Pumanaw ang beteranong direktor na si Francis “Jun” Posadas ngayong Martes, Agosto 12, 2025.
Siya ay 76.
Kinumpirma ito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng anak ng direktor na si Susan Kelly Posadas.
Lahad niya: “Natumba lang po siya, mga 8:30 A.M. po.
"Nagbebenta pa siya sa tindahan, bigla siyang bumagsak.
"Malapit lang kami sa ospital pero wala na siyang pulso pagdating namin sa Our Lady of Pillar Hospital, Imus, Cavite.
“Nag-try po na i-revive siya ng thirty minutes pero wala na po siya talaga.”
Habang isinusulat ang artikulong ito ay nasa ospital pa rin ang bangkay ni Direk Jun kaya, ayon kay Susan, wala pang detalye tungkol sa burol para sa mga labi ng kanyang ama.
Read: NETIZENS REACT: Vice Ganda's Duterte joke at concert
DIREK FRANCIS "JUN" POSADAS
Nag-umpisa ang career ni Jun Posadas bilang direktor ng mga pelikula noong dekada ’70.
Sina Eddie Garcia, Ace Vergel, Maricel Soriano, Robin Padilla, Cesar Montano, Ronnie Ricketts, Ian Veneracion, Alice Dixson, at Diana Zubiri ang ilan sa mga artistang nakatrabaho ni Posadas noong aktibo pa ito bilang direktor.
Sa mga nabanggit na personalidad, si Eddie Garcia ang may pinakamaraming pelikulang idinirek ni Posadas.
Kabilang dito ang Emong Salvacion, Ako ang Batas: General Karingal, Enteng Manok: Tari ng Quiapo, Judge Max Asuncion: Hukom Bitay, at Mayor Cesar Climaco.
Namayagpag din si Posadas bilang direktor ng sexy films tulad ng G.I. Baby, Tag-init, Nagpuputik ang Langit, Akin Ka Ngayong Gabi, Gawin sa Dilim, Nang Maulit ang Minsan, at Apoy.
Ito ang mga pelikula noong dekada ’80 na nagpasikat sa sexy stars na sina Lampel Cojuangco, Cherrie Madrigal, Amanda Amores, Bobby Benitez, Franco Madrigal, at Lala Montelibano; at nagpaingay sa pangalan ng pumanaw na aktor na si George Estregan.
Read: 73rd FAMAS: Judy Ann, Marian, Kathryn, Vice, Dennis, Alden, among nominees