Nagparamdam sa wakas ang aktres na si Erich Gonzales isang araw bago ang kanyang kaarawan.
Ipinagdiriwang ni Erich ang kanyang ika-35 kaarawan ngayong September 20, 2025.
Nag-post si Erich ng photo collage kunsaan kinunan siyang may hawak na puting birthday cake.
Si Erich ay nakasuot ng white long sleeves, off-white pants, at black blazer.
Ginawa ni Erich ang post niya sa Instagram at Facebook ngayong gabi ng Biyernes, September 19. Ito ang kanyang unang post higit tatlong buwan mula nang huli siyang mag-post sa mga nabanggit na social media accounts.
Ang kanyang pinakahuling post ay noong June 1, 2025.
Read: Erich Gonzales leaves fans missing her after recent post
Sunud-sunod namang nagkomento at bumati ang kanyang celebrity friends at iba pang showbiz personalities.
Kabilang na rito ang former leading man niya at Thai actor na si Mario Maurer, gayundin si Thou Reyes, at Kapuso actress na si Carla Abellana.
Bumati rin ang mga director na sina Theo Boborol at Mae Cruz.




Ikinatuwa rin ng kanyang fans and supporters ang muling pagpaparamdam ni Erich.
“She's backkkkk y'all,” komento ng isang netizen na tadtad ng happy emojis.
“Welcome back,” pagbati ng isa pa.
Ang karamihan naman ay mga papuri at pagbati ng maligayang kaarawan sa aktres.


ERICH’S PHOTO CARRYING A BABY WENT VIRAL
Huling napag-usapan si Erich noong April 2025 dahil sa nadiskubreng throwback photo sa social media.
Lumutang kasi ang isang larawan niya kunsaan may karga-karga siyang sanggol habang nasa loob ng simbahan.
Katabi ni Erich ang kanyang asawang si Mateo Lorenzo, at kasama sa larawan ang pamilya ni Mateo.
Ang nakakaintriga, ang larawan ay ipinost ng pari sa kanyang Facebook account nito noong June 28, 2023. Kasama rin nila ang pari sa larawan.
Isang rebelasyon ang nilalaman ng caption ng pari. Binanggit niya sa post na ang sanggol na kanyang bininyagan ay anak nina Erich at Mateo.

Read: Erich Gonzales's photo carrying a baby inside church goes viral
Parte pa ng post ng pari, siya rin ang nagbinyag sa asawa ni Erich noong sanggol pa ito at sa 11 pang kapatid ni Mateo.
Hindi nagtagal, hindi na makita ang ginawang post ng pari matapos itong pag-usapan sa social media.
Nahalungkat naman ang larawang iyon ni Erich na may kargang bata dahil may netizens na naghanap kay Erich sa social media.
Hindi kasi nila nasilayan si Erich sa kasal ng kaibigan nitong si Claudia Barretto kay Basti Lorenzo, nakababatang kapatid ni Mateo.
Hindi dumalo si Erich sa kasal ni Claudia noong April 8, 2025, subalit sa paghahanap ng netizens, natisod nila ang post ng pari nang binyagan umano niya ang anak nina Erich at Mateo.
Wala namang kumpirmasyon sa kampo ni Erich tungkol sa binyag at maging si Erich ay walang post tungkol sa pagbubuntis o pagkakaroon ng anak.
Ikinasal si Erich kay Mateo noong March 23, 2022, at mula noon ay mistulang naging pribado si Erich.
