Nagkaroon ng balitaktakan ang action star-turned-senator na si Robin Padilla at ang broadcast journalist-turned-senator na si Erwin Tulfo sa Senate plenary noong Martes, Setyembre 23, 2025.
Nag-ugat ito sa isang pahayag ni Tulfo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa malaking halaga ng pera na ninakaw umano ng mga mambabatas, kontratista, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa pondo ng flood control projects.
Sabi ni Tulfo: “Sometimes you have to bend the law! Ibalik ang pera!”
Read: Revilla, Estrada, Villanueva, Co deny receiving flood control kickbacks
Pinakawalan ni Tulfo ang kanyang kontrobersiyal na pangungusap matapos ang palitan ng salita nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Senator Rodante Marcoleta tungkol sa pagbabalik ng mga ninakaw na pera ng mga personalidad na sangkot sa usapin pero nagnanais maging saksi at mabigyan ng proteksiyon sa ilalim ng Witness Protection Program.
Iginiit ni Marcoleta na wala sa batas ang pagbabalik ng ninakaw na pera bago isama sa Witness Protection Program ang mga aplikante.
Pero sinabi ni Remulla na ito ay isang bagay na maaaring hilingin ng gobyerno para sa isang magandang layunin.
Read: Placards, punchlines steal the scene at Trillion Peso March
SENATOR ROBIN PADILLA'S MANIFESTATION
Hindi sang-ayon si Senator Robin Padilla sa binitiwang salita ni Tulfo, at ito ang pinag-ugatan ng kanyang manifestation sa Senate plenary.
Saad niya: “Nais ko lamang magpahayag ng saloobin hinggil po sa ilang mga pahayag sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na lubhang nakakabahala po, na tila nagpaparating na maaari nating isantabi ang umiiral na batas upang magbigay-daan sa ikasisiya ng taumbayan.
“Bagamat lubos ko pong nauunawaan ang paningibabaw ng kalooban ng taumbayan, meron po tayong mga demokratikong mekanismo upang isakatuparan ito.
“Isipin natin ang posibleng maging epekto nito sa ating mga komunidad, lalo na po sa mga lugar na matagal na pong pinagsisikapang itaguyod ang kapayapaan at kaayusan.
“Halimbawa na lang po sa Mindanao, patuloy po tayong nagpapaalaala sa ating mga kababayan doon na sumunod sa batas.
"Na ang batas ay para sa lahat. Ang batas ay hindi hadlang sa kalayaan. Ito ang saligan ng isang sibilisado at maayos na lipunan.
“Ito ang nagbibigay sa atin ng proteksiyon. Nagtatakda ng ating mga karapatan at nagpapanatili ng kapayapaan."
Read: Vice Ganda to corrupt politicians: "P.I. ninyo!"
Pagpapaalala pa ng actor-politician: “Bilang mga mambabatas, tayo po ang dapat na unang tagapagtanggol ng batas, hindi ang unang lilihis.
"Hindi din natin dapat ipagsapalaran ang tiwala ng mamamayan sa ating mga institusyon at makibahagi sa pagpapalabo sa hangganan ng tama at maling gawi sa tuwing may matinding suliranin na sumusubok sa ating diwa bilang isang nasyon.
“Kaya buong-puso po akong nakikiusap, nananawagan sa mga opisyal ng pamahalaan at sa mga kasama po sa kapulungang ito.
“Hindi po pare-pareho ang sitwasyon natin. Hindi po pareho ang Luzon sa Visayas at sa Mindanao.
"Meron pong mga katulad natin na umiikot sa mga liblib na lugar at nagpapakilala po ng batas na dapat sundin.
“Napakalungkot po kung ganito ang ating pagbibitaw ng mga salita na we can bend the law.
"Ipakita po natin na ang kalooban ng taumbayan ay maaaring maisakatuparan ng alinsunod sa balangkas ng makatarungang pag-iiral ng batas.”
Read: Philippine Flood Control Corruption: A Timeline
SENATOR ERWIN TULFO'S EXPLANATION
Kaagad itong sinagot ni Senator Erwin Tulfo.
Pag-amin niya: "I was the one who said this morning that sometimes, we have to bend the law."
Kasunod nito ay inilatag niya ang mga dahilan ng kanyang binitawang pahayag.
"We don’t have to but the point is there’s a Latin word that says Vox Populi, Vox Dei. The voice of the people is the voice of God.
“Let me ask you Mr. President [Senate President Pro Tempore Ping Lacson], is our law higher than the voice of God? Is our law higher than the voice of the people?
“The law is supposed to protect the people. What we are asking is the return on the value of good faith.
"I understand what the gentleman from Pampanga [Senator Marcoleta] was saying that it is not a requisite to return the money na kinuha po ng mga contractor, ng mga kumita po sa flood control projects.
“Tama po yon, hindi po, at meron pong proseso na sinusunod tayo na kailangan sundin kapag gumulong na yung batas, hayaan na ang korte na magsabi.
“Tens of thousands of people went out last Sunday. Narinig ko po, hindi ko alam kung yung mga kasama natin narinig, narinig ko po yung sigaw ng taumbayan, 'Ibalik ang pera namin!'
"Malinaw po and I was asked by a reporter, an interview, 'Your comment?’
“I said the message is loud and clear. Ayusin natin sa gobyerno ang ating mga trabaho. Iwasan pong mahulog sa korapsyon."
Read: Maine Mendoza: Arjo Atayde not capable of stealing people's money
Pagpapatuloy ni Tulfo: “The people are demanding that these people, contractors, DPWH officials, including politicians who made wealth, kumita pa sa flood control, na kung maaari isoli nila ang kanilang ninakaw sa bayan.
“And I think that it’s the right thing to do.
"Ang problema kasi kung susundin natin ang batas, alam naman po natin na ang pagdinig sa ating bayan ay buwan at taon ang inaabot.
“Baka po pagdating sa dulo, wala na pong makuha ang gobyerno sa mga taong ito.
"My only point is the people were asking. The people are demanding. Isoli yung pera na ninakaw sa kanila.
"Meron po tayong batas, true enough. I don’t disagree. There is, 'ika nga, a process, may proseso, tama din po.
“Papaano naman po yung sigaw ng taumbayan? How can we pacify the clamor, the anger of the population?
“I have no answer. My only answer is isoli po ninyo ang inyong ninakaw. No ifs and buts.
"Ang sinasabi lang po ng DOJ, kakausapin po nila ang mga taong ito kung puwede isoli. Wala naman pong sinabi ang DOJ, 'Ito ang batas, kailangan po ninyong isoli yan.'
“The DOJ secretary himself said they will ask but they will not force it.
"Depende, mas mabuti raw kung kusang-loob nilang i-surrender yung pera. Wala naman pong nagbabawal sa batas na magbalik ng ninakaw.
“There’s no such thing dahil alam ko po meron tayong process, we have procedures, but my only point is, whether I’m right or wrong, I stand to the wishes of the public, of the Filipino people—ibalik ang perang ninakaw sa kanila.
"Period, Mr. President."
Read: Curlee Discaya claims politicians, 120M Filipinos want them dead
SENATOR PADILLA'S REBUTTAL
Hindi pinalampas ni Padilla ang mga sinabi ni Tulfo dahil muli siyang tumayo at nagsalita.
Sabi ni Padilla: "Napakaganda po ng mga punto na binitiwan ng ating hinahangaan na si Senator Erwin Tulfo. Ngunit alam ninyo po, merong historical injustice na nangyari sa mga Bangsamoro.
“Kung ang usapin po natin ay sisingilin natin ang Inang Bayan sa mga utang nito sa Bangsamoro at hindi natin padadaanin sa batas, e, para saan po yung BARMM [Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao] Law?
“Mapupunta na lang po kami sa gulo. Mapupunta na lang po ito sa paniningil na, 'Hindi, kailangan magbayad. Kailangan ngayon na.'
“Kailangan po, dumaan tayo sa proseso. Ang atin pong Saligang Batas ay malinaw na nagsasabi na may due process."
"Kung ang argumento po natin ay makikinig sa sinasabing ‘Ngayon na! Ngayon na!’ E, teka muna po. Marami po ang maliligaw katulad po ng ating mga kasamang artista.”
Ginamit na halimbawa ni Padilla ang mga artistang ayaw na umanong magbayad ng buwis dahil sa sumambulat na korapsyon sa pamahalaan.
Read: Vice Ganda slams corrupt government officials anew
Saad niya: "Halimbawa, sinasabi nila, ‘Kung ganyan aba, e, huwag na tayong magbayad ng tax!’
"E, papaano po ang gagawin natin? Papayagan po ba natin na ang mga artista ngayon, huwag nang magbayad ng tax dahil yun ang boses nila? Yun ang voice of God? Yun ang voice of the people?
“Ang gusto ng mga tao, lahat ng mga tao ngayon, ayaw nang magbayad ng tax dahil sa nangyayaring ito.
"Ang gusto ko lang pong linawin, tama po, naniniwala po ako na ang tao ay galit na.
“Dapat lang po silang magalit. Marami na talagang ghost projects. Ang dami na pong nangyayaring ito.
"Pero sana po, intindihin po natin din yung mga kababayan natin sa malalayong lugar na humahanap ng hustisya.
“Madami pong mga kababayan natin katulad ng mga katutubo na humihingi din po ng hustisya yan.
"Pero idinadaan po natin sa batas ang pagnanakaw sa kanilang mga lupain. Ang pagnanakaw sa mineral resources nila.
"Pero lagi nating sinasabi, may batas tayong dapat sundin.”
Punto pa ni Padilla: "E, papaano kung isang araw, gusto din nila ng anarchy?
"Gusto din nila na magkagulo? Gusto nila na lumusob sa Malakanyang, pumunta ng Mendiola?
“Yun po ang mga bagay po na dapat din po nating isipin.
"Ako po’y hindi kontra kahit kanino dito. Ako po’y number one supporter ng lahat ng nandito.
"Pero pagdating po sa usapin na tayo’y magkakaroon na naman ng pag-aaklas, dalawampung taon na po ako sa Mindanao.
“Alam po yan ng kapatid ko na si Senator Migz Zubiri na umiikot diyan sa mga liblib na lugar para kumbinsihin ang mga tao na sumunod tayo sa batas. Yun lamang po .
"Mga senador tayo, gumagawa tayo ng batas. Ang batas kailangang sundin natin, tayo mismo!”
Read: Celebrities make their voices heard at nationwide protest rally