Trigger warning: Mention of rape and sexual abuse
Sa kabila ng naranasang seksuwal na pang-aabuso murang edad ay natuklasan daw ng singer na si Enzo Almario kung ano ang layunin niya sa buhay.
Isa si Enzo sa Kapamilya singers na nag-renew ng contract sa StarPop, ang ABS-CBN Music label, noong Martes, August 5, 2025.
Bukod kay Enzo, pumirma rin sina Annrain, Bryan Chong, Drei Sugay, Janah Zaplan, Jel Rey, Justin Mclaire, Kanishia Santos, Kice, at Misha de Leon.
Bago ang mediacon proper ay nagpaunlak ng exclusive interview si Enzo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Bukod sa renewal of contract kasama ang StarPop, nagsalita rin ang singer tungkol sa pagiging biktima ng sexual abuse.
Noong 2024 ay lumantad si Enzo upang ibinnyag na na-rape siya murang edad na 12 noong 2008.
Siya ay 29 anyos na ngayon.
Ito ay kasunod ng pag-amin ng kapwa-singer na si Gerald Santos na biktima rin siya ng rape, sa edad na 15, noong 2005.
Si Enzo ay member noon ng kids singing group na Sugarpop noong 2006, habang si Gerald ang grand winner ng Pinoy Pop Superstar (2006) na parehong sa GMA Network.
Iisa ang itinuturo nilang salarin—ang musical director at vocal arranger na si Danny Tan.
Pero simula nang pumutok ang isyu, walang pahayag na inilabas ang kampo ni Danny sa mga akusasyon laban sa kanya.
Related Stories:
- Enzo Almario, umaming biktima ng rape sa edad na 12
- Enzo Almario clarifies GMA-7 not involved in his rape allegation
- Gerald Santos speaks up about "sexual harassment" at 15
- GMA insiders stunned by mention of "rape" in Gerald Santos senate testimony
ENZO ALMARIO's DARK PAST
Kuwento ni Enzo sa PEP, nabaon siya sa depressive state noong 2024 dahil sa iba-ibang isyu, kabilang na ang naranasang sexual abuse.
At ngayong 2025, ipinangako raw niya sa sarili na hindi na siya babalik sa estadong iyon.
“This 2025, ayoko nang bumalik sa ganoong sitwasyon kasi sobrang dark,” positibong pahayag ni Enzo.
“I’m in a much better place po ngayon.
"Feeling ko, masyado kong nilunod yung sarili ko sa mga negative things, sa mga sinasabi ng bashers, and everything… masyado ko silang fineel.”
Bukod kay Gerald, ang tumulong daw kay Enzo na makabangon mula sa pagkakalugmok ay ang Promoting Awareness and Victors Empowerment (PAVE) Philippines at ang chair nitong si Phoebe Fructuoso.
Ang PAVE Philippines ay tumutulong sa rape survivors.
Ani Enzo, “PAVE Philippines and Kuya Gerald Santos ang tumulong po sa akin how to deal with it. Kasi parang nagha-hang na lang ako noon.”
Kuwento pa niya, nang magdesisyon siyang tulungan si Gerald at maglabas ng supporting document laban sa itinuturo nilang suspek, muli niyang binalikan ang madilim na karanasan.
Pagbabahagi ni Enzo: “Sa attorney namin, pinasulat sa akin yung experience [ko]. Doon ako medyo parang natigilan.
“Kasi kailangan may written statement ako anong nangyari. For the longest time, hindi ko siya binabalikan, parang dini-dismiss ko.
“Doon ko unang na-feel. Naiyak muna ako.
"Parang nakakatakot pala yung experience ko nung bata ako, na hindi ko masyadong naramdaman before.
“’Tapos may mga comments din sa ibang tao na parang, ‘Ginusto mo naman yan, e.’”
Ipinauwa raw sa kanya ni Gerald at ng PAVE Philippines na hindi niya kasalanan ang nangyari.
“So, dun ako parang nagkaroon ng clear na pag-iisip na, 'Huwag mong sisihin ang sarili mo,'” sabi ni Enzo.
Read: Paolo Contis, muling nakapiling ang mga anak kay Lian Paz

ENZO ALMARIO’S MESSAGE TO SEXUAL ABUSE VICTIMS
Sa punto ngayon ng kanyang buhay, nalinawan na raw si Enzo kung bakit kinailangan niyang maranasan ang malagim na pangyayaring iyon.
Pahayag niya: “Siguro it was meant to happen to me because… siguro ako yung isa sa ginawang instruments para sa ibang generations to not experience it.
“Siguro pina-experience sa akin o binigay sa akin ang ganoong situation because kaya ko siyang lagpasan.
“Nalungkot ako nung una, na-depress ako.
"Pero I will stand up and fight, and I’ll make sure na the next generation of artists, ng mga mas bata, di na nila mae-experience yun, kasi napaka-vocal na namin ngayong sexual abuse victims.”
Ano naman ang mensahe ni Enzo sa mga naging biktima ng sexual harassment?
Saad niya: “Wag niyo pong sisihin ang sarili ninyo, kasi yun yung pinakauna.
“’Tapos normal kasi daw na hindi nakakapagsalita about it yung iba nga.
“Alam niyo po, may mga nag-o-open sa akin sa social media na matanda na sila, pero nangyari sa kanila bata pa.
"Pero dahil sa akin daw, nagkaroon sila ng lakas ng loob.”
Ang mga taong ito ay nakiusap daw sa kanyang itago ang kanilang pagkakakilanlan.
"Nalulungkot ako na may ganoong tao na na-experience… na isipin mo, buong buhay nila, buong lifetime nila, hindi sila naging free sa nightmare na iyon.”
Payo ni Enzo sa mga biktimang naghahanap ng mga taong tutulong sa kanila, maghanap sila ng mga organisasyon, tulad ng PAVE Philippines, na maaaring kontakin sa pamamagitan ng Facebook.
“Puwede nilang lapitan at puwede silang makipag-discuss doon kung paano ba yung steps na gagawin nila para ma-free nila ang sarili nila sa experience nilang masama.
“Andaming tao na willing tumulong sa henerasyong ito.
“Hindi na rin nila dapat ikahiya yung ganoong experience, kasi ang dapat mahiya talaga is yung perpetrator, hindi kayo."
Pero idiniin ni Enzo na hindi puwedeng pilitin ang isang biktima ng pang-aabuso na magsalita o ibahagi ang karanasan kung hindi pa ito handa.
“Bago ako nagsabi kay Kuya Gerald na willing na ako [magbigay ng] supporting document sa kaso niya, antagal din naming nag-uusap.
“Pero ang pinakamaganda kay Kuya Gerald, never niya akong pinilit na magsalita.
"Ang lagi lang niyang sinasabi, ‘Sana mas okay ka ngayon. Sige, ikuwento mo lang sa akin para mas lumuwag ang pakiramdam mo.’
“So, unti-unti, nagkaroon ako ng lakas na loob na ikuwento yung nangyari sa akin. May mga taong willing tumulong sa inyo,” saad ng singer.
Bilang panghuli, nagbigay ng update si Enzo sa reklamong inilalaban nila ni Gerald.
“We’re still waiting. Ang huling balita ko nagpalit kami ng attorney kaya parang back to zero sa ngayon.
"Wala pa pong update mula kay Kuya Gerald about it," sabi niya.
Pero nilinaw ni Enzo na handa siyang ituloy ang labang ito hanggang sa dulo.
Read: Joey Marquez, kabisado ang mga pangalan at pagkasunud-sunod ng 16 anak
