Umani ng batikos online ang social media influencer-actress na si Gela Alonte.
Ito'y matapos muling mag-viral ang kanyang video patungkol sa pagbabahagi niya ng saloobin sa usaping political dynasty sa Pilipinas.
Ayon sa netizens, kuha ang viral video ni Gela noon pang nakaraang taon.
Read: Gela Alonte shows support for boyfriend River Joseph
Naka-live daw sa TikTok ang baguhang aktres nang sagutin niya ang tanong online ng kanyang viewers.
Tanong ng isang nagkomentong netizen: "What are your thoughts about political dynasties here in the Philippines?"
Sagot dito ni Gela, "Paano ba yan, nasa political dynasty yung pamilya ko."
Natawa na lang si Gela matapos niyang sabihin ito, sabay dugtong niyang, "I mean, controversial."
Si Gela ay anak ni Biñan City Mayor Angelo "Gel" Alonte, kapatid ni dating deputy speaker at Biñan Mayor Marlyn "Len" Alonte Naguiat.
Sina Mayor Gel at Len ay mga anak ng unang Alonte na namuno sa Biñan noong 1987—si former Biñan Mayor Bayani Alonte.
Si Gela ay girlfriend ng Pinoy Big Brother (PBB): Celebrity Collab Edition fourth big placer na si River Joseph.
Gela Responds to Backlash Over Old Video
Dahil sa muling pagsulpot ng nasabing video ni Gela online, kaliwa't kanang batikos ang kanyang natamo, mula sa netizens na hindi pabor sa umiiral na political dynasty sa bansa.
Noong July 28, 2025, sa pamamagitan ng magkakasunod na post sa X (dating Twitter) nagbigay ng pahayag si Gela tungkol sa muling paglutang ng viral niyang video.

Dito, inamin ng Kapamilya artist na nagkamali siya kung paano niya sinagot ang tanong sa kanya noon.
Pinagsisihan na raw noon pa man ni Gela ang nagawang pagkakamali, kaya hindi naman daw tama na muli itong ungkatin ngayon at gamitin sa kanya para siya'y husgahan.
Aniya: "There’s a difference between pulling others down and calling them out.
"The world would be so much better if majority chose to do the latter.
"Nobody is perfect yet so many of you act like you’ve never had any mistakes in your life just cause they aren’t publicized.
"It’s not fair to use others’ mistakes against them when you can call them out properly [and] give them a chance to grow [and] learn.
"Isn’t that how it should be?"
Naiintindihan daw ni Gela ang galit ng marami sa nakapanood ng kanyang video.
Posibleng ang iba raw ay nayabangan at tingin sa kanya ay mapagmataas dahil sa pagtawa niya nang sagutin ang tanong tungkol sa political dynasty.
Kung babalikan daw ni Gela ang mga oras na iyon ay maging siya ay natakot na magbigay ng reaksiyon patungkol sa usaping ito.
Gayunpaman, nangyari na raw ang nangyari.
Nakapagbitaw na siya ng mga salitang hindi pinaboran ng publiko, kaya naman ngayon ay inihihingi niya ito ng kapatawaran.
Saad niya, published as is: "I know the clip from a year ago upset a lot of people, and i understand why.
"I shouldn’t have answered the question the way i did, or at all.
"I didn’t laugh out of pride or arrogance, it was a nervous response to a question that i knew would be met with criticism no matter how i answered.
"That was my mistake and i take accountability for how i handled that moment."
Sinagot din ni Gela ang mga netizen na kumukuwestiyon sa kursong kinuha niya sa kolehiyo.
Noong June 2024, nagtapos si Gela ng kursong Bachelor of Science in Life Sciences sa Ateneo de Manila University.
May ilang netizens ang ginamit ito para kuwestiyunin ang dalaga—na kung namulat siya sa pamilyang politiko ay bakit hindi raw ito kumuha ng kursong magagamit niya sa pagtakbo sa anumang posisyon.
Pahayag dito ni Gela, published as is: "My decision to pursue medicine does not change my background, but i hope it shows that i am working toward my own path.
"I can only speak for myself, for my choices, my values, and how i move forward and i hope i get the chance to do that on my own terms."
Sa huli nanindigan si Gela na ano pa man ang batikos na sabihin ng iba ay hindi na niya ito papatulan pa.
Nagawa na raw niya ang parte niyang magsalita at humingi ng tawad sa lahat ng na-offend at nasaktan.
Sabi niya, "I’ve said what i needed to say and i stand by it. what others say and assume are out of my control but i’ll keep focusing on growing, not arguing."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay naka-off na ang comments section ng post ni Gela.
Read: Vico Sotto firmly against nepotism, political dynasty
Netizens React to Gela’s Statement
Samantala, imbes na tanggapin ng netizens ang naging pahayag ni Gela ay muli na naman itong gumawa ng panibagong ingay at kumalap ng negatibong reaksiyon.
Sumakto kasing katatapos lamang ng bagyong Crising at Dante nang i-post ito ni Gela.
Read: Mika Salamanca, Will Ashley join efforts to help typhoon victims
Sumabay ring nagdiwang siya noon ng kanyang kaarawan.
May mga netizen na kinuwestiyon ang hindi mareso-resolba umanong pagbaha sa Biñan, Laguna, sa kabila ng deka-dekadang pamumuno ng pamilya Alonte.
May ilan ding netizens na binatikos ang naganap na selebrasyon ng kaarawan ni Gela sa gitna ng dagok na nararanasan ng kanilang lugar at kababayan dahil sa pagbaha.
Read: GMA News' Nico Waje brings kilig vibes with his typhoon updates
Reklamo ng isang netizen kay Gela: "Ayusin muna ng pamilya mo ang mga hinaing namin na mga taga-Biñan. Ilang taon na nakaupo ang pamilya mo pero walang pagbabagong nagaganap. Hindi ko nga ramdam na may mayor kami."
Pagpuna naman ng isa: "You're a public figure—daughter of a politician that's supposed to serve his people yet you're here choosing to be ignorant while the people you claim to serve are suffering a catastrophe."
Bagamat nanindigan na si Gela sa kanyang post na hindi na siya papatol sa mga batikos, minarapat pa rin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na muling humingi ng reaksiyon sa patuloy na bashing na kanyang natatamo.
Hindi pa siya tumutugon sa ipinadala naming mensahe sa kanya sa Instagram.
