Inamin ng former beauty queen and actress na si Lara Quigaman, 42, na hindi madali ang pagiging preschool teacher.
Ito ang trabaho ngayon ng Miss International 2005, na kasalukuyang naka-base sa British Columbia, Canada, kasama ang asawang si Marco Alcaraz, at ang kanilang tatlong anak.
Nagkuwento ang former beauty queen kung ano ang buhay ng katulad niyang early childhood educator (ECE) sa ibang bansa.
“Preschool teacher ako. Meron akong four classes ng preschool. After nun, out-of-school care. Iba-iba yung age group na nahahawakan ko, which is good too, kasi masarap.
“Masarap yung feeling na iba-iba yung level ng bata, yung nakakasama ko, nakakausap ko,” ani Lara sa interview ng Omni Television na ipinalabas nitong July 26, 2025.
Kamakailan lamang, nag-post si Lara sa pagtatapos niya ng kursong Early Childhood Education. Nagtapos siya with distinction sa Langara College.
Read: Lara Quigaman earns Early Childhood Education diploma in Canada

LARA QUIGAMAN'S DREAM TO TEACH
Paliwanag pa ni Lara, katuparan ng pangarap ang buhay niya ngayon sa Canada.
Nag-migrate sila ng kanyang pamilya sa British Columbia, Canada, noong April 2024.
“Dito kami ikinasal, actually, 2011... Nandito yung mama ko, e. So, lagi namin siyang binibisita.”
Noon pa man, napag-uusapan na raw nila ng asawang si Marco ang mamuhay sa Canada.
“Nung first time naming pumunta ni Marco, napag-usapan talaga namin na parang masarap mag-base ng family dito.”
Sinuwerte rin daw na ang napili niyang field ay in-demand pala sa Canada.
Kuwento ni Lara, “Hindi ko alam na in-demand yung mga teachers.
“Nung nagdesisyon lang kami kung ano yung kukunin kong kurso, sabi ko talaga, ‘Gusto kong maging preschool teacher. Gusto kong maging ECE.' So, parang tinuloy ko lang yung pangarap ko.”
CHALLENGES OF BEING A TEACHER
Kuwento pa ni Lara, hindi madali ang pagiging isang preschool teacher sa ibang bansa.
Sinusubok daw ang haba ng pasensiya at pang-unawa sa kanyang propesyon.
Paliwanag niya, “Dito ito sa Canada, everyone’s included. Gusto nila, di ba, very inclusive dito?
“So, hindi talaga nila sine-separate yung mga bata. So, kahit, halimbawa, may special needs, children with autism, children with behavioral needs or challenges, lahat iyan kasama, halo-halo...
“So, mahirap lang minsan, kasi may times na, siyempre, iba-iba din naman yung moods ng mga bata, di ba? So, nagsasabay-sabay.
“More than the physical na pagod, minsan parang gusto ko silang tulungan. Di mo alam kung pa'no mo sila tutulungan kasi may mga bata na non-verbal. Hindi nila ma-explain kung ano yung nararamdaman nila.”
Malaking pasasalamat naman ni Lara sa asawang si Marco dahil sa pagiging supportive nito.
Sinabi niyang napapanatili niya ang kanyang “sanity” mula sa kanyang mga responsibilidad sa bahay at trabaho dahil sa butihing mister.
LARA'S ADVICE TO THOSE PLANNING TO MIGRATE
May payo si Lara sa mga nagnanais na mag-migrate.
“Sa lahat ng desisyon, kailangan talaga pinagpi-pray. Kailangan ready ka,” sabi niya.
“When we moved to Canada, talagang pinrepare namin yung sarili namin. Pinrepare namin yung mga bata.
"Meron kaming mindset na pagdating naming doon, tayo lang talaga. Hindi gaya sa Pilipinas. Hindi magiging madali yung journey, so kailangan ready.”
Dagdag niya, “Mukhang madali siya, pero it’s not.”
Sabi naman niya ukol sa kanyang napiling propesyon, “Calling ang pagiging educator. Kailangan talaga mahal mo ang ginagawa mo.”
