Ang concert na Seasons Of OPM ni Marco Sison ay gaganapin sa July 25, 2025, 8 P.M., sa The Theater at Solaire sa Parañaque City.
Guests ni Marco ang kapwa hitmakers na sina Rey Valera at Nonoy Zuñiga, pati na rin ang Concert King na si Martin Nievera at ang Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Ilang beses na niyang nakatrabaho sina Rey at Nonoy, pero first time niyang makasama sa concert ang dalawa pang guests.

MARCO SISON FIRST TIME WORKING WITH MARTIN NIEVERA
Ang kuwento ng singer na 46 years na sa music scene: "Martin has been a really good friend ever since, pero hindi kami nagkakatrabaho niyan, e.
"Kasi magkaiba yung ano namin e. Meron kaming production number, meron kaming konting kuwentuhan..."
Aniya pa tungkol sa Concert King: "Iyan kasi, napakabait na tao niyan si Martin, e."
Magkano kaya ang talent fee ni Martin?
"Hindi namin pinag-uusapan. Asking him kung ano bang kapalit, siyempre, huwag ko daw intindihin yun, sabi niya.
"Nasa isip ko lang, e, di okay, di ba,” at tumawa si Marco.
“Pero ano siya, mabait siya, concerned siya sa akin. ‘Do you have a working sequence of your songs or about the script?' Ganyan.
"So binigay ko sa kanya yung sequence nung kanta, wala pang two hours, nag-ano na siya ng script, may script agad, ganun siya kabait.
“Siyempre, gagamitin ko yun, hindi naman halos lahat, pero gagamitin ko yung ginawa niyang script, ganun siya kabait.”
Read: Why Vice Ganda now prefers smaller, simpler homes
MARCO SISON on getting vice ganda as concert guest
Ang pagge-guest ni Vice sa concert ay nagsimula raw sa biruan sa It's Showtime.
Nangyari ito noong naging hurado si Marco sa "Tawag ng Tanghalan: Duets," kung saan nanalo sina Marielle Montellano and JM Dela Cerna.
“Naghurado kasi ako nung duet version ng 'Tawag ng Tanghalan,' tapos yung grand champion, nag-comment ako na… kasi, di ba, pag nakikipag-duet, it’s like acting?
"A-act kayo, e, napaniwala nila ako na may relasyon sila, yung dalawang contestants.
“Napaniwala nila ako, kasi napakagaling nilang kumanta, ang galing nilang magkuwento with feelings talaga, tapos yung chemistry nila. So ganun yung kinomment ko.
"As a matter of fact, tinanong ko pa sila, e, ‘Couple ba kayong dalawa?’
“Sabi nila, 'Hindi.'
"Sabi ko, ‘Wow in such a short time napaniwala niyo ako dun sa ginawa niyo, you guys are perfect.'
“Nagtitilian nga yung mga audience, e, so ibig sabihin talaga, yung biling-bili silang dalawa."
Sa comment na ito ni Marco, humirit daw si Vice ng: "Alam mo natutuwa ako kay Sir Marco. Siguro in one of his concerts, gusto kong maging guest, tapos I want to have a duet with him and gusto ko siyang maka-duet."
Ang nakatawang dugtong ni Marco: “So, I took it seriously."
Siya ang nag-reach out kay Vice?
“Oo, kinausap ko siya.”
Pumayag naman agad?
“Oo, on the spot, nag-oo siya. Siya din yung isang tao na ibang klase din ang kabaitan, e, na siguro when he says something, parang iyon na yun.
“Hindi ko lang siya matanong kung papaanong arrangement dahil lagi siyang busy. Siguro one of these days.
“But he’s really a very nice person.”
Arrangement ng ano?
“Arrangement ng pag-appear niya, pag-guest.”
Wala pa silang usapan about talent fee?
“Wala, wala pa."
Ano ang mararamdaman niya kung sabihin ni Vice na libre ang pag-guest nito sa Seasons Of OPM?
“E, di mas lalo na akong magiging grateful nun, hindi ko alam kung papaano ko… siguro kung invite niya ako one of these days, di ba, sa isang concert, to do something for him, a duet, puwedeng-puwede, libre din,” pakli pa ni Marco.
So far, ang kasado na ay ang talent fees daw nina Rey at Nonoy.
Ang biro niya: "Yung dalawa na lagi kong katrabaho, iyon pa nga yung mas medyo mahirap kausap, dahil si Rey Valera ayaw nang libre. Hahaha.
“So sabi ko, sige budget-an natin iyan ng tig-5K,” at muling tumawa si Marco.
Read: Eat Bulaga! addresses mix-up in OPM Female Clones results

MARCO SISON ON HAJJI ALEJANDRO
Magkasama sa grupong The OPM Hitmakers sina Marco at Hajji Alejandro.
Pero nitong April 21, 2025, pumanaw ang huli sa sakit na colon cancer.
Kaya tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marco kung ano ang pinaka-memorable experience niya with Hajji.
Lahad niya: “Meron kasi siyang reputation na may pagkasuplado, pero ang katwiran niya dun, near-sighted siya. So pag malayo, hindi ka niya kilala, ganun. Pero suplado talaga,"
Pero may sense of humor din daw.
“Ano na namin yun, joke na namin yun. Tapos sobrang lakas ng humor nun, puwede siyang director, puwede siyang scriptwriter, kasi karamihan ng mga jokes namin sa show, galing sa kanya.
“Kapareho ni Rico Puno, wala ding dull moments diyan kapagka in the mood.”
Kailan sila huling nakausap o nagkita ni Hajji bago ito pumanaw?
“Medyo masakit nang konti,” pagbabalik-alaala ni Marco.
“Meron kaming Valentine's show sa Vigan, February 13... Iyon yung last time na nakatrabaho ko siya at nakausap.
"Kasi I had another show the following day, e, February 14, with Joey Albert sa Subic.
“Nabalitaan ko sumakit ang tiyan niya, tapos nakapag-show pa siya ng isa and then after a few days, in-admit na siya sa ospital.
“Ano yun, yun na yun, that’s it. That’s the last time I saw him in person.
"After the concert nag-midnight snack kami, tapos tumayo na siya, sabi niya inaantok na siya, ganun, iyon lang.
“Tapos hindi ko na siya nakita kasi sabi nila, ‘Huwag na daw kayong bumisita sa ospital.'
"Sabi niya, ‘Dun na lang sa bahay pag naka-recover na ako.’ Nung nasa bahay na siya, ‘O kailan kami pupunta diyan?’
"‘Tsaka na pag okay na ako.’
"E, hindi naman naging okay obviously. Ngayon, iyon yung last. That’s it.”
Bukod kina Marco at Hajji ay parte rin ng The OPM Hitmakers si Rico Puno, na yumao na rin, at sina Rey at Nonoy.
Nakapanayam ng PEP at press si Marco sa mediacon ng Seasons Of OPM noong Martes, July 15, sa Max’s restaurant sa Roces Avenue corner Scout Tuazon sa Quezon City.
