Gamitin ang boses para makamit ang inaasam na pagbabago.
Isa ito sa mga importanteng mensahe ni Jessica Soho para sa kabataan.
Ibinahagi ng veteran journalist ang kanyang speech matapos maging keynote speaker sa 2025 Global Youth Summit, na ginanap sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City, nitong August 3, 2025.
Sabi ni Jessica, nakikita niya sa mga kabataan ngayon ang pagnanais para mapakinggan at may magawa para mas gumanda ang buhay.
Read: Pinoy scientist returns home after studying at Harvard University
JESSICA SOHO STILL FEELS THE PRESSURE
Sa apat na dekada niya sa trabaho, hindi natinag si Jessica kahit pa noong muntik na siyang masabugan sa Afghanistan.
Hindi rin daw siya kinilabutan sa mga horror stories na itinampok sa show niyang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
Pero nakaramdam daw siya ng takot noong minsang kausapin siya ng isang ginang.
"I think sometime in the 1990s, na minsan nagsabi sa akin, 'Jessica, pa-picture naman kayo ng anak ko, ipinangalan ko siya sa iyo.'
“Could anything be more frightening!” ani Jessica.
“Gusto ko sanang sabihin, 'Bawiin niyo po!' Kaso nakita ko malaki na yung bata.
“I should be honored, I know. Or humbled. And believe me, I am.
"But the thought that there are babies or kids out there—na ang ginawang peg ng kanilang mga magulang ay ako—scares me to death.”
Pagpapatuloy niya, “What if I mess up big time, e, di, habambuhay nila yun pagsisisihan?”
Ani Jessica, nakakatakot para sa kanya ang mataas na expectations na kaakibat ng kanyang trabaho at popularidad.
“Every day or every week is different, pero laging mataas ang expectation sa amin, for the past 20 years and 9 months na po and counting!”
JESSICA’S HUMBLE BEGINNINGS
Nagkuwento si Jessica tungkol sa kanyang “humble beginnings.”
“And I say that with both humility and pride. Proud promdi from the towns of Agoo, San Fernando, and San Juan in La Union.”
Paglalarawan niya, ang kanyang ama ay isang government employee, habang ang ina ay isang agriculturist.
“But she died of cancer when I was only eight years old and after that, my otherwise happy childhood was no more," aniya ukol sa yumaong ina.
Lumaki raw siya na ang pakiramdam ay “laging may kulang.”
Gayunpaman, naniniwala siyang napalaki siya nang maayos ng kanyang ama at dalawang lola.
Kuwento niya, ang kanyang paternal grandmother na si Lola Cion or Concepcion Torralba Soho ay nagtitinda ng karne sa palengke.
Ang kanya namang maternal grandmother na si Apo Baket or Apo Ittang, Sixta Aspiras, ay isang retired public school teacher.
Ang kanyang stepmother ay nagpatakbo ng isang beauty parlor.
“Bata pa lang, mulat na ako sa mga reyalidad at buhay ng mga tindera at mga magsasaka.”
Saad pa niya: “So given all of these exposures early on in life, parang nakatadhana yatang mapunta ako sa larangan ng pagkukuwento o storytelling.
"Bilang journalists, nagkukuwento kami tungkol sa bayan at mundo; at tungkol din sa mga makapangyarihan at maging ang mga nasa laylayan."
BUBOG AS STRENGTH
Payo ni Jessica, may kakulangan man o kahinaan sa buhay, gamitin ito para maging lakas.
“Bawat isa sa atin, may kulang o kahinaan. May baggage o krus na pinapasan.
“BUBOG, sabi ng premyadong manunulat at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.
“At ang payo niya, sa buhay man o sa pagsusulat—gamitin mo ang bubog na building block o pambuo ng yung kuwento o pagkatao.”
Sabi pa ng batikang journalist: “Gaano man kasakit o kahirap hugutin ang bubog o kung anuman ang iyong dinadala as a MOTIVATION to write your story or to make something of yourself.
“Kung hindi, ang bubog ay mananatiling bubog—na laging magbibigay ng pahirap at pasakit.”
YOUNG GENERATION’S VOICE
Pinuri naman ni Jessica ang bagong henerasyon sa pagiging aktibo sa social media.
Binanggit niya ang salitang "RESILIENCE," kung saan nagagawa pa rin daw ng mga Pinoy na ngumiti sa kabila ng mga pagsubok at paghihirap.
Pero, "sa sobrang gamit bilang pampalubag-loob tuwing tayo’y sinasalanta ng sakuna—ay na-equate tuloy sa pagiging COMPLACENT."
Ang sabi niya sa mga kabataan: "Like only YOU guys have so brilliantly and insightfully pointed out!!!"
Dagdag ni Jessica: “Dahil ba nakakangiti pa rin tayo sa gitna ng kalamidad ay basta na lang natin tanggapin ang kahinaan ng sistema at mga katiwalian; habang tayo’y patuloy na nalulubog o nalulunod?”
Binanggit din ni Jessica ang mga salitang "inclusive" at "authentic."
Dahil sa pagiging vocal ng kabataan, nabuhayan daw ng loob si Jessica.
“Kaya katulad ng sinabi ko sa graduates ng UP Diliman sa katatapos lang nilang university graduation. Nakikitaan ko ang inyong henerasyon ng PAG-ASA!
“Baka KAYO ang matagal nang hinihintay na PAGBABAGO!!!
“Hindi ang mga huwad na salita at puro pangako ng mga pulitiko.”
Read: Jessica Soho reminds 2025 UP graduates: “Huwag maging MAYABANG.”
Pinaalalahanan niya ang kabataang sila ang magmamana ng responsibilidad na gawin ang hindi nagawa ng naunang henerasyon.
“At kung hindi kayo maninindigan, ngayon pa lang—baka maipasa lang din ninyo ang mga problema sa mga susunod na henerasyon."
Paalala ni Jessica sa kanila: “You guys have proven that with your tools, skills, and savvy—You are POWERFUL!!!
“You guys certainly know how to use your voice and be heard and matter!!!”

YOUTH’S “SOFT POWER”
Pag-amin niya, naglalaan siya ng oras sa social media.
“Like many of you, I also enjoy cat and dog videos, the latest song and dance craze on TikTok.
“I also like K-Pop and K-drama that, incidentally, South Korea had so masterfully capitalized on to captivate the world, including us, Filipinos.”
Aniya, ang social media ay may kapasidad na mang-impluwensiya.
“Ang tawag dun ngayon, SOFT POWER.
“Fun is good. We all need and want good vibes!
“But I also want to ask you to focus your cameras and your energy too on things that need to change.”
Ginawa niyang halimbawa ang nag-viral na video ukol sa Tamugan River sa Davao City na itinampok sa magazine TV show niyang Kapuso Mo, Jessica Soho.
“Binuo namin ang istorya,” ani Jessica.
Ipinakita ang buwis-buhay na pagtawid ng mga residente, titser, at estudyante.
“At ilang buwan lang matapos itong umere, inaksiyunan ng mga awtoridad ang problema.
“Meron na ngayong hanging bridge doon.”
Apela ni Jessica: “So please get involved, participate. Use your voice. Ask the hard questions. And please do NOT sell your votes.
“Let us stop drowning in mediocrity and inefficiency.
“Let us also stop being comfortable or comfy, like you would say—about the glaring INEQUALITY in our midst.”
Base raw sa datos, malaki ang agwat ng mayayaman at mahihirap.
Aniya: “According to a World Bank Report in 2022—The top 1% in this country or the richest; captured 17% of the national income.
“The lower half or 50% or the majority got only 14%.”
Pareho raw ito sa global data.
“In 2024, according to UBS Global Wealth Report, the world’s top 1.6% got 48.1% of the wealth. The lower 40.7% got only point 6 %.
“Sing-liwanag ng sikat ng araw ang napakalawak na agwat sa pagitan ng mga mayaman at mahirap.
“The Philippines is a C2DE market, that’s our demographics in TV.
“Ang higit na nakararami, kailangan maghirap at magsumikap para maitawid ang mga pang-araw-araw na pangangailangan.”
JESSICA REMINDS YOUTH TO CHECK THE FACTS
Ang attendees sa 2025 Global Youth Summit ay tinatayang nasa 14,000.
Sabi niya: “The biggest gathering of young people I have seen and I am very delighted.
“BUT I also worry: What’s in store for your future?
“Will there finally be enough opportunities in our country for you?”
Tila sinagot din ni Jessica ng kanyang tanong: “But because of your built-in advantage of being born digital natives, you, yourselves can create the opportunities."
Binanggit niya ang ganda at banta ng artificial intelligence.
“But I am also excited with what you can do with it; for as long as you use it for good,” sabi ng mamamahayag.
Pagdating naman sa isyu ng fake news sa social media, nagtanong si Jessica kung sino ang dapat paniwalaan?
Tila may hamong hayag ni Jessica: “Mas magaling kayo DAPAT diyan!
"Kayong mga ipinanganak sa mundo na meron nang ka-parallel na virtual or digital kung saan pirme kayong nakasubsob o nakatitig.
“By now, alam niyo na dapat kung alin ang real from fake! Ang true or false sa diumano!”
Dagdag niya, “Madaling mabudol, oo. Pero hindi ba’t ngayong meron nang AI, e, mas madali na rin dapat mag-crosscheck at mag-fact check!!!”
Pinaalalahanan niya ang audience ukol sa deep fakes. Maging siya raw ay naging biktima nito.
Aniya: “Be responsible, citizens and netizens, as well. Criticize if you must, but elevate the level of discourse.
“No gutter language, no name-calling, no body shaming!
“Let us be civilized and respectful of one another even if we have differences or divergent views.”
