PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Bong Revilla to file cyberlibel case vs people behind "fake news"

Defeated senatorial candidate claims to be a victim of fake news.
by Mark Angelo Ching
Published May 27, 2025
bong revilla cyber libel
Senator Bong Revilla: "Kailangan siguro mag-file talaga ng case against those people na dapat managot dito. Dahil hindi naman natin pupuwedeng lokohin ang taumbayan. Dapat ilabas talaga ang katotohanan."
PHOTO/S: Ramon Bong Revilla Jr. Facebook

“Nabiktima tayo ng fake news.”

Ito ang itinuturong dahilan ni Bong Revilla ng pagkabigo niyang ma-reelect bilang senador nitong katatapos na May 12, 2025 elections.

Marami raw napaniwala sa diumano'y mga pekeng balita na nagresulta sa kanyang pagkatalo.

Read: How did celebrities fare in the 2025 elections?

Sa phone-patch interview niya sa ANC news channel noong May 26, 2025, sinabi ng actor-politician na nalulungkot siya sa mga kumalat na balita laban sa kanya.

"I’m sad, di ba? Nalungkot ako sa nangyari dahil nabiktima tayo ng fake news at napaniwala nila yung ibang tao na ganun ang totoo," saad ni Revilla.

Bunsod daw nito, nagpaplano siyang magsampa ng reklamong cyberlibel laban sa mga nagpakalat ng tinatawag niyang pekeng balita.

"Kailangan siguro mag-file talaga ng case against those people na dapat managot dito.

"Dahil hindi naman natin pupuwedeng lokohin ang taumbayan. Dapat ilabas talaga ang katotohanan," pahayag ni Revilla.

Nais daw niyang malaman ng mga bagong botante ang totoo umanong nangyari sa nakaraan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Lalung-lalo na sa mga kabataan ngayon. Alam naman natin na maraming mga kabataan na bumuboto na hindi nila alam yung mga nangyari in the past year. Kaya dapat ma-inform natin sila,” sabi ng outgoing senator.

ELECTION RESULTS LEAVE BONG REVILLA OUT OF MAGIC 12

Hindi nakapasok si Revilla sa Magic 12 sa naganap na senatorial elections ng 2025.

Ayon sa official count ng Commission on Elections (Comelec), pang-No. 14 siya sa bilangan, matapos makakuha ng 12,027,845 votes.

Dahil dito, hindi siya makakabalik sa puwesto sa Senado. Mapapaso ang kanyang termino sa June 30, 2025.

Lagpas sa isang milyong boto ang lamang sa kanya ni Imee Marcos, na nakapasok sa pang-labindalawang puwesto.

Pang-No. 13 naman ang broadcaster na si Ben Tulfo, kapatid ni Senator Raffy Tulfo at ni Senator-elect Erwin Tulfo. Nakakuha siya ng 12,090,090 votes.

Read: Full roster of elected senators in the 2025 PH midterm elections

Si Bong Revilla ay unang nahalal na senador noong 2004 elections. Pumangalawa siya sa bilangan nang makakuha ng higit 15 million votes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Tumakbo siya for reelection noong 2010, at nanguna matapos makakuha ng higit 19 million votes.

Natapos ang pangalawang termino ni Revilla bilang senador noong 2016.

Pagkalipas ng tatlong taon ay tumakbo muli ang Kapuso actor.

Sa 2019 elections na ito nag-viral ang kanyang campaign ad na nagpapakita sa kanyang sumasayaw ng budots.

Ang tinututukoy na budots—na Visayan slang din para sa tambay—ay electronic dance music na nagmula sa Davao City. Ayon sa Tagalog wikipedia, ang budots ay "hindi koordinado at freestyle na pagsasayaw na tila likas na 'bulate,' na nagtatampok ng mababang squats habang binubuksan at sinasara ang mga tuhod."

Nanalo muli si Revilla.

Ngunit kumpara sa 2004 at 2010 elections, bumaba na sa No. 11 ang kanyang puwesto noong 2019.

Nakakuha siya ng higit 14 million votes, na malaki ang ibinaba mula sa higit 19 million na nakuha niya noong 2016.

Read: Bong Revilla considers 2019 elections the dirtiest campaign season

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

LOST elections DUE TO FAKE NEWS?

Isinisisi ng kampo ni Revilla sa "fake news" ang pagkatalo ng 58-year-old actor-politician nitong 2025 senatorial elections.

Kahapon, May 26, nagpatawag ng press conference ang legal counsel ni Revilla na si Atty. Raymond Fortun.

Dito inanunsiyong binabalak nilang magsampa ng higit sa limang cyberlibel cases laban sa ilang online personalities at vloggers na nagpakalat daw na konektado ang dating senador sa pork barrel scam ng 2013.

Diin ng abogado, in-acquit na ng Sandiganbayan ang kanyang kliyente noong 2018 at 2021 mula sa nasabing corruption scandal.

“Notwithstanding such acquittals, certain individuals and groups during the run-up to the 2025 elections continued to vilify him by spreading false and fake posts that he had been convicted and ordered by the Sandiganbayan to return PHP124.5 million,” pahayag ng abugado ni Revilla.

Dahil sa online posts na ito ay natalo raw si Revilla sa eleksyon.

“Lumalabas itong mga fake news na ito, and the effect is that he landed 14th,” sabi ng abogado.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Sandiganbayan acquits Bong Revilla in pork barrel scam cases

2013 PORK BARREL SCAM

Isa si Revilla sa mga pulitikong nasangkot sa 2013 pork barrel scam.

Dito nabulgar na kinukulimbat ang pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng foundation o non-governmental organization (NGO) bilang beneficiaries.

Ang businesswoman na si Janet-Lim Napoles ang itinurong mastermind sa grandiosong corruption scheme.

Tinatayang nakapagnakaw si Napoles at ang mga kasamahan nito ng higit sampung bilyong piso (PhP10Billion) mula sa gobyerno.

Limang senador ang direktang nadamay sa scam: Ramon "Bong" Revilla, Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Gregorio Honasan, at ang ngayo'y Pangulong Bongbong Marcos.

Itinanggi ni Revilla ang koneksiyon kay Napoles.

Ganunpaman, sinampahan siya ng Ombudsman ng kasong plunder at 16 counts of graft sa Sandiganbayan noong June 6, 2014.

Ayon sa Ombudsman, tumanggap si Revilla ng PHP224.5 million mula sa ghost projects ni Napoles, sa pamamagitan ng senior aide nitong si Richard Cambe.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Noong June 20, 2014, lumabas ang warrant of arrest ni Revilla.

Kusang sumuko ang actor-politician at idinitena siya sa Camp Crame.

Read: Senator Bong Revilla gets emotional as he faces possible arrest over plunder charges

Sa naganap na mga hearing sa kaso ni Revilla, paulit-ulit niyang iginiit na wala siyang kinalaman sa ibinibintang na scam.

Ani Revilla, hindi siya ang pumipirma sa mga dokumento at biktima lang daw siya ng mga naganap na pagnanakaw.

BONG REVILLA ACQUITTED OF PLUNDER BY THE SANDIGANBAYAN

Noong December 7, 2018, kinatigan ng Sandiganbayan ang depensa ni Revilla at napawalang-sala ito sa kasong plunder.

Hindi umano napatunayan “beyond reasonable doubt” na si Revilla mismo ang tumanggap ng pera mula kay Napoles.

Dahil dito ay nakalabas siya sa piitan matapos ng apat na taong pagkakakulong.

Sa kabilang banda, hinatulan ng guilty si Napoles at Cambe, at pinatawan ng parusang habambuhay na pagkakakulong.

Sa desisyon ding iyon ng Sandiganbayan, inutusan ng anti-graft court ang mga akusado na ibalik ang halagang 124.5 milyong piso sa gobyerno.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Saad ng 2018 ruling ng anti-graft court: "In view of the discussion above, pursuant to Article 100 of the Revised Penal Code, accused are held solidarily and jointly liable to return to the National Treasury the amount of P124.5 million."

Hindi malinaw kung kasama pa rin si Revilla sa mga inuutusang magbalik ng nakulimbat na pondo.

Hindi kasi direktang tinukoy sa talatang iyon ang mga pangalan ng mga inaatasang magbalik ng salapi.

Kasama si Revilla sa mga akusado, ngunit napawalang-sala siya sa plunder case.

Kaya't idinidiin ng kampo ni Revilla na hindi siya kasama sa mga inutusang ng Sandiganbayan ukol sa pondong nawala.

Sa mga oras na ito, hindi pa rin nae-execute ang utos ng hukuman na ibalik ang 124.5 million, dahil gumugulong pa rin ang mga apela ni Napoles sa kaso.

Si Napoles na lang ang natitirang akusado sa plunder case ni Revilla na nasa kulungan.

Namatay noong 2021 sa piitan si Cambe, ang dating chief of staff ni Revilla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Noong 2021 din pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Revilla sa mga kasong 16 counts of graft, kaya’t wala na siyang kinakaharap na kaso sa pagtakbo sa pagkasenador nitong 2025.

Read: Senator Bong Revilla: "Tanggap ko na ang puwedeng mangyari sa akin."

WHO'S BEHIND THE "FAKE NEWS"?

Sa panayam naman kay Revilla, hindi niya tinukoy kung sinu-sino ang mga personalidad na nagpakalat ng umano’y fake news laban sa kanya.

Saad niya: “Kailangan muna ma-trace nating mabuti. Mahirap kasi mag-speculate. Ayokong magbintang, ayoko nang manisi.

"Dapat lang, yung bawat indibidwal na gagamitin, o kung sino man yung binayaran para sirain ako, dapat maging responsable sila sa sasabihin nila o gagawin nila.

"Kaya, in short, kung sila man ang gumawa niyan o nagpakalat ng fake news, dapat managot sila."

Natalo man dahil umano sa fake news, tanggap na raw ni Revilla ang resulta ng eleksyon.

“Siguro, ako, kung ano man ang lumabas sa resulta na ito, ipinagdasal ko na ito, e, so nirerespeto ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Siguro naman ay patas ang eleksyong ito dahil kung hindi, e, hindi maganda iyon para bayan.

"Para sa akin, igalang natin. Isa ako sa mga unang nag-concede, e,” sabi niya.

May balak ba siyang bumawi at tumakbo muli sa 2028 senatorial elections?

Sagot ni Revilla: "Yung pagtakbo po sa 2028, kung ako po ay tatakbong muli, darating tayo sa tamang panahon, I have to consult my family and myself."

Read: Senator Bong Revilla denounces Sandiganbayan’s freeze order on his assets

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Senator Bong Revilla: "Kailangan siguro mag-file talaga ng case against those people na dapat managot dito. Dahil hindi naman natin pupuwedeng lokohin ang taumbayan. Dapat ilabas talaga ang katotohanan."
PHOTO/S: Ramon Bong Revilla Jr. Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results