Umabot na sa dalawampu't isa (21) ang bilang ng pangalang inirekomendang kasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot nila sa maanomalyang flood control projects.
Ngayong Biyernes, September 26, 2025, inilabas ng Department of Justice (DOJ) ang listahan ng mga nasabing indibidwal.
Nangunguna sa listahan ang pangalan nina Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co, Senator Chiz Escudero, Senator Joel Villanueva, Senator Jinggoy Estrada, at dating Senator Bong Revilla.
Read: Revilla, Estrada, Villanueva, Co deny kickback allegations
Kasama rin sa iimbestigahan at kakasuhan ang mga kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina dating Undersecretary Roberto Bernardo, dismissed Bulacan First District engineer Henry Alcantara, dismissed Bulacan First District assisitant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Sangkot din ang DPWH project engineer na sina Arjay Domasig at John Carlo Rivera, DPWH driver Andrei Balatbat, at DPWH finance section accountant Juanito Mendoza.
Read: Escudero, Binay deny involvement in flood control corruption
Nasa listahan din si former Caloocan Representative Mitch Cajayon-Uy, at kontraktor na sina SYMS Construction Trading owner Sally Nicolas Santos at Jesse Mahusay ng Jelsie Construction and Supply Inc.
Dawit din sina Alias Beng Ramos, Alias Mina, Maynard Ngu, Carleen Villa, at Linda Victoria Macanas.
Read: Donny Pangilinan gives P300K to kariton vendors on It’s Showtime
Ang mga nabanggit ay haharap sa mga kasong kriminal dahil sa umano’y paglabag nila sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, indirect bribery, at malversation of public funds.
Ito'y kasunod ng mga sinumpaang salaysay ng DPWH officials na sina Bernardo, Alcantara, Hernandez, at Mendoza nang humarap sila sa Senate Blue Ribbon Committee inquiry nitong mga nagdaang araw.
Pahayag ng DOJ: "Their statements provided the basis for identifying these individuals as having sufficient preliminary links to the acts under investigation.
"Let it be clear: inclusion in the NBI's recommendation is not a matter of speculation or rumor. It is the result of sworn testimony under oath.
"If names have circulated outside of these affidavits, those are not recognized by the DOJ or the NBI until such time that they are sworn to under proper proceedings."

WHY ARE Martin Romualdez, Nancy Binay not on THE list?
Ilang sandali makaraang ilabas ng DOJ ang kanilang listahan ay agad kinuwestiyon ang hindi pagsama ng pangalan nina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Senador at ngayo'y Makati City Mayor Nancy Binay.
Sina Romualdez at Binay ay kapwa pinangalanang nakakuha umano ng kickback sa flood control projects sa mga nagdaang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee.
Sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo nitong Huwebes, September 25, tinukoy niya si Binay, kasama sina Escudero at Revilla, na tumanggap umano ng milyun-milyong porsyento mula sa pondo ng flood control projects.
Read: Bong Revilla, Martin Romualdez strongly deny allegations
Sa parehong araw rin nadiin ang pangalan ni Romualdez nang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee si Orly Guteza, dating marine at miyembro umano ng security staff ni Congressman Co.
Sa kanyang pagharap, kinanta ni Guteza ang kanyang nalalaman tungkol sa pagde-deliver nila umano ng male-maletang "basura" sa bahay nina Co at Romualdez.
Ang tinutukoy niyang "basura" ay iyong milyun-milyong pisong halaga na nakalagay sa mga maleta.
Ito ang unang pagkakataong may resource person sa Senate hearing na pinangalanan si Romualdez na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects
Read: Ellis Co speaks out against his father Congressman Zaldy Co
Paliwanag dito ng DOJ secretary, tanging sinumpaang salaysay pa lamang ni Orly Guteza, na dating security consultant umano ni Zaldy Co, ang lumalabas laban kay Romualdez.
Hindi pa raw ito sapat na basehan para ipagkanulong may kaugnayan nga ang dating House Speaker sa mga alegasyon sa kanya.
Dagdag pa niya, hindi rin sumipot si Guteza sa nakatakdang appointment sa DOJ ngayong Biyernes, September 26, kaya't hindi pa sila nakakakuha ng sapat na ebidensiya para isama sa listahan si Romualdez.
Halos ganito rin ang naging tugon ni Remulla patungkol sa hindi pagsama sa listahan kay Mayor Binay.
Ngunit paglilinaw at pagtitiyak ni Remulla, inaasahang madaragdagan pa ang listahan ng mga posibleng sampahan ng kaso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Read: Agot Isidro, Karen Davila angry over "basura" code for kickbacks
