Sinagot ni Heart Evangelista ang mga isyung ipinupukol sa kanya sa pamamagitan ng Instagram Live nitong Martes, September 23, 2025.
Hindi man tinukoy ni Heart, malinaw sa mga pahayag niya na nag-ugat ang mga batikos sa kanya sa pagkakadawit sa asawa niyang si Senator Chiz Escudero sa anomalous flood control projects.
Noong nakaraang buwan, nasangkot si Chiz sa isyu.
Ang kaibigan at campaign donor ni Chiz na si Lawrence Lubiano ay contractor na nagmamay-ari ng Centerways Construction and Development, isa sa 15 construction companies na pinangalanan ni President Ferdinand Marcos Jr. na sangkot umano sa bilyun-bilyong pisong halaga ng flood control projects.
Inamin ni Escudero na nakatanggap siya ng PHP30 million campaign donation mula kay Lubiano, pero itinangging tinulungan niya ang contractor na makakuha ng flood control projects.
Dahil sa pagkakasangkot kay Chiz, inulan ng kritisismo si Heart, na kilala sa kanyang social media posts na nagpapakita ng lavish lifestyle.
Read: Mika Salamanca apologizes, unfollows Kitty Duterte on Instagram
HEART EXPLAINS PRENUP WITH CHIZ
Sa simula ng kanyang livestream, binigyang diin ni Heart na pinaghirapan niya ang kanyang narating at ang magandang estado sa buhay.
Subalit ang mga akusasyong ibinabato kay Heart ay hindi nabago.
Sa mga sumusubaybay kay Heart sa social media, dati nang kinukuwestiyon ng ibang kritiko ang madalas na pag-travel ng aktres abroad, tulad ng kanyang pagdalo sa mga international fashion week events.
Pero kadalasan ay hindi na nagre-react dito ang aktres.
Hanggang sa madawit kamakailan ang asawang si Chiz sa kontrobersiya ng korapsyon sa flood control projects. Mas naging madalas at mas dumami ang pagpuna ng netizens kay Heart.
Sa kanyang IG Live, ikinatuwiran ni Heart na halos tatlong dekada na siyang nagtatrabaho kaya nakamit niya ang pinapangarap na magandang estado.
Hindi rin kaila na mula sa maykayang pamilya si Heart.
Himutok niya: “The sad reality at this point, it’s very hurtful that as an independent woman like myself… goddammit, I am so independent… I am so hardworking and I have pride in what I do.
“And that is diminished. Your hard work is diminished, your hard work is all of a sudden nothing, just because you are now a mere political wife…”
Nais tumbukin ni Heart ang iniisyu sa kanyang asawa siya ng senador na kayang tustusan ang kanyang frequent trips.
Pero kinontra ni Heart ang paratang na ito.
Binanggit ni Heart na mayroon silang prenuptial agreement ni Chiz, at hindi raw conjugal ang kanilang finances.
Ang yumaong senador na si Miriam Defensor-Santiago raw ang pumilit kay Heart na magkaroon sila ni Chiz ng prenuptial agreement bago ikasal.
Lahad ni Heart, “For the record, since I’ve been working for a long time, the late Senator Miriam Defensor, who was like a second mother to me, who handled most of my contracts when I was younger, she demanded that I get a prenup with my now-husband [Chiz]…
“Which means we have complete separation of assets. What is mine is mine. What’s his is his."
Nais ipunto ni Heart na bilang isang independent woman, kaya niyang tustusan ang kanyang mga luho.
At dinadamdam niya “to be dragged [when] I have not done anything [wrong]…”
Sabi pa ni Heart, dahil sa kanyang pagiging workaholic ay hindi na niya nagawang magkaanak.
Naglabas din siya ng sama ng loob kung bakit siya nagagalit.
“Pinagtrabahuhan ko yung meron ako, e,” katuwiran ng actress-social media influencer.
Read: Claudine Co, muling napagdiskitahan ng netizens dahil kay Zaldy Co
HEART EXPLAINS SHOWCASING LUXURY BRANDS
Binanggit pa ni Heart na bagamat nanggaling siya sa “place of privilege,” hindi raw nangangahulugang wala siyang pakialam sa nangyayari sa ibang tao.
Paliwanag niya, maaaring “unconventional” ang kanyang trabaho bilang social media influencer. Pero punto niya, nagbukas din naman daw ito ng oportunidad para sa ibang artists.
Kilala si Heart sa pagpapakita ng branded items—accessories, clothing, shoes, bags, at iba—bilang social media influencer.
May paliwanag si Heart tungkol sa iba niyang mamahaling gamit.
Aniya, may luxury items siya dahil ang collaborations niya ay kasama ang luxury brands.
Libre rin daw niyang nakukuha ang ibang branded items niya.
May bayad din daw siyang nakukuha sa pagtatampok ng items sa kanyang social media, o kaya ay nireregaluhan siya ng luxury items kapalit ng pagpo-promote ng kilalang brands through social media.
Bagamat magaganda at nagpapakita ng karangyaan ang kanyang posts, bahagi raw ito ng bini-build niyang brand. Diin pa niya, trabaho pa rin ito.
Makailang ulit binigyang diin ni Heart ang pagiging “independent woman” niya at ang mga hirap na pinagdaanan para marating ang kanyang estado ngayon.
Ipinaalam din ni Heart na hindi siya dadalo sa Fashion Week ngayong taon na kadalasan niyang ginagawa.
Marahil ay mababaw raw ito para sa ibang tao, subalit mahal daw niya ito at ito raw ay trabaho niya.
Bagamat malaki ang mawawala sa kanya, pero hindi na raw siya dadalo.
HEART MULLS TAKING LEGAL ACTION
May pakiusap din ang aktres pagdating sa mga isyung ipinupukol sa kanya dahil naaapektuhan daw siya.
Huwag na raw ipamukha sa kanya ang pagiging “childless” dahil epekto umano ito ng pagiging subsob niya sa trabaho.
Hindi rin daw dapat kuwestiyunin ang kanyang “professional integrity” dahil 27 years na siyang nagtatrabaho.
May ginagawa rin daw siyang pagtulong sa ibang tao, pero hindi niya ito ipinu-post.
Pagtatanggol ni Heart sa sarili, “It is my prerogative not to post what I do for other people, because my points in heaven are far more important than my points here.”
Nagpahapyaw rin siya ukol sa isang legal issue. Nakikipag-usap na raw siya sa kanyang abogado.
“Definitely I will not take it sitting down, what some people have been saying about me… not even allegedly.
"Everything I do is proper. Everything is well documented,” makahulugan niyang pahayag.
