May kinakaharap na warrant of arrest ang frontman ng bandang Journey na si Arnel Pineda.
Ito ay dahil sa paulit-ulit na pagliban nito sa pagdinig ng korte sa domestic violence case na isinampa ng kanyang estranged wife sa Quezon City Regional Trial Court.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin ngayong Lunes, September 15, 2025, inilabas ang bench warrant mula sa QC Regional Trial Court matapos hindi siputin ni Pineda ang hearing na nakatakda noong September 10.
Isinilbi ng sheriff ang warrant noong September 12, ngunit hindi raw nila mahagilap ang kinaroroonan ng singer.
Itinakda ang piyansa sa halagang PHP72,000.
Read: Claudine Barretto declares herself as daughter of Rico Yan's mom
CASE AGAINST ARNEL PINEDA
Dagdag pa sa ulat, nag-ugat ang reklamo ng estranged wife ni Pineda sa paglabag umano ng singer sa Anti-Violence Against Women and their Children Act (RA 9262).
Ilang taon umanong sumailalim ang asawa ni Pineda sa “verbal assaults, manipulation, and coercive behavior” na siyang dahilan kung bakit umalis ito sa kanilang bahay.
Nagsimula raw magkaroon ng conflict ang relasyon ng dalawa noong 2003, habang magka-live-in pa sila, dahil natuklasan ang pambababae diumano ni Pineda.
Nagpakasal sila noong 2008, isang taon matapos mag-iba ang buhay ni Pineda dahil napabilang na ito sa bandang Journey bilang lead vocalist.

Kahit daw sumikat na at nagkaroon ng kita, naapektuhan daw ang pagsasama nila dahil sa paulit-ulit na panloloko ni Pineda.
Sinabi rin sa ulat, ininda raw ng misis ni Pineda ang kahihiyan sa publiko at sa "controlling behavior" ni Pineda, kahit na ang kanyang kinikita ay pinangnegosyo nito para mapanatiling buo ang kanilang pamilya at suportahan ang kanilang dalawang anak.
Nagsampa ng kontra-demandang adultery si Pineda laban sa estranged wife.
Itinakda ang panibagong arraignment sa September 17, kung saan mananatiling epektibo ang bench warrant sakaling hindi na naman sumipot ang singer.
Read: Former boxing world champion Ricky Hatton, 46, found dead
Wala pang inilabas na pahayag ang kampo ni Pineda.
