Aminado si Ruru Madrid na may mga pagkakataong nagkatampuhan sila noon ng kasintahang si Bianca Umali dahil sa kakulangan ng oras.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ni Ruru na nangyari iyon nung puspusan ang taping niya ng Black Rider, habang si Bianca ay nasa advanced taping ng Sang'gre.
"I'm looking forward sa paglabas no Bianca sa Sang'gre dahil dalawang taon ito ng buhay niya na inalay niya.
"Talagang dugo't pawis ang inalay niya dito. Hindi ito naging biro.
"Maraming beses na dahil dito nag-a-away kami, pero sobrang worth it.
"Wala kaming oras. Isipin niyo ginagawa ko yung Black Rider nung time na yun, Sang'gre pa rin ang ginagawa niya."
Alam daw ng couple ang prayoridad nila sa trabaho, at babawi na lang kapag maluwag na uli ang schedule nila.
Pagpapatuloy niya: "Siguro sa tagal na rin, parang matututo ka na rin ng time management.
"Siyempre sa mga una di kayo magkakaintindihan, may mga bagay na di kayo nagkakaunawaan.
"Pero I guess, yun naman talaga yung dahilan kung bakit kayo nasa relationship. Kumbaga, pinupunan niyo ang pagkukulang ng isa't isa."
Proud si Ruru kay Bianca na gumaganap bilang Tera sa Sang'gre at sinusubaybayan niya rin daw ito.
"Nakaka-excite kasi ngayon parang nahu-hook din ako kakapanood ng Sang'gre.
"Nakakalungkot na siyempre ang daming mga namatay [na characters mula sa series] nung 2016.
"Pero ang sabi ko nga, kailangan siyang mangyari dahil panibago na namang yugto ito ng Encantadia.
"Hindi yun para hindi bigyan ng pagmamahal o respeto ang mga nawala, kundi para magbigay ng bagong daan sa mga bagong generation ng Sang'gre.
"Siyempre yung hirap ng ganitong klase ng teleserye, kumbaga, di naman talaga maaalis yun.
"Kumbaga, na-excite lang ako na maipakita ni Bianca yung pinaghirapan niya."
Read: BreKa hailed Big Winner Duo of PBB Celebrity Collab Edition
RURU MADRID ON 7-YEAR ITCH
Magpi-pitong taon ang relasyon nila Bianca at Ruru ngayong July.
Tinanong namin ang Kapuso actor kung naniniwala ba siya sa sinasabing seven-year itch, kunsaan marami raw sa mga relasyon ang puwedeng mauwi sa hiwalayan.
"Wala, hindi ako naniniwala diyan," kontra ni Ruru.
"Feeling ko kahit first, second, third year namin, lagi kaming maraming problemang pinagdaanan, pero lagi rin namin itong nalalagpasan.
"I'm sure anumang problema o pagsubok ang dumating sa amin, alam namin na kaya namin kasi sentro namin ang Panginoon dito."
Nakapanayam ng PEP si Ruru sa 53rd Guillermo Box Office Entertainment Awards, na ginanap sa RCBC Plaza sa Makati City noong June 29, 2025.
Read: Walong kapatid ni Shuvee Etrata, pinaalis sa tirahan sa Cebu
RURU MADRID ON GREEN BONES
Pinarangalan si Ruru bilang Best Supporting Actor of the Year para sa pelikulang Green Bones sa 53rd Guillermo Box Office Entertainment Awards.
Labis ang pasasalamat ng aktor sa karangalang pinagkaloob sa kanya at sa pagkakasama nito sa Top 10 Movies sa Netflix Philippines.
"Siyempre very grateful sa parangal na ito. Pangalawang award ko na ito para sa Green Bones kaya maraming-maraming salamat. Sana marami pang ganito."
"Nakakatuwa, ang daming di nakapanood nitong MMFF, ngayon lang nila napanood sa Netflix.
"Nakakatuwa kasi parang every day lagi na lang na may nagse-send sa akin ng videos na umiiyak sila. Para bang sapul na sapul sila sa pelikula.
"I'm just very grateful na parte ako ng pelikulang ito. Sana magpatuloy po tayong gumawa ng ganitong klase ng mga pelikula."
Tinanong namin si Ruru kung dahil sa mga pagkilala sa husay niya sa Green Bones ay mas mapili na ba siya sa mga pelikulang gagawin niya.
"Siyempre yung pressure hindi naman mawawala yan especially kung ang pinanggalingan ay Green Bones.
"Pero para naman sa akin, as long as na lahat ay binibigyang puso ang kani-kanilang mga ginagawa, ako mine-make sure ko anumang project ito. Basta ibibigay ko ng lahat, okay na ako dun."
Binalita rin sa amin ni Ruru na pagkatapos ng seryeng Lolong ay may kasunod na siyang serye na gagawin sa GMA.
"Yes, may bago akong gagawing teleserye. Pero sa ngayon di ko pa puwedeng i-announce kung ano ito. But sinisigurado ko na sobrang maaksyon ito, so abangan nila."
