Si Jen Donna Pergis Morena ang isa sa mga kasama ni Nora Aunor sa mga huling sandali ng buhay ng National Artist for Film and Broadcast Arts.
Si Jen ay nagsimula bilang pinakabatang fan ni Nora noong 2002, hanggang maging malapit sila sa isa’t isa.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jen, ibinahagi niya ang mga pangyayari bago mamatay ang Superstar sa The Medical City noong Abril 16, 2025.
Read: Nora Aunor dead at 71
“Sa hospital, magkatabi po kami. Palagi niya akong ginigising dahil nagsasalita ako kapag tulog.
“Sinabi niya po talaga sa akin na pagod na siya. Na naaawa na siya sa amin ni Ate Editha," pagtukoy ni Jen sa personal assistant (PA) ni Nora na kasama rin sa mga nagbabantay.
“Pero i-correct ko lang na nung pumunta kami sa ospital, masaya po kami, pero lagi niyang sinasabi na napapagod na siya.
“Ipinapamasahe niya sa akin ang ulo at kamay niya. Sabi niya, 'Pagod na ako. Pagod na ako…'
“Nag-request din siya ng sinigang.
"Tapos dumating si Sir John Rendez. Sabi niya [John], parang may nagtulak sa kanya na pumunta sa ospital."
Si John Rendez ang longtime companion ni Nora.
Read: Urban Legends Part 3: Nora Aunor, the Superstar Phenomenon
FROM BEING A DIE-HARD NORANIAN TO LOYAL CAREGIVER
Bata pa si Jen nang maging avid fan siya ng aktres matapos mapanood ang pelikulang The Flor Contemplacion Story noong 1995.
Siya ang naging pinakabatang Noranian, pero ayaw itong paniwalaan ni Nora dahil sa malaking agwat ng kanilang edad.
Ikinuwento ni Jen sa PEP na "nagalit" sa kanya si Nora nang magkita sila sa unang pagkakataon.
“Nagalit siya. Unang tinanong niya sa akin, 'Nag-aaral ka?'
“Sabi ko sa kanya, 'Hindi po.'
“Sabi niya, 'Mag-aral ka. Hindi ako naniniwala na Noranian ka. Siguro, maka-Judy Ann Santos ka.’
“Yun kasi ang mga batang artista noon. Yun ang time ng kasikatan nina Judy Ann at Claudine Barretto!” natatawang lahad ni Jen, na 41-anyos sa kasalukuyan.
Read: Nora Aunor’s legacy: a Superstar onstage and onscreen
NORA AUNOR'S hiatus AND COMEBACK
Nang manirahan si Nora sa Amerika noong early 2000s, sinunod daw ni Jen ang kagustuhan ng Superstar na mag-aral siya.
Lahad ni Jen: “Nang magpunta si Ate Guy sa Amerika noong 2003, nag-aral ako ng college, Political Science sa Rizal Technological University, kasi yun ang gusto niya.
"Pero habang nag-aaral ako, sinusubaybayan ko pa rin ang buhay niya sa Amerika. Palagi kong pinapanood sa YouTube ang mga pelikula niya.
“Hiniling ko sa Diyos at kay Padre Pio na gusto ko, pagbalik ni Ate Guy sa Pilipinas, may work na ako, stable na ako, para maalagaan ko siya.
“Hiniling ko yon kay Padre Pio. Gumagawa ako ng sulat para kay Padre Pio sa simbahan sa Libis, Quezon City."
Noong 2011 ay bumalik sa Pilipinas ang Superstar at naging aktibo muli sa showbiz.
Naging aktibo rin muli si Jen sa pagiging Noranian.
Saad ni Jen: “Pagbalik niya, naging active Noranian uli ako. Wala na akong pakialam sa mga tao, sa mga kaibigan ko.
“Nang magkita kami sa Walang Tulugan noong 2011, niyakap ko siya, ibinulong ko sa kanya na, 'May work na ako. Sinunod ko yung sinabi mo na mag-aral ako.'
“Tuwang-tuwa siya. Mula noon, naging active fan na ako.
"At noong 2016, palagi na kaming nagkakasama. Nire-request na niya lagi na ‘Kailangan kita, punta ka.’"
Read: Ian de Leon reveals cause of death of Nora Aunor
FULL-TIME CAREGIVER OF NORA AUNOR
Kahit aktibo bilang Noranian at nagtatrabaho sa isang kompanya, hindi nawawalan ng oras si Jen para kay Nora.
Pero nitong 2024, nang lumala ang kondisyon ni Nora, nagpasya si Jen na tuluyan nang magbitiw sa trabaho at iukol kay Nora ang kanyang panahon.
“Last year, nag-resign na ako dahil palagi akong absent sa opisina.
“Ang nangyari po noon, lagi na siya [Nora] sa ospital. Papasok ako ng office, puyat ako, kasi binabantayan ko siya sa gabi.
“Nandiyan yung sasabihin niya, 'May sasabihin ang doktor, huwag ka munang umalis.'
“Ako kasi yung ipinakilala ni Ate Guy sa doktor na pamilya niya.
"Pero yun ang problema ko, hindi ako nagsisinungaling.
“Sinabi ko sa doktor na fan po ako, kaya parang sinino niya ako.
"Yun yong nag-text na ang doktor kay Lotlot na, ‘Nandito sa ospital ang mama mo.'"
Si Lotlot de Leon ang panganay na anak ng yumaong aktres.
Read: Nora Aunor, surrounded by her children in her very last moments
JEN ON LEAVING NORA'S HOUSE
Hindi pa rin matanggap ni Jen na wala na ang kanyang iniidolo at pinakamamahal na aktres.
"Hening Hening" ang tawag ni Nora kay Jen.
Ibinahagi ni Jen na umalis na sila ng kanyang mga kasamahan sa tahanan ni Nora sa Quezon City.
Ito'y matapos gunitain nila ang ika-siyam na araw mula nang mamayapa ang aktres.
Idiniin ni Jen na wala silang kinuhang gamit mula sa bahay ng Superstar.
“Pinaalis na po kami sa bahay,” pagsisiwalat ni Jen.
“Nakuha naman po namin ang mga gamit namin pero wala kaming kinuhang gamit ni Ate Guy.
“Bakit naman po namin gagawin yon? Kasabihan sa amin yon, kamalas-malasan kapag kinuha mo ang gamit ng isang patay, ikaw ang mamalasin.
“Yung mga kasamahan namin sa bahay, sinabihan ko, 'Walang kukuha, walang gagalaw sa mga gamit ni Ate Guy, walang souvenir [na dadalhin].'
“Dun po kami umuuwi galing sa wake ni Ate Guy. Dun kami natutulog.
"May fans naman na nagbibigay sa amin ng pangkain namin. Ang pamasahe namin, isinasabay kami ng iba sa sasakyan nila.
“Yung driver ni Ate Guy, wala na rin. Umuwi na sa probinsiya.”
Nangyari ang pasiyam para kay Nora noong Abril 24, at naging madamdamin ang eksena dahil nag-iyakan ang mga kasama sa bahay ng namayapang aktres.
Nakita rin nila ang biglang paglitaw ng isang paru-paro.
Saad ni Jen: “Sobrang umiyak kami habang nagdarasal kami. Grabe ang iyak ko.
"Kami na rin ang nagsabi na hindi rin kami tatagal dito dahil nung ika-ninth day, pinapaalis na kami.
“Sabi namin, antayin lang namin na mag-nine days. Magdasal lang kami para kay Ate Guy.
“Nakakita kami ng paru-paro na brown. Sabi ko, si Ate Guy ito. Hindi siya natutuwa na nangyayari ito sa atin kaya nagdasal kami.
“Saka parang naririnig ko yung yapak ng paa niya. Sabi ko, 'Ate Guy magparamdam ka. Ginising niya talaga ako.”
Related Stories:
Nang umalis si Jen at ang kanyang mga kasama mula sa huling bahay na tinirhan ni Nora, nag-post si Jen sa Facebook page nito ng video ng kanilang pamamaalam sa tahanang naging bahagi ng buhay nila.
May nag-utos daw sa kanyang i-take down, pero hindi siya sumunod.
Paliwanag niya: “Hindi ko po binura. Wala akong masamang sinabi.
"Akin ito… Alam ni Ate Guy, kilala ako ni Ate Guy kung gaano ako katapang. Sa tama lang po tayo."
Ibinahagi rin ni Jen sa kanyang social media followers ang paboritong larawan ni Nora.
Ito ay kuha mula sa 1984 movie ng Superstar na Merika.