaayos ng kalakaran sa barangay level, tulad ng pundasyon ng "transparent" at "good governance" na nailatag daw niya sa Pasig City.
"Hindi naging madali. Tinaya natin, buhay natin mismo," diin ni Vico.
Pagpapatuloy niya: "Pero aaminin ko na sa paglilinis natin ng ating pamahalaan, naka-focus tayo sa ating city government o lokal na pamahalaan, pamahalaang lungsod.
"Hindi natin masyado natutukan ang ating mga pamahalaang barangay.
"But now, with the supportive city council, with an honest vice-mayor [Dodot Jaworski], with our councilors who have proven their integrity, and not just integrity but willingness to fight for good governance, mas matututukan na natin ngayon ang mga pamahalaang barangay."
Read: Vico Sotto warns public not to be deceived by Discayas' lies
VICO SOTTO SAYS NO TO COMPLACENCY
Paalala rin niya, hindi sapat na maganda na ang nasimulan sa Pasig City, base sa accomplishments ng kanyang administrasyon na iprinisinta niya sa kanyang city address.
Hindi raw dapat maging kampante.
"Sana regular nating tinatanong din ang ating mga sarili: 'Nag-i-innovate pa ba ako? Nagsisikap pa ba ako na pagandahin pa ang trabaho ko at ng opisina ko, o naging kampante na ba ako dahil maganda naman yung performance?
"'Puwede ko pa bang pabilisin ang aksyon ng aking opisina? Ano pa ba yung puwede kong gawin?'
"Sa ating mga konsehal, tanungin natin ang ating mga sarili: 'Lagi pa bang nangingibabaw ang interes ng nakararami or nahahaluan na ba nang masyado ng pulitika ang aking mga desisyon, ang mga polisiya na aking sinusulong?'
"Sa ating mga barangay officials, sama na po natin yung SK, pero lalo na sa ating mga barangay officials, tanungin po natin ang ating sarili: 'Nakikiisa ba ako sa pagpapatupad ng mabuting paggugubyerno o gumagamit pa rin ba ako ng financer at hawak ko yung pera ng barangay?'
"Ito na po yung mga kailangan nating tanungin sa ating mga sarili.
"Mula 2019, nagpakilala tayo ng matitinding pagbabago. Muli po, marami sa ginawa natin ay sinabi noon na imposible, na hindi mo magagawa yan, na hindi niyo kayang gawin yan, pero napagtagumpayan po natin..."
Ang huling katanungang iniwan ni Vico sa mga Pasigueño: "Now the question is, how fast and how far can we go?"
Kasabay ng mga maanomalyang flood-control projects na iniimbestigahan pa rin sa Senado, umaasa si Vico na sa lungsod ng Pasig ay magagapi ang mga aniya'y maling gawain.
"Hindi po ito para sa akin. Hindi ito para sa amin. Hindi ito para sa kahit sinong isang tao o indibidwal.
"Ito po ay para sa lungsod natin, para sa mamamayang Pasigueño at para na rin mamamayang Pilipino."
Read: NETIZENS REACT: Vico Sotto praised for mura, de-kalidad go bags
